Tribu Suhbar
Nilapitan ni Lator ang nasa labas na asawa nang makitang malalim ang iniisip nito. Nasa likod palang siya ng asawa ay nagsalita na ito.
"Si Miyela ba?" tanong ni Lator sa asawa.
Napalingon si Himena sa pinanggalingan ng tinig.
"Puwede ba, Lator, ayaw kong pag-usapan si Miyela ngayon. Lalo pa't hindi pa rin kami nagkakausap mula nang magtungo siya sa Garnaya at sa Morne," may inis na sagot ni Himena.
Tuluyang hinarap ni Lator ang asawa.
"Hindi natin panghabang-buhay na maitatago ang katotohanan kay Miyela, Himena. Alam mo 'yan. Alam mong ano mang oras ay matutuklasan mismo ito ni Miyela."
Nangilid ang luha sa mga mata ni Himena subali't agad niya rin itong pinahid.
"Hindi ito matutuklasan ni Miyela kung walang mangyayaring—"
"Mangyayaring ano?" pagputol ni Lator sa mga sasabihin pa ni Himena, "Mangyayaring hindi maganda na ikalalabas ng kapangyarihan niya? Himena, ano ka ba! Buong-buhay ni Miyela ay ikinulong mo siya rito. Ni wala siyang ibang nakasalamuha kundi tayong mga suhbaryan lamang. Pero ang itinakda sa kaniya ay hindi mo mapipigilan. Malaki na si Miyela, Himena. Hindi magtatagal ay mangyayari pa rin ang pilit mong pinipigilang mangyari."
"Hindi, Lator. Lahat gagawin ko para—"
"Para ano? Para tuluyang ipagkait sa kaniya ang dapat ay tinatamasa niya?! Himena, tumingin ka sa akin," hinawakan nito ang mga balikat ng asawa, "Sinasaktan mo nang patago ang anak natin. Ikaw masayang kapiling siya, hindi ba? Pero tingin mo, siya ba ay tunay na magiging maligaya kapag nalaman niya na pinaglilihiman natin siya? Karapatan niyang malaman ang katotohanan. Huwag mong hintaying siya pa ang makaalam dahil baka kasuklaman niya pa tayo sa ginagawa natin."
Tuluyang bumagsak ang mga luha ni Himena kasabay ng pagdaloy ng nakaraan sa kaniyang isipan...
Sa Garnaya noong mga panahong sina Hari Felipeo at Reyna Amaya pa ang namumuno sa kaharian ng Bilona.
"O, Himena, napakarami muli ng mga prutas na dala mo. Hindi pa ba gumagaling ang iyong ama?" ang tanong ni Dana.
Nalungkot bigla si Himena.
"Hindi pa, Dana. Nahihirapan na rin ako sa araw-araw na pagpunta rito upang makipagpalit ng ginto. Hindi ako napapagod sa aking ama, subali't napapagod na ako sa kasakiman ng mga taga Morne. Dati ay tatlong ginto lamang ang hinihingi nila kapalit ng isang tangkay ng halamang gamot. Ngayon ay limang ginto na ang kanilang hinihingi. Pasalamat na lamang ako at sadyang mayaman ang lupa sa amin. Hindi kami nauubusan ng mga prutas, Dana," mahabang sagot ni Himena.
Hinawakan ni Dana ang kamay nito.
"Ikinalulungkot ko ang pinagdaraanan ng iyong pamilya at ng iyong ka-tribu sa mga taga Morne, Himena. Subali't naisin ko mang tumulong ay hindi maaari. Labag sa batas namin ang makialam sa inyong buhay-buhay," ang nakikisimpatiyang sabi ni Dana.
"Masaya na akong malaman na may mabuting kalooban ang aking kaibigan. Kahit na hindi ganoon kalalim ang ating samahan dala ng pagkakaiba natin ay masaya ako. Siguro kung matutupad ang isa ko pang kahilingan maliban sa paggaling ng aking ama ay mas magiging maligaya pa ako," sinserong sabi ni Himena.
![](https://img.wattpad.com/cover/108267273-288-k351444.jpg)
BINABASA MO ANG
Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)
FantasíaPrince and Princess. King and Queen. They are for each other in this magical world. What if this rule ruins a queen's good heart? Will another queen rise or an ordinary girl deserves the crown this time? |TAGALOG STORY| ✓Completed #PenAwardsFebruary...