Gab’s POV
Dumaan ang mga araw, naging lingo hanggang sa naging buwan. Habang tumatagal mas lalo kaming naging close ni Nikky, mas lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya at mas lalong minahal ko siya. Gusto ko na sana siyang ligawan kaso nag-aalangan ako. Unang una, kaibigan ko siya, pangalawa, para na kaming magkapatid, pangatlo, nililigawan siya ng bestfriend kong si Nathan. Tandang tanda ko pa yung araw na kausapin ako ni Nathan, tinanong niya sa akin kung strict daw ba ang parents ni Nikky, sabi ko sa kanya, hindi ko alam, pero mabait naman sila. Tinanong ko siya kung bakit, sabi niya sa akin, pupunta daw kasi siya sa bahay nina Nikky mamaya para manligaw. Nabigla ako sa sinabi ni Nathan, ang tangi ko na lamang nasabi ay, Goodluck Bro. Ang sakit sakit sa pakiramdam na malaman mo na liligawan ng bestfriend mo ang babaeng pinakamamahal mo, pero sino ba ako para pigilan siya, unang una hindi naman ako ang magulang ni Nikky, pangalawa, hindi naman ako boyfriend ni Nikky, pangatlo, kaibigan ko silang pareho kaya kailangan suportahan ko sila kung saan sila magiging masaya. Sa ngayon, sa malayo ko na lamang mamahalin si Nikky, kahit masakit, kailangan kong magparaya, hindi dahil hindi ako sigurado sa nararamdaman ko kay Nikky, kung hindi dahil bestfriend ko si Nathan, ayaw kong itapon ang lahat ng pinagsamahan namin para lamang sa isang babae. Alam ko sa sarili ko na mahirap, pero kailangan kong tanggapin, kailangan kong pilitin ang sarili ko na hindi ko hawak ang nararamdaman nilang dalawa.
Naging matiyaga si Nathan sa panliligaw kay Nikky, minsan kasa kasama pa niya ako, minsan naman, ako pa ang taga-abot ng bulaklak, sulat o kaya naman ng chocolates na para kay Nikky. Masakit sa akin ang ganitong sitwasyon, pero kahit na masakit, kailangang panindigan ko ito kasi ako din naman ang pumili nito. Pinili kong manahimik sa isang tabi habang nakikita ko silang masaya. Pinili kong itago ang lahat ng nararamdaman ko kasi alam ko magiging panggulo lamang ako. Pinili kong masaktan dahil alam ko na kailangan, kailangan para maisalba ko ang relasyon ko sa kanilang dalawa.
December 24, 2000
Isang araw bago ang Pasko, umaga noon at Christmas Break, tumawag si Nikky sa landline namin, nagtatanong kung may ginagawa ako at since wala naman akong ginaawa, sinabi ko sa kanya ang totoo, tinanong niya ako kung okay lang ba kaming mag-usap sa may harap ng building namin, sabi ko, walang problema, lalabas na ako at hihintayin ko na lamang siya sa may hagdan.
Pagdating ko sa aming tagpuan, umupo ako sa may hagdan, malalim ang iniisip ko, sa sobrang lalim, hindi ko namalayan na anjan na pala si Nikky at umupo na siya sa tabi ko.
“Mukhang malalim ang iniisip mo bes ah,” sabi niya sa akin na ikinagulat ko.
“Andyan ka na pala, sorry hindi kita napansin, hindi naman bes, nakakatuwa lang tingnan yung mga nagdadaang sasakyan,” sabi ko sa kanya, pilit ngumingiti.
“Bes, kilala kita, alam kong nagsisinungaling ka, papaano mo masasabing natutuwa ka, eh yang nguso mo at mga mata mo parehong malungkot, hindi ko din makita yang pangmalakasan mong dimples kaya alam kong may iba kang iniisip,” sabi niya na parang nag-aalala
“Ano ka ba bes, sabi ko naman sa iyo, okay lang ako, ganito talaga ako kasi magpapasko, gusto ko kasing maexperience ang pasko sa Pinas kaya nalulungkot ako,” palusot ko sa kanya. “Ano ba yung sasabihin mo sa akin at pinapunta mo pa ako dito, hindi mo na lamang sinabi sa phone?” Tanong ko sa kanya.
"Bes, mamaya na iyon, ang unahin natin, yung nararamdaman mo, alam kong malungkot ka at alam ko nagsisinungaling ka, kahit 6 months pa lamang tayo magkakilala, para na kitang kapatid at alam ko na may pinagdadaanan ka kasi nararamdaman ko ang lungkot mo. Hindi ka naman ganyan dati, pero for the past 3 months, napapansin ko na parang nagiging malulungkutin ka, may nagawa ba ako sa iyo bes? May umaaway ba sa iyo? May nananakit ba sa iyo?” sunod sunod niyang tanong.
“Ano ka ba bes, kung ano ano ang mga pinagsasabi mo, okay na okay lamang ang bestfriend mo, at isa pa kung may mang-aaway sa akin, may mananakit naku hindi na aabutan yun ng sikat ng araw, hahaha” sabi ko sa kanya ng nakangiti. Ngunit sa loob loob ko, alam ko naman ang sagot sa kanyang mga tanong, oo bes, may umaaway sa akin, may nananakit sa akin at alam mo ba kung ano pa ang mas masakit, yung dalawa ko pang bestfriend ang may gawa kung bakit ako ganito kalungkot.
“Ano na yung sasabihin mo bes, sige na huwag ka ng mahiya,” pagpipilit ko sa kanya, nginitian ko siya at pinilit kong ilabas yung dimples ko.
“Sigurado ka bang okay ka talaga bes, kasi ayaw kong maging insensitive sa iyo, masaya pa naman ang balita ko, kaso yung mukha mo kanina parang semana santa,” sabi niya sa akin.
“Okay na okay nga ako bes, mukhang good news ang dala mo ah wag mo ng patagalin excited na ako sa sasabihin mo,” sabi ko sa kanya habang pinipilit na maging masaya.
“Sige na nga bes, ah pano ba ito,” pautal utal niya sabi, “ah bes sasagutin ko na si Nathan mamaya bago mag 12 midnight, bale yun na din ang pachristmas ko sa kanya,” nahihiya niyang sabi.
“Ganon ba bes, wow congrats! Ingatan mo yung bestfriend kong iyon ha, pero tandaan mo, kahit bestfriend ko siya, pagpina-iyak ka niya, hinding hindi ako magdadalawang isip na awayin siya,” sabi ko sa kanya, pilit pinasisigla ang boses kahit na alam kong sasabog ako sa sobrang sama ng loob.
“Salamat bes ha, pero wag mo munang sasabihin sa kanya ha, gusto ko kasi surprise, at thank you bes talaga sa pag-aalala, 2-in-1 ka talaga, bestfriend ko na, kapatid ko pa,” nakangiti niyang sabi
Nasa ganon kaming pag-uusap ng may magsalita sa likuran namin, kapatid niya pala at tinatawag na siya ng mom niya. Nagpaalam si Nikky na mauuna na siya. Kumaway ako sa kanila ng nakangiti, actually pilit na ngiti.
Pagkaalis na pagkaalis nila, tumalikod ako at humarap sa daan, dahan dahan ako umupo at habang ako ay umuupo, nararamdaman ko na may tumulong luha sa pisngi ko. Hindi ko makayanan ang sakit na nararamdaman ko, hindi ko alam kung saan nanggagaling ang sakit, hindi ko alam kung bakit ganito pa ring kasakit kahit sa simula pa lamang, pinilit ko ng tanggapin at iprogram sa isip ko, na darating ang araw na ito. Akala ko, makakaya ko, hindi pala, mali na naman ako. Ito na ata ang pinakamalungkot kong Christmas.