Nang makita ni Greta ang kaibigang si Janeth na nawalan ng malay, walang-takot naman niyang nilapitan ito. Naluluha na siyang yakap-yakap ang kaibigan saka nilingon ang nangyayari sa paligid. Nakita niya ang kandilang nabitawan ni Janeth at kinuha iyon. Muli, ay humarap siya sa salamin.
“Salamin, salamin. Kunin niyo na ang mga kaluluwang-ligaw na ito ngayon din.” Matapos niyang banggitin ang mga katagang iyon ay isang napakalakas na kulog at kidlat ang kanilang narinig kasabay pa ang malakas na ihip ng hangin na talaga namang kikilabutan ka sa lamig.
Narinig nila ang pagbagsak sa sahig ng katawan ni Lilia at tila ba biglang tumahimik ang bahay at bumalik ito sa katinuan.
Kaagad na nilapitan ni Ryan ang wala pa din malay na si Lilia, habang si Greta naman ay pinuntahan ang kaibigang si Janeth na sa mga oras na iyon ay nagising na. Hawak-hawak pa ni Janeth ang kaniyang ulo dahil sa masakit nitong pagkakatumba kanina sa sahig.
“Tapos na ba?” nangangamba pa din na tono ni Janeth.
Napalingon tuloy si Greta sa pwesto ni Lilia na yakap-yakap ni Ryan. Nilapitan nila ito at doon itinuloy ang balak na hubarin ang suot nitong damit saka matapang na kinuha ni Greta iyon at sinunog. Binitiwan ni Greta ang damit ng malapit ng pumunta ang apoy sa kamay niya. Sinabayan naman ito ng dasal ng pari at paghahawak-hawak nila ng mga kamay.
Umaga na ng magkamalay si Lilia at dinala pala siya ng mga kaibigan niya dito sa hospital. Naramdaman naman niya ang mainit na kamay na mahigpit ang pagkakahawak sa kaniya. Doon nakita niya si Ryan na nakasubsob sa pag-upo habang natutulog sa kaniyang tabi.
Pinilit naman niyang magsalita dahilan upang magising ang lalaki. Napansin niya ang ilang sugat nito sa mukha at ilang kalmot sa braso.
“Ano bang nangyari?” nanghihina niyang tanong sa binata.
“Tapos na, Lilia. Tapos na.” Bigla naman tumayo si Ryan at niyakap pa siya nito.
Bago pa man tuluyang maintindihan ni Lilia ang ibig sabihin ng binata ay napaluha na lang siya ng hindi alam kung ano ang naging dahilan nito. Marahil ay dahil sa pagod at takot na kaniyang naramdaman sa malagim na pangyayaring iyon.
Ilang araw pa na nanatili si Lilia sa hospital. Gabi-gabi siyang binabantayan ng binatang si Ryan doon na lagi namang nagpapaalam sa trabaho. Ilang beses din dumalaw sa kaniya ang mga kaibigan niyang si Greta, Janeth at si Misti na malakas na muli.
“Bakit ba lagi kang nandito? Baka naman matanggal ka na sa serbisyo niyan at puro ako na lang ang inasikaso mo.” Kasalukuyang kumakain si Lilia ng mansanas na binabalatan naman ni Ryan.
Kakauwi lang ng mga kaibigan at Ina niya upang bumisita sa kaniya ng mga oras na iyon.
“Bakit ayaw mo bang nandito ako upang bantayan ka?”
“Hindi naman.”
Lumapit pa ito sa dalaga saka hinawakan ang kaniyang kanang kamay. Nagulat pa si Lilia ng bigla nitong halikan ang kaniyang kamay at tinitigan siya sa mga mata.
“Gusto kita Lilia, matagal na. Pero ngayon, sana hayaan mo akong mahalin ka.”
Pilit mang itanggi ni Lilia sa kaniyang naging reaksyon sa mukha ay hindi naman niya maitatago sa sarili na kinilig siya sa sinabi ng binata.
“Hayaan mo din sana akong mahalin ka.” Nakangiti pang tugon ni Lilia
Isang malaking ngiti naman ang namutawi sa mukha ni Ryan matapos ay mahigpit na niyakap si Lilia. Kasabay noon ay ipinasuot pa nito sa dalaga ang regalo niyang kwintas.
Tapos na nga ba talaga ang kabalaghang iyon sa buhay niya? Sa buhay nila? Matapos bang masunog ni Greta ang dilaw na damit ni Lilia ay matatahimik na ang mga kaluluwa?
Oras na upang lumabas si Lilia sa hospital kaya naman maagang siyang sinundo ng kasintahang si Ryan pagka-uwi nito sa trabaho. Alam na din ng kaniyang Ina at mga kaibigan ang tungkol sa kanilang dalawa kaya tila wala na ngang hadlang pa.
Kasalukuyan namang inaayos ni Ryan sa kaniyang motorsiklo ang mga dalang bag ni Lilia nang mapansin ng dalaga ang isang pamilyar na babae na nakatayo hindi kalayuan sa kaniya. Mabilis niya itong nilapitan at nagtataka naman na sumunod na din lang si Ryan sa kaniya.
“Lilia, saan ka ba pupunta?” tanong ng lalaki ngunit hindi siya nilingon ni Lilia na tuloy-tuloy lang sa paglalakad.
Hanggang sa narating ni Lilia ang kinaroroonan ng babaeng kaniyang pakay. Hinarap niya pa iyon, at siya nga ang babaeng manghuhula na nakita niya noon.
“Manang.” Saad ni Lilia at bigla namang napaatras ang matandang babae pagkakita sa kaniya.
“Hija, akala ko ba sinunod mo na ang sinabi ko. Bakit marami pa din kaluluwa ang nakapalibot sa’yo?”
Sa pagkakasabing iyon ng matanda ay bumilis ang tibok ng puso ni Lilia dahil sa kaba. Nagulat pa siya ng may biglang yumakap sa kaniya at si Ryan lamang pala iyon.
“Manang, ano po bang sinasabi mo? Huwag niyo na po kaming takutin. Sinunog na po namin iyong damit.” Saad naman ni Ryan
“Pero ang salamin, binasag niyo ba matapos niyong sunugin ang damit?”
“Salamin?” nauutal na tanong ni Lilia.
“Dahil sa ginawa mong pagbaliwala ng pangitain at pagtingin sa salamin habang sinusuway iyon, ginambala mo ang mga kaluluwa na hanggang ngayon ay sumusunod pa sa’yo”
Halos mapaatras naman si Lilia dahil sa sinabing iyon ng matanda.
Ang akala nilang tapos na, ay hindi pa pala.
BINABASA MO ANG
Kababalaghan Ni Lilia (Soon to Publish)
Mystery / ThrillerIsang simpleng pangitain na binaliwala ni Lilia ang magiging dahilan ng pagkakapahamak ng mga mahal niya sa buhay. Patuloy niya lamang ba paniniwalain ang sarili na aksidente lamang ang nangyayari o magigimbal sa kababalaghang bumabalot na sumusuod...