XV - His Mind
Eric Vicente,
Janitor, 25
Dito nagsimula ang lahat. Dito, sa bahay ampunan kung saan ako lumaki—kung saan kahit papaano ay tumahimik ang paligid ko dahil puro inosenteng pag-iisip lamang ang mga nababasa ko.
"Sister Hannah, pinapatawag niyo po ako?" Tanong ko habang dala-dala ang basket ng mga prutas.
"Andito na pala siya," Nakangiti niyang sabi sa babaeng kausap. "Halika dito Eric, ipapakilala kita sa lola mo,"
"Lola?" inosente kong tanong, "may lola po ako?"
Umupo ang babaeng hindi pa naman ganu'n katanda at tinignan ako sa mga mata. "Kamukhang-kamukha mo siya,"
"Kahawig po ba ni Eric 'yung anak niyo, Ma'am?" Tanong ni sister, ngunit hindi anak o apo ang tinutukoy ng babae. Kamukhang-kamukha ko daw ang nanay ko, base sa kanyang iniisip. Kung gano'n, kilala niya kung sino ang mga magulang ko?
"Oo, kahawig nga niya... Eric, gusto mo ba'ng sumama sa'kin?"
Hindi ako kumibo at dahan-dahang hinawakan ang kanyang pisngi. Doon ko nakita ang ilang parte ng kanyang nakaraan.
Naaninag ko ang isang magandang babae na nagmamakaawa sa kanya. Ang sabi niya, magpapahilot siya dahil gusto niyang malaglag ang batang dinadala.
"Pasensya na, pero itinigil ko na ang gawain na 'yan," sagot ni lola sa babaeng nakikiusap.
"Hindi ko kayang buhayin ang batang 'to. Handa akong magbayad kahit magkano... kaya pakiusap, tulungan mo lang ako na mawala 'to!" Humahagulgol na ang babae, at dahil na rin sa awa ay pumayag na si lola. Pinahiga ito, dinasalan, at saka sinimulan ang paghilot.
Parang naninikip ang dibdib kong panoorin ang scenario. Para akong hinihila—pinapatay.
"Aaahh!!!" Napahawak sa ulo si lola at tila nababaliw na nagsisigaw.
"B-bakit niyo po tinigil? A-anong nangyayari?" Tanong ng babaeng nakahiga ngunit panay lamang ang sigaw ng matanda.
"Hindi ko kaya! Hindi ordinaryong tao ang batang 'yan!"
***
Nagising akong wala sa tabi ko si lola. Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko. Kung hindi umuulit ang panaginip ko, tila natutuloy naman ito hanggang sa mabuo. Paglingon ko ay nasa lapag pala si lola, nakaluhod at nagdadasal.
Sigurado akong siya din 'yung nasa panaginip ko. Sigurado din akong siya 'yung manghihilot na sinubukan akong ilaglag. Nakakapangilabot, nakakapangilabot isipin na ang taong muntik na 'kong patayin ay nasa tabi ko lang pala.
"Patawarin niyo 'ko, hindi ko sinasadya... hindi ko alam..." naririnig kong paulit-ulit niyang binubulong habang tahimik na humahagulgol sa pag-iyak. Katulad ko, binabangungot rin ba siya ng nakaraan?
Dahan-dahan akong tumayo mula sa higaan at saka lumabas. Tumayo ako sa tapat ng kwarto kung saan malamang, mahimbing pang natutulog si Isa. Iisang bahay ampunan lang ang pinanggalingan namin—sigurado akong pareho kaming nakaligtas sa sunog.
Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng mahinang pag-iyak—kurtina lang kasi ang humaharang sa pintuan kaya madaling marinig ang kahit anong ingay.
"Isa?"
Iniupo niya ang sarili at pinunasan ang kanyang pisngi. "Sorry, I just had a dream. Na-istorbo ko ba kayo ni lola?"
Hinila ko siya palapit at isinandal ang kanyang ulo sa aking dibdib. "Ano man 'yung madalas mong mapanaginipan gabi-gabi, isipin mo na lang na wala kang kasalanan—na biktima ka lang din."
![](https://img.wattpad.com/cover/95942476-288-k500739.jpg)
BINABASA MO ANG
The Four People Who Read Minds
FantasyKung ang pangingialam ng gamit o pag-alam ng sikreto ay invasion of privacy na, paano pa kaya basahin ang eksaktong nasa isip ng isang tao? Well, as if these four people have a choice. Since birth pa nagsimulang umingay ang kanilang mga paligid. At...