Kabanata 4

286 13 5
                                    

Nakauwi si Lilia sa bahay nila na para bang pagod na pagod sa mga nangyari.

"Sure ka na okay ka lang mag-isa dito? Pwede naman na umabsent din ako?" pag-aalala ni Greta.

Nag-paalam na sina Janeth at Misti dahil sa kabilang barangay pa sila nakatira.

"Ayos lang ako, Bes. Salamat."

"Basta tawagan mo ako kapag may problema. At saka huwag mo ng isipin iyong sinabi ng matanda." Bilin pa ni Greta.

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan ng umalis si Greta at naiwan na mag-isa doon si Lilia. Nagpasya naman siyang maligo muna bago magpunta sa lumang bahay nila.

Napatingin siya sa orasan at pasado alas-dyes na pala ng umaga. Kinuha naman niya ang tuwalyang nakasampay malapit sa kama niya saka sinimulang magtungo sa banyo.

Binuksan niya ang gripo at hinubad ang suot niyang damit saka inilagay sa isang basket kasama pa ng ibang damit niyang lamog. Nagsimula na siyang magbuhos sa katawan. Kumakanta-kanta pa siya para maiwasang isipin ang mga sinabi sa kaniya ng matandang manghuhula. Maya-maya ay biglang may narinig siyang ingay sa may kusina. Napatigil siya saglit sa pagkanta at hindi kalaunan ay bumalik na din sa pagsasabon ng katawan. Hinayaan niya iyon dahil baka pusa na naman ito ng kapit-bahay na mahilig pumasok sa bahay niya.

Narinig naman niya ang maingay na pagbukas ng pinto ng bahay. Inakala niyang si Greta ito na bumalik at may nalimutan lamang.

"Oh Bes, may naiwan ka ba?", patuloy pa din siya sa pagsasabon na ngayon ay sa parteng mukha naman niya.
Nagtaka siyang walang Greta na sumasagot.

"Margareta, huwag kang manakot diyan ha."

Isang malamig na hangin naman ang tila dumampi sa katawan niya kasabay ang biglang pagkawala ng tubig sa shower. Dala ng sabon sa mukha ay hindi niya maimulat ang mga mata.

"Bes, nagbrown-out ba? Bakit nawalan ng tubig. Pa-check naman oh." Patuloy niyang kinakapa ang isinampay niyang tuwalya sa may likod ng pinto ng banyo.

Narinig naman niya ang ilang hakbang na naglalakad patungo sa direksyon niya. Tunog-takong ito at alam niyang si Greta iyon dahil siya lamang naman ang mahilig magsuot ng heels.

"Hoy, Bes.Nandyan ka ba?" Kung kanina ay binabalewala lamang niya ang mga naririnig, ngayon ay nagsimula na naman bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa kaba. Nararamdaman niya ang paglaki ng ulo niya at pagtindig ng balahibo ng papalapit ng papalapit ang hakbang na iyon sa kaniya.

Mabilis niyang hinigit sa ang tuwalya at ipinunas sa mukha niya saka ibinalot sa katawan.

"Sinong nandiyan?" nanginginig niya pang boses.

Nagulat naman siya sa biglang buhos ng tubig mula sa shower. Dahan-dahan niya itong isinara at matapang na binuksan ang pinto ng banyo upang makalabas.

"Greta, ikaw iyan alam ko. Lumabas ka na nga."

Pilit niya pang pinapatapang ang sarili.

Sinilip niya ang kusina dahil sa may narinig siya doon na ingay kanina, pero wala namang pusa doon o kung ano mang bagay ang nabasag upang gumawa ng ingay.

Nagdesisyon siyang magtungo na sa kwarto upang makapagbihis. Napatingin naman siya sa salamin na katabi ng kaniyang kama na kagabi ay doon niya nakita ang kaluluwa ni Marlo at ng Ina.

Sa takot niya ay hinagisan niya ito ng kumot upang matakpan.

Ilang sandali pa ay may narinig naman siyang hagulgol na tila ba hirap na hirap na sa paghinga dahil sa pag-iyak. Hinanap niya ang ingay na iyon at nagmumula pala sa kaniyang cabinet.

Halos kapusin siya sa paghinga habang papalapit sa cabinet na iyon. Patuloy lang ang ingay na pag-iyak mula sa loob nito at dahan-dahan niyang binuksan upang makita kung ano mang mayroon sa loob noon.

Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso niya habang isa-isa niyang hinahawi ang mga damit na naka-hanger sa loob ng cabinet.

"Hindi niyo ako matatakot." Malakas na sambit niya.

Sa pagkasabi niyang iyon ay tila ba nawala ang pag-iyak na nagmumula doon.

Mabilis naman siyang kumuha ng damit at isinuot iyon. Gusto na niyang makalabas ng bahay ng mga oras na iyon at magsisigaw, humingi ng tulong o kung ano pa man.

Matapos niyang magbihis, kinuha niya ang cellphone at susi ng lumang-bahay nila saka nag-umpisang maglakad palabas. Hindi na niya nagawa pang magsuklay, magpulbo o magpabango man lamang dala na rin ng takot tumingin sa salamin.

Pagkarating niya sa kanto kung saan maraming taong naghihitay ng pampasaherong jeep ay hindi maiwasang pagtingnan siya ng mga ito dahil sa gulo-gulo niyang damit at hindi maiwaring hitsura dahil sa takot.

"Miss, okay ka lang ba?" Nagulat naman siya sa lalaking nagsalita sa may tabi niya.

Tanging tango lamang ang kaniyang naitugon dito.

"Baliktad kasi ang pagkakasuot mo ng t-shirt.", dagdag pa ng lalaki.

Napatingin naman tuloy siya sa kaniyang suot, at tama ngang baliktad ang suot niya. Marahil ay dala ito ng pagmamadali niya kanina kaya hindi na niya napansin.

"Uso to ngayon, hindi mo ba alam?" Pagpapalusot niya pa.

Isang matamis na ngiti naman ang iginanti ng lalaking iyon sa kaniya. May katangkaran ang binata, matikas at mukhang mabait.

May humintong jeep sa tapat nila at nagsimula ng sumakay ang ilang pasahero, at ganoon din naman si Lilia. Hindi na niya namalayan kung nakasakay din ba ang binatang kausap niya kanina dahil sa nag-uunahan na ang mga kasabay niyang pasahero sa pagsakay. Bukod sa madalang ang dumadaang jeep dito, ay mahaba-habang byahe ito patungo sa bahay nila. Inaabot ng isang oras ang biyahe sa jeep, at kung mamalasin ka pa na ganitong malapit na magtanghali ay traffic na sa daan ay aabutin ng dalawang oras.

Napapapikit si Lilia dala na din ng hangin sa paligid at puyat sa pagbabantay kagabi.

"Pare, anong nangyari diyan?" narinig niyang tanong ng katabi niyang pasahero.

Iminulat naman niya ang mga mata niya ng mapansing huminto ang jeep na kaniyang sinasakyan.

"Nabunggo sa pader, pare. Nawalan daw ng preno kagabi."

Nagsimula naman ng maki-osyoso ang iba pang pasahero at ganoon din si Lilia.

"Kawawa naman si Manong." Sambit ng isang pasaherong babae na nasa tapat niya.

Pilit niyang sinisilip ang nakatihayang jeep sa tabi ng kalsada. Sa dami ng taong nakapaligid doon ay marahil dahilan na din kung bakit mas lalong mabagal ang byahe ngayon. Hinaharangan nila ang daan na dapat ay para sa mga sasakyan.

"Wala bang sakay iyan pare na pasahero?", tanong ng drayber na sinasakyan nila Lilia.

"Wala pare, pauwi na daw ito kagabi galing sa huli niyang pasada."

"Ang malas naman. Huling byahe na pala niya iyon."

Tila kinabahan naman si Lilia ng marinig niya ang salitang "Malas".

Pilit niyang sinilip ang nasabing naaksidente, at doon nakita niya ang mukha ng drayber na naghatid sa kaniya kagabi. Halos malaglag siya sa pagkaka-upo ng makita niya ang mukha ng matanda na naipit ng sarili niyang sasakyan kaya hindi maalis ang katawan doon.

"Malas." Narinig niyang pagbulong sa kaliwang tainga niya.

Nilingon naman niya ang katabi at tanging isang batang babae lamang na busy sa paglaro sa tablet nito ang nandoon.

Nagsimula ng umusad ang jeep na kaniyang sinasakyan. Ngunit, hindi niya pa rin maiwasan lingonin ang matandang drayber na naaksidente doon.

"Ako na ba ang susunod?", bulong niya sa kaniyang sarili.

Kababalaghan Ni Lilia (Soon to Publish)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon