Gumaan naman ang pakiramdam ni Lilia dahil sa ginawang pagsama ng binata sa kaniya buong magdamag upang bantayan si Misti sa hospital.
“Wala ka bang trabaho mamaya?” tanong ni Lilia. Mag-aalas-singko na ng umaga pero hindi pa rin ito nagpapaalam.
“Nagpaalam ako kay Chief na hindi muna ako makakapasok ngayon.”
“Bakit naman?”
“Gusto kitang samahan dito.”
Napangiti naman si Lilia dahil sa sinabing iyon ni Ryan. Inabutan pa siya nito ng tatlong rosas na nabili niya raw sa may labasan kanina. Mabait ito at maalalahanin, ilang katangiang hinahanap niya sa isang lalaki. May pag-asa nga kayang mahulog ang loob niya sa binata?
Hawak niya ang pinto ng kwarto ni Misti at papasok na upang bumalik sila sa pagbabantay doon ng manlaki ang mga mata niyang nakita ang mga kaluluwang nakapaligid sa kaibigan. Tila ba binabantayan nila si Misti na natutulog at kukunin ano mang oras. Napasandal siya sa binatang nasa likuran niya at nanginginig na sinabing, “Kukunin nila si Misti.”
Pilit naman siyang pinaharap ni Ryan sa kaniya at sinabing, “Kung nakikita mo sila, huwag mo silang tingnan. Tinatakot ka lang nila. Wala silang magagawa upang saktan ka. Nandito lang ako, at hindi ko hahayaan na may masamang mangyari sa’yo at sa kaibigan mo.”
Naramdaman naman niya ang mainit na pagyakap sa kaniya ng binata.
“Tulungan mo ako. Kailangang matapos na ito.” Saad ni Lilia.
Sinamahan muli siya ng lalaki sa lumang bahay nila at saka mabilis na hinarap ni Lilia ang salamin.
“Makikita mo ba ang mga kaluluwa ng ganitong kaliwanag?” tanong ni Ryan
“Nagpapakita sila kahit anong oras sa’kin. Kailangan maka-usap ko sila ngayon. Hindi nila dapat makuha si Misti.” Habang patuloy pa din na nakatitig sa salamin.
Muli naman siyang hinarap ni Ryan at sinabing, “Hindi kaya wala naman talagang multong gustong kumuha sa kaibigan mo? Iyong mga nangyaring aksidente sa kanila baka naman hindi iyon kagagawan ng mga multong sinasabi mo.”
Napaatras naman si Lilia dahil sa sinabing iyon ni Ryan. Akala niya ay nauunawaan siya nito, pero hindi pala siya kailanman pinaniniwalaan.
“Anong gusto mong palabasin? Baliw ako?” saad ni Lilia.
“Hindi. Ang sinasabi ko lang, baka kailangan natin na huminahon lang. Walang masamang mangyayari, Lilia. Nandito ako upang bantayan ko kayo, hindi ba?”
“Akala ko kaya mo ako sinasamahan dahil naniniwala ka sa mga sinasabi ko.Umalis ka na.” naiiyak na tugon ni Lilia.
“Hindi tayo magagawang saktan ng mga kaluluwa Lilia. Tinatakot ka lang nila.”
“Umalis ka na, Ryan.” Habang pilit na itinutulak ang binata papalabas ng bahay.
“Lilia, hindi kita iiwan dito.”
“Hindi ka naniniwala sa’kin kaya para saan pa at nandito ka upang samahan ako?”
“Gusto kita, Lilia. Matagal na kitang gusto kaya hindi ko hahayaang mag-isa ka dito.” Napatigil naman si Lilia sa sinabing iyon ni Ryan.
“Umalis ka na.” at tuluyan ngang pinalabas ng dalaga ang kasamang lalaki. Isinara niya pa ang pinto at saka nagkulong sa kwarto.
Hindi niya alam kung maniniwala siya sa mga sinabi sa kaniya ng binata. Basta ang alam lang niya, hindi siya nito pinaniniwalaan sa mga nangyayari.
Nakatulog si Lilia dahil sa sama ng loob, namalayan na lamang niya na hapon na pala. Sumilip naman siya sa labas ng bahay nila at wala na doon si Ryan. Malabo nga naman na maghintay ang lalaki doon ng matagal na oras sa labas ng kanilang bahay.
At dahil plano niyang maghintay ng gabi sa bahay na iyon, nagdesisyon muna siyang kumain. Nagpunta siya sa kusina at naghanap ng kung anong pwedeng makakain doon. Ngunit wala siyang nakita ni isa, kaya naman naisipan niyang lumabas upang doon na lang kumain sa malapit na karendirya.
Matapos niyang kumain ay naisipan niyang bumili ng kandila at saka posporo bago muling bumalik sa bahay.
“Lilia.” Napalingon naman siya sa tumawag sa pangalan na iyon at si Benson pala. Nakangiti pa itong lumapit sa dalaga.
Natuwa naman ang dalaga sa nakita niyang si Benson dahil sa wakas may makakasama siyang maglakad pabalik ng bahay nila. Nagkwentuhan lamang sila sa habang naglalakad. Pakiramdam talaga ni Lilia ay matagal na niyang kilala si Benson dahil sa magaan nitong pakikitungo sa kaniya.
Nang malapit na ang dalaga sa kanilang bahay, napansin niyang may isang lalaking nakaupo sa labas noon. Madilim sa bandang-lugar na iyon kaya hindi niya maaninag kung sino ba ito.
“Sino iyan?” kunwareng matapang niyang tanong. Nilingon niya pa si Benson sa kaniyang likod upang makasigurong may kasama siya kung ano man ang mangyari sa kaniya.
“Lilia.” Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya at doon niya nalaman na si Ryan pala.
“Akala ko umalis ka na?” masungit niyang tanong
“Bumili lang ako ng makakain mo. Sino ba ang kausap mo kanina?”
“Si Ben…” napatigil naman siya sa pagsasalita ng mamalayang wala na si Benson sa likod niya.
Hinanap niya pa ito ng kaniyang tingin ngunit parang bula itong naglaho. Marahil ay naka-uwi na ito ng hindi man lang nag-paalam sa kaniya.
“Pasensiya na sa mga nasabi ko kanina. Naniniwala na ako sa’yo.” Saad naman ng lalaking nasa harapan niya
“Naniniwala na baliw ako?” habang binubuksan ang pinto ng bahay.
Dumireto naman siya sa kusina at hinayaan na sumunod lamang si Ryan sa kaniya. Madilim na at natatakot din siyang mag-isa sa lumang-bahay na iyon.
“Kumain na ako, kainin mo na lang iyang dala mo.” Saad naman ni Lilia.
“Galit ka pa ba?” nagulat naman siya sa biglang pagyakap nito sa likuran niya.
Akala niya mga kaluluwa lamang ang magpapabilis ng tibok ng puso niya dahil sa kaba, isa pa pala itong si Ryan.
Ilang sandali pa, sinidihan na ni Lilia ang binili niyang kandila. Ngunit tila may umiihip na malakas na hangin doon at namamatay ito. Tinutulungan naman siya ng binata at muli itong sinisindihan.
Halos manikip ang dibdib niya ng sabihin sa harap ng salamin ang katagang, “Salamin, salamin. Kayong mga kaluluwa ay magpakita sa’kin.”
Naramdaman niya ang malamig ng ihip ng hangin sa buong silid ng mga oras na iyon, pero nabawasan ang kaniyang takot dahil sa mahigpit na hawak ni Ryan sa kaniyang kaliwang kamay.
Nakatitig lamang si Lilia sa harap ng salamin at hinihintay na magparamdam at magpakita ang mga kaluluwang iyon. Hanggang sa isang babae ang makita niyang nakatabi sa pwesto ng lalaking kasama niya. Tiningnan niya ito at matapang na tinanong, “Ano bang gusto niyo?”
Naramdaman naman niya ang mas humigpit na pagkakahawak sa kaniya ni Ryan, marahil ay natatakot na rin ito sa ginagawa ni Liliang pakikipag-usap sa kaluluwa.
Muling namatay ang apoy ng kandilang hawak niya kaya pilit na sinindihan niya ulit iyon, at laking gulat ng makita niya ang sarili sa harap ng salamin suot ang dilaw niyang damit.
BINABASA MO ANG
Kababalaghan Ni Lilia (Soon to Publish)
Mystery / ThrillerIsang simpleng pangitain na binaliwala ni Lilia ang magiging dahilan ng pagkakapahamak ng mga mahal niya sa buhay. Patuloy niya lamang ba paniniwalain ang sarili na aksidente lamang ang nangyayari o magigimbal sa kababalaghang bumabalot na sumusuod...