Incognito
Mabilis na tumakbo si Ina matapos nakawin ng isang naka-gray na lalaki ang kanyang pitaka. Nang maabutan niya ito ay buong lakas niya itong hinila at ibinangga sa isang tabi. Naglaban ang lalaki pero mabilis na kinuha niya ang posas na nakatago sa bulsa niya at ikinabit ang kabila niyon sa kamay niya.
"Pakawalan mo ako," sigaw ng lalaki. Nakadikit ang dibdib nito sa pader habang hawak niya ang kamay nito sa likuran.
Madali lang para kay Ina ang hawakan ang dalawang kamay ng binata dahil sa payat ito at kulang sa lakas. Tantiya niya ay matagal na itong hindi nakakakain dahil halos namumutla na ito. Napansin ni Ina ang tattoo na pakpak sa bandang batok ng lalaki kaya lumuwag ang pagkakahawak niya rito.
Sinamantala naman ito ng lalaki para itulak si Ina pero dahil nakakabit sa kamay ni Ina ang posas ay siya naman ang nakaladkad. Narinig pa niyang nagmura ang lalaki bago hawakan ni Ina ang kamay ng lalaki at hinila ito pababa dahilan upang matumba silang muli.
"Hindi kita ikukulong, naiintindihan mo ba? Huwag kang tumakas o mapipilitan akong dalhin ka sa prisinto," mahina at ingat na ingat na sabi ni Ina rito.
Saglit na kumalma ang lalaki at muling itinulak si Ina palayo pero hindi ito tumakas. Nakatitig lang ito kay Ina na tila nagtatanong kung anong kailangan ng dalaga sa kanya.
"Tumayo ka," matigas na utos ni Ina.
Hinila niya ito palayo sa lugar na iyon pero nagmamatigas pa rin ang lalaki kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang ilabas ang baril niya upang takutin ito. Tumalima naman ang lalaki hanggang sa makarating sila sa apartment ng dalaga.
Kinuha niya ang susi ng posas at tinanggal ito sa kamay niya bago ito ikinabit sa poste ng kama niya. Hinila ni Ina ang silya sa may mesa niya at itinapat iyon sa harap ng lalaki na nakaupo sa gilid ng kama.
"Ano bang kailangan mo sa'kin? Bakit hindi mo na lang ako ikulong?"
"Kailangan ko ng impormasyon sa'yo. Huwag ka mag-alala, maaring mabago mo ang isip ko at pakawalan na lang kita kung masasagot mo ang mga tanong ko."
"Wala akong balak sagutin ang mga tanong mo. Kaya kahit patayin mo pa ako o ikulong wala akong pakialam," matapang na sagot ng lalaki habang pasulyap-sulyap ito sa baril na nasa baywang ni Ina.
Gusto niyang matawa dahil sa sinabi nito dahil halata sa mukha nito ang takot. Kung hindi man ito nag-aalinlangang mamatay ay dapat nanlaban pa rin ito kanina kahit pa nakita nito ang hawak niyang baril.
"Anong pangalan mo?"
"Patayin mo muna ako bago mo ako makuhanan ng impormasyon," pagmamatigas pa rin nito.
Wala nang nagawa si Ina kung hindi kunin ang baril niya at itapat ito sa leeg ng lalaki. Hindi niya ito Gawain ngunit wala siyang ibang paraan upang mapaamin ang lalaki.
"Isang putok lang ng baril ko kayang-kaya kitang dalhin sa malalim mong hukay. Huwag mo akong subukan dahil kitang-kita ko sa mga mata mo ang takot. Pero kung gusto mo maari rin naman kitang patayin nang dahan-dahan para mas maramdaman mo ang sakit."
Ngumisi ang lalaki sa kabila ng takot nito. "Pulis ka. Kapag ginawa mo iyon ay mawawala ka sa serbisyo," kampanteng tugon nito.
"Agent ako. Hindi ako ordinaryong pulis lang. At kahit patayin pa kita, wala naman makakaalam," kinasa niya ang baril kahit kinakabahan siya kung magmamatigas pa rin ang lalaki. Laking pasasalamat ni Ina nang tumahimik ang lalaki.
Inilayo na ni Ina ang baril at muling nagtanong, "Ngayon, anong pangalan mo?"
"Marcus," maikli nitong tugon na hindi pa rin tumitingin sa kanya.
BINABASA MO ANG
Wave's Short Stories
Short StoryWattpad writing contests entries I've written from 2014 up to the present time...