"YOU'RE really a darling, Mich. I really appreciate everything. Thanks so much-- Yeah, I will see you later."
Napahinto si Mika sa gagawin sanang pagpasok sa banyo para maligo nang marinig ang boses ng boyfriend na si Ricci. Bahagyang nakaawang ang pinto ng CR kaya narinig niya ang sinabi nito.
Mich? As in Michelle, his ex? Ano ang pinag-uusapan nila na kailangan pa ni Ricci na magtago sa CR para sagutin ang tawag nito? nagtatakang tanong ng isip niya.
Ayaw niyang mag-isip ng masama pero nagtataka na siya sa ikinikilos ni Ricci lately. Kung hindi ito laging may kausap sa phone, busy naman sa kakatext.
Hindi niya ugali ang mag-nag pero gustong-gusto niya na itong sitahin sa mga napupuna rito. Hindi naman niya magawang magtanong dahil natatakot siya sa posibleng isagot nito. Limang buwan pa lang mula nang magkaayos sila. Napakaaga naman yata nitong magsawa sa kaniya. Ni hindi pa man lang nakakalabas ang anak nila sa tiyan niya tapos ay ipagpapalit na agad siya nito sa iba.
"Babe! Kanina ka pa ba diyan?" gulat na tanong ni Ricci nang makita siya sa tapat ng pinto ng banyo paglabas nito. May nasilip siyang panic sa mga mata nito nang tumingin siya rito.
"A-ahm hindi naman." Sakto lang na narinig kong makikipagkita ka pala sa ex mo! Gusto niya nang kumprontahin ito pero naduwag siya. Hindi niya alam kung bakit kailangang itago ni Ricci sa kaniya ang pakikipag-usap nito kay Michelle samantalang hindi naman niya ito pinagbabawalan. Alam naman niyang magkaibigan ang dalawa.
"You should have called me para naalalayan kita," sabi nito na agad siyang hinawakan sa braso at maingat na inalalayan papasok ng CR. "That baby bump is getting bigger by the day. You shouldn't be moving around without assistance."
"Kaya ko naman. I'm not a baby," sabi niya habang lumalapit sa sink.
"But you will always be my baby."
She was caught off-guard sa banat na iyon ng boyfriend. Hindi niya tuloy napigilan ang ngiti na kusang lumabas sa bibig niya dahil sa kilig. Iyon ay sa kabila ng pagdududa niya sa mga ikinikilos nito. She had to give it to Ricci. He surely knows the way to her heart.
"Uyyy kinilig siya du'n," nanunuksong sabi ni Ricci nang mapuna nito ang pagngiti niya.
"Mukha mo! Labas ka na nga," naiinis kunwari na sabi niya habang pinipigilan ang paglapad ng ngiti.
"Ang sungit naman ni soon-to-be Mrs. Rivero," pang-aasar pa nito.
"Soon-to-be Mrs. Rivero eh hindi naman nagpopropose," busangot na bulong niya sabay balibag ng pinto. Hindi niya na tuloy nakita ang makahulugang ngiti sa mukha ni Ricci na narinig ang pagbulong niya.
Nainis na naman siya dahil sa pagbanggit nito sa pagiging Mrs. Rivero. Ilang beses na kasi siyang nagpaparinig dito tungkol sa marriage proposal pero parang wala pa itong balak. Hindi naman sa minamadali niya itong magpakasal dahil alam naman niyang nagsisimula pa lang ito ng career sa professional league. Gusto lang niyang malaman kung may balak ba itong pakasalan siya in the future. Every time na lang kasi na ioopen niya ang topic tungkol sa kasal ay iniiba nito ang usapan. Nahihiya na rin siya sa sarili niya na siya pa talaga ang sobrang eager na pakasalan ito.
Masyadong pachix ang loko! Palibhasa sobrang secure na sa akin. Sabagay, sino pa ba naman ang magkakagusto sa 'kin sa hitsura kong 'to? himutok niya habang tinitingnan ang sarili sa salamin ng banyo.
