Mag-aala-una na ng madaling-araw ng marating niya ang hospital na kinaroroonan ng kaniyang Ina at kapatid. Magkahalong kaba at lungkot ang kaniyang nararamdaman. Ang kaninang Marlo na kasama niya pala ay tanging naglalakbay na kaluluwa nito.
"Ma." Bigla niyang niyakap ang kaniyang Ina ng makita niya ito sa labas ng kwarto sa may ICU.
"Magiging maayos din si Marlo, Ma. Matapang na bata iyon." Pagpapalakas pa niya ng loob sa Ina habang yakap ito at umiiyak.
"Lilia, anak." Narinig naman niya ang pamilyar na boses na nagmula sa kaniyang likuran at kaagad na tumingin doon.
Halos manlaki ang mga mata niya ng makita ang kaniyang Ina na nakatayo sa harapan niya. Mabilis niyang nilingon ang kaninang yakap-yakap niya, pero wala siyang katabi doon.
"Lilia..." Bigla na lang ang pagyakap ng kaniyang Ina sa kaniya sabay hagulgol pa nito.
Nanginginig man ang tuhod niya dahil sa nangyayari, ay hinayaan na lamang muna niya ito at itinuon ang atensyon sa kaniyang Inang yakap siya at umiiyak.
"Magiging maayos din si Marlo, Ma. Matapang na bata iyon." Pagpapalakas pa niya ng loob sa Ina.
"Kanina nagpakita sa'kin ang Papa mo, hindi ko alam kung anong gusto niyang ipahiwatig noong una pero iyon pala gusto niya puntahan ko si Marlo sa kwarto nito at may masama ng nangyari." Maiyak-iyak pa nitong kwento.
Marahil hanggang ngayon ay binabantyan pa rin sila ng kaniyang ama na matagal ng yumao. Naalala ni Lilia na ngayon pala ang araw ng kamatayan nito.
"Bes, sorry ngayon lang kami nakarating. Kamusta si Marlo?" Ang hinihingal pang tono ni Greta. Kasama pa nito ang dalawa pa nilang kaibigan na si Janeth at Misti.
Magkababata sina Lilia, Greta, Janeth at Misti. Si Greta ang pinaka-malapit kay Lilia dahil bukod sa kapitbahay niya ito ay madalas niyang nakakasundo sa mga bagay-bagay.
"Wala pa din balita iyong doctor." Matamlay na tugon ni Lilia.
"Bes, tanong ko lang ha. May bisita ba kayo sa bahay niyo kanina?"
Napakunot naman ang noo ni Lilia dahil sa tanong na iyon ni Greta.
"Bisita? Wala no."
"Kasi bes, noong mga alas-otso ng gabi napasilip ako sa may bahay niyo. Ang daming taong naglalakad."
"Hoy, Margareta h'wag ka ngang manakot diyan." Sabat naman ni Misti.
"Magpapaload kasi ako noon sa kanto ng mapasilip ako sa bahay nina Lilia, although alam ko naman na mga alas-onse ka na umuuwi dahil sa trabaho at minsan sa lumang bahay niyo umuuwi sina Tita. Nagtaka lang ako sa dami ng tao na pabalik-balik ang paglalakad doon."
"Hoy, Greta tumigil ka na nga. Tumataas balahibo ko sa sinasabi mo." Tugon naman ni Janeth.
Hindi alam ni Lilia kung maniniwala ba siya sa sinasabi ng kaibigan. Masyadong maraming kababalaghan ang nangyari sa kaniya ngayong araw kaya hindi iyon imposible.
Madalas na mag-isa lamang siya sa bahay na tinitirhan niya ngayon. Malapit kasi ang bahay sa lugar na pinagtatrabahuhan niya at eskwelahan. Ang kaniyang Ina at si Marlo naman ay paminsan-minsan lamang dumadalaw sa kaniya at naiwang nakatira sa lumang bahay nila.
"Namalik-mata ka lang, Bes. Tama na, tinatakot mo na sina Misti." Saad naman ni Lilia.
Pilit niyang pinapatapang ang sarili niya kahit ang totoo halos mabaliw na siya sa nangyayari.
Ala-sais na ng umaga ng mapagdesisyonang umuwi ng mga kaibigan niya dahil tulad ni Leila ay mga estudyante din ito. Binalak niyang umabsent muna ngayong araw upang samahan ang kaniyang Ina magbantay sa hospital.
"Lilia, sumama ka na munang umuwi sa kanila. Magpahinga ka at dumaan sa lumang bahay natin upang makakuha ng damit naming ni Marlo."
Sinunod naman niya ang bilin ng Ina.
"Bes, gusto mo bang samahan ka namin sa lumang bahay niyo? Ang alam ko ayaw mong magpunta doon." Saad ni Greta
"Ayos lang ako, dadaan lang muna ako sa bahay upang makapagpahinga saglit."
"Mag-iingat ka, ha."
Ilang hakbang pa lamang ang layo nila mula sa labas ng hospital at kasalukuyang nag-aabang ng jeep ng mapansin ni Lilia ang isang tent sa hindi kalayuan. Hindi niya alam kung anong mayroon doon pero para bang may kung anong bumubulong sa kaniya na kailangan niyang puntahan ito.
"Hoy, Lilia. Saan ka na naman ba pupunta?", pigil ni Misti sa kaibigan.
Nagtuloy-tuloy lang ito sa paglalakad at wala naman nagawa ang tatlo niyang kaibigan kundi sundan ang dalaga sa paglalakad. Doon natagpuan nila ang isang matandang manghuhula na kasalukuyang nag-aayos ng mga gamit niya sa loob ng tent.
"Ale." Sambit ni Lilia.
Lumingon ang matanda at wari'y nagulat sa mga dalagang nasa harapan niya. Maputi at mahaba ang buhok nito. Ang mga mata ay nanlilisik na tila binabasa ang kung ano mang iniisip mo.
"Hija, bakit ang dami mong kasama?" Tanong ng matanda.
Napakunot naman ang noo ni Lilia dahil sa sinabing iyon ng matanda at napalingon sa mga kaibigan niya.
"Kaibigan ko po sila." Tugon ni Lilia
"Pati ba ang matandang lalaki na sa tabi niya ay kaibigan mo din?", sabay turo ng matanda sa pwesto ni Janeth.
Napayakap naman tuloy bigla si Janeth sa katabi niyang si Greta dahil sa sinabing iyon ng matanda.
"Ay manang, maaga pa po para manakot kayo ha." Nanginginig na tono ni Janeth
"Marami kang kasamang kaluluwa, hija. Pinapalibutan ka nila."
Napalingon naman si Lilia sa kaliwa't kanan niya. Habang patuloy na nagsisigawan sina Greta, Janeth at Misti.
"Iyang damit mo, sunugin mo."
Napahawak naman siya sa suot niyang damit at naalala ang sinabi sa kaniya ni Manong drayber kagabi.
"Mamayang gabi bago mag-alas-dose, magsindi ka ng kandila sa salamin."
"Bes, tara na. Uwi na tayo. Natatakot na kami dito." Pagrereklamo ni Greta.
"Kung seswertehin ka, makikita mo sa salamin ang kaluluwa na sumusunod sa'yo. Binabantaan ka nila sa kaluluwang kukunin nila."
"Ale, paano naman naging swerte ang makakita ng multo sa salamin, ha. Halika na nga, Lilia. Baliw lang iyan." Sabat naman ni Misti.
"Kukunin nila? Sinong kukunin nila, manang?" tanong ni Lilia
"Kaluluwa ng mga taong malalapit sa'yo."
"Manang, tumigil ka na nga. Lilia, huwag mong sabihin na naniniwala ka sa baliw na iyan." Naiirita ng tono ni Greta.
"Hindi mo sila matatakasan." Napahawak pa ang matanda sa kanang kamay ni Lilia.
Lumabas ang magkakaibigan sa tent na iyon at hindi pa rin maalis ang takot na nararamdaman ni Lilia. Hindi niya alam kung dapat ba siyang maniwala o baliwalain na lamang iyon.
BINABASA MO ANG
Kababalaghan Ni Lilia (Soon to Publish)
Mystery / ThrillerIsang simpleng pangitain na binaliwala ni Lilia ang magiging dahilan ng pagkakapahamak ng mga mahal niya sa buhay. Patuloy niya lamang ba paniniwalain ang sarili na aksidente lamang ang nangyayari o magigimbal sa kababalaghang bumabalot na sumusuod...