Ilang araw na nga ang lumipas at tila balik-normal na nga ang lahat. Nakalabas na din ng hospital si Marlo, at si Greta naman ay unti-unti ng nakakabawi ng lakas. Nahuli na din ng mga pulis ang lalaking nakabunggo kay Greta at kasalukuyan itong nakakulong. Samantala, ang magkasintahan namang may kagagawan ng pagkamatay ni Chino ay patuloy pa din na pinaghahanap ng awtoridad.
Kasalukuyang nag-aayos ng gamit si Lilia sa pagpasok ng mapatingin siya sa bintana. Mistulang may anino ng isang babae doon ang nakatayo. Dahan-dahan naman siyang lumapit doon at mabilis na hinawi ang kurtina ngunit wala naman siyang nakitang tao na nakatayo sa labas ng may bintana.
Pabalik na siya ng may isang itim na pusa naman ang biglang napatalon sa kaniyang balikat. Naramdaman naman niya ang pagkirot ng kalmot ng pusa na iyon kaya mabilis niya itong hinanap kung saan na nagsuot. Sinilip niya sa may ilalim ng kaniyang bangko ngunit wala. Sinubukan naman niya sa ilalim ng kaniyang kama at nandoon nga ang itim na pusang iyon. Pilit naman niya itong inaabot ng kaliwang kamay nang bigla na lang mapaatras dahil sa nakitang binti ng babaeng nakatayo sa harap ng kama niya. Makapigil-hininga naman siyang napatayo upang tingnan ang babaeng multo na iyon, pero nawala ito.
Napaupo siya sa kaniyang kama at sinimulan muli ang paglalagay ng ilang notebooks niya sa bag. Narinig naman niya ang pagtunog ng kaniyang telepono saka sinagot ito.
“Hello, Lilia. Si Ruth ito, iyong classmate mo sa calculus.” Boses sa kabilang linya.
“Ruth?” pagtatakang-tanong ng dalaga.
“Ruth Robinos. Hiningi ko kay Janeth ang number mo. Itatanong ko lang sana kung pwede ako makahiram ng notes mo sa subject natin kasi halos wala akong kopya.”
“Sige, Ruth. Papasok naman ako mamaya, ipa-photocopy mo na lang.”
Nagpaalam naman siya sa kaniyang Ina at bunsong kapatid na nagpapahinga lang sa kabilang kwarto ng bahay saka umalis na upang pumasok sa eskwelahan.
Nadatnan niyang nagtuturo na ang kaniyang propesor sa unahan kaya naman tahimik lang siyang pumunta sa pwesto niya. Sa likurang bahagi ang upuan ni Lilia, pinili niya ito upang walang makakakita sa kaniya na siya ay minsang napapaidlip sa klase dahil sa pagod sa trabaho.
Napansin naman niya ang isang babaeng katabi niya na paulit-ulit ang pagkaway sa kaniya. Lumapit pa ito ng bahagya saka bumulong sa kaniya, “Welcome back, Lilia.”
Ngiti lamang ang itinugon ni Lilia sa katabi, saka naman napansin niyang nagsulat ito sa notebook at ipinabasa sa kaniya. “Iyong hinihiram kong notes, ah.”
Doon niya napagtantong siya si Ruth na tumawag sa kaniya kanina.
Break time kaya napagdesisyonan ni Lilia magtungo sa banyo. Napansin naman niyang okupado ang lahat ng silid dahil sa naririnig niyang pag-flush sa inidoro, kaya naman tahimik siyang naghintay sa may harap ng salamin. Naisip niyang maghilamos muna dahil nararamdaman niyang dinadalaw na naman siya ng antok. Nang may tatlong magkakaibigang babae naman ang pumasok sa banyo at dere-deretso sa tatlong silid na iyon.
Pipigilan niya pa sana ang mga ito dahil sa akala niyang may tao sa loob ngunit laking-gulat niyang wala naman palang gumagamit ng banyo kanina. Napatakbo siya sa labas dahil sa takot. Hanggang dito pala sa kaniyang eskwelahan ay sinusundan siya ng mga kaluluwang-ligaw na akala niya ay mananahimik na matapos ang ilang araw nilang pananahimik.
Sa kaniyang pagtakbo ay nabangga niya ang isang estudyanteng takang-taka sa kaniya.
“Oh Lilia, may problema ba?”
“Ru…Ruth” nanginginig niyang sambit sa babaeng kaniyang kaharap. Napayakap naman siya dito dahil sa takot.
Sinamahan naman siya ng kaklaseng si Ruth hanggang sa makabalik na sila sa kanilang kwarto para sa susunod na klase. Pilit pinapalakas ni Lilia ang sarili at inaalis sa isipan ang mga nakita at narinig niya.
“Wala ng susunod, Lilia. Wala na.” bulong niya sa sarili.
Matapos ang klase ay kaagad na lumapit sa kaniya ang kaklase niyang si Ruth na kasama pa ang bestfriend daw nitong si Alexa. Hindi naman na nagdalawang-isip pa si Lilia para pahiramin ito ng kaniyang notebook dahil alam niyang malapit na ang finals nila at kailangan talagang mag-aral ng husto. Ilang araw siyang hindi nakapasok sa klase noon, ngunit mabilis naman siyang nakahabol sa mga leksyon.
Tahimik lamang na naghihintay si Lilia sa tapat ng photocopy center habang tinitingnan ang dalawang magkaibigan na nagdediskusyon ng kanilang ipapakopya. Nang mapansin ni Lilia ang dilaw na suot ni Alexa na halos magusot na dahil sa mga yakap-yakap nitong libro. Kaagad niyang nilapitan ang dalaga at nagulat itong kinuha’t itinapon ni Lilia ang mga hawak niyang libro sa sahig.
“Ano bang problema?” gulat na tanong ni Alexa
“Paanong suot mo ang damit ko?” tanong ni Lilia
“Damit mo? Binili ko ito sa palengke kahapon.” Pagmamatigas na sagot naman ni Alexa
“Hubarin mo ‘yan. Hubarin mo kung ayaw mong may masamang mangyari sa’yo.”
“Hindi ko alam na may sayad ka pala sa utak. Salamat na lang sa notes mo. Aalis na ako Ruth, baliw na ata iyang si Lilia.” Paalam naman ni Alexa saka hinabol naman ito ng kaibigan si Ruth.
Oras na ng kaniyang trabaho kaya naman walang nagawa si Lilia upang pumasok naman doon. hanggang ngayon, hindi mawala sa isip niya ang damit na suot ni Alexa. Nagtataka lamang siya, bakit parang kahit hindi naman malapit sa kaniya ay nakikitaan niya ng masama.
Natapos ang kaniyang trabaho at ngayon ay naghihintay sa may labasan ng mapansin niya ang isang pamilyar na binata sa kaniyang kanang pwesto. Dahan-dahan naman niya itong nilapitan at si Benson nga. Halos mapaiyak naman siya sa tuwa dahil sa wala naman palang nangyari na masama sa binata na akala niyang siya ang nakitang kaluluwa sa salamin. Masaya pa silang nag-uusap sa jeep na halos pagtingnan siya ng mga kasabay niyang pasahero dahil sa lakas ng tawa niya sa mga nakakalokong biro ng binata.
Nakarating na siya sa kaniyang bahay at dumiretso muna sa kabilang kwarto kung saan nadatnan niyang kapwa tulog na ang kaniyang Ina at kapatid. Nagtungo naman na siya sa kaniyang silid at saka tuluyang napahiga sa kaniyang kama dahil sa pagod. Hindi na niya magawa pang magpalit ng damit at tila wala ng enerhiya upang bumangon pa. Ilang minuto pa ang lumipas, nakarinig naman siya ng ilang pagsipol na nanggagaling sa labas. Hinayaan niya lang ang tunog na iyon at nagtabon pa ng unan sa may tainga. Maya-maya naman ay may narinig siyang malakas na ingay mula sa sala. Hindi niya ulit pinansin iyon dahil sa pag-aakalang ang Ina lamang niya iyon. Makalipas pa ang ilang Iandali, nakaramdam siya ng isang napaka-lamig na ihip ng hangin na talaga namang nagpatindig ng kaniyang mga balahibo. Napamulat siya at napangon dahil doon, pilit niyang inaabot ang switch ng aircon upang pahinaan ito. Bigla naman siyang nakarinig ng isang tila kumakantang babae sa may sala. Tahimik na ang paligid, at talaga namang iyong pagkantang iyon lamang ang bumabasak ng katahimikan sa buong kabahayan. Natatakot man siyang bumangon at tingnan kung ang kaniyang Ina lamang ba ang kumakantang iyon ay nilakasan pa rin niya ang kaniyang loob.
Nanlaki ang kaniyang mga mata ng makita niya ang isang babaeng naka-uniporme na duguan ngunit patuloy pa din sa pagkanta at pagsusulat sa isang notebook doon.
“Alexa.” Banggit niyang pangalan.
Tila nawala naman ang kaluluwang iyon dahil sa kaniyang sinabi. Siya na nga ba ang susunod?
BINABASA MO ANG
Kababalaghan Ni Lilia (Soon to Publish)
Mystery / ThrillerIsang simpleng pangitain na binaliwala ni Lilia ang magiging dahilan ng pagkakapahamak ng mga mahal niya sa buhay. Patuloy niya lamang ba paniniwalain ang sarili na aksidente lamang ang nangyayari o magigimbal sa kababalaghang bumabalot na sumusuod...