Kaibang Bata
"Hi, ano... kilala ako sa pangalang Anim. Hindi ko tunay na pangalan dahil hindi ko rin alam kung ano ang binigay sa'kin ng mga magulang ko," pilit na ngiting panimula ko. "Hindi ko po alam kung saan magsisimula."
"Sabihin mo lang kung anong nasa isip mo ngayong araw na ito o kaya naman ay basahin mo ang isinulatmo nang mga nakaraang linggo," malumanay na sagot naman ng babae sa aking harapan.
Natigilan ako. Hindi ko alam kung tama bang sabihin sa kanila ang mga napagdaanan ko. Hindi ako ang taong makakabuti sa kanila o ang tipong hahangaan dahil nalampasan ko ang lahat ng mga pangyayari sa buhay ko. Bagkus, ako ang taong kakasuklaman nila, lalayuan habang nagpapahalata sa mga mapanghusga nilang mata.
Parehong-pareho ito sa mga matang kinagisnan ko.
Hindi ko alam kung kailan nagsimulang nakaramdam ako na hindi pala ako katulad ng ibang mga bata. Wala akong bahay, walang magulang, walang mga papel na sinusulatan o 'yong bagay na laging nasa likod ng ibang bata habang ay damit ay iisa lang tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes.
Ang naaalala ko lang ay ang gabi-gabing uwi ni Lima kasama ang ilang batang malalaki sa'kin. Basa halos lahat ang kanilang mga mata habang ang iba ay may mga berdeng marka sa katawan nila. Sabi ni Lima ang tawag daw sa tubig na galing sa mata ay luha. Lumalabas daw iyon kaya may pumapasok na alikabok.
Tumakbo ako kay Lima at niyakap siya. Ngumiti naman siya at sinabing, "Naghahanap-buhay si ate kaya hindi tayo pwede maglaro ha."
Nagtaka ako noon. Hindi ko nga alam kung anong ibig-sabihin niya pero ang naiintindihan ko lang ay matutulog lang ulit siya dahil napasukan ng alikabok ang mata niya, maglalaro na naman akong mag-isa. Pero hindi ako nagreklamo dahil sobra kong hinahangaan si Lima.
Matalino siya hindi kagaya ng ibang batang kasing tangkad niya. Marunong siya magbasa at magsulat. Minsan nga ay tinuturuan niya ako. Kaya marunong ako magbilang hanggang sampu, nakakatuwa nga at pangalan ng lahat ng bata ay mga bilang. Siguro'y tuwang-tuwa samin si Boss. Pangalan ng lalaking laging nagbibigay samin ng pagkain at nagpapalabas kina Lima sa bahay para maglaro. Nakakainggit nga, sana makapaglaro rin ako sa labas.
"Hayaan mo Anim, kapag pumayag si Boss, maglalaro tayo sa labas," sabi pa niya sa'kin dati pero hanggang ngayon ay hindi pa kami nakakapaglaro. Lagi lang akong nasa loob ng madilim at malamig na lugar, tanging karton lang na dala ni Lima matapos siya maglaro sa labas ang nagpapawala ng lamig ng aming hinihigaan pero malamig pa rin.
"Bangon na! Tumayo na kayo dyan!" Sigaw ni Boss habang ginigising ang mga bata gamit ang paa nito. Maliwanag na ang lugar galing sa labas, umaga raw ang tawag dito sabi ni Lima. Pero para sa'kin kapag may liwanag, maiiwan na naman ako mag-isa kaya mas gusto ko kung madilim dahil kasama ko si Lima.
"Lima, hindi ba ako kasama maglaro sa labas?" malungkto kong tanong sa kanya, umaasa na isasama niya ako.
"Hindi pwede! Dito ka lang. Naiintindihan mo? Kapag sinabihan ka ni Boss na maglaro ka sa labas hintayin mo ako sa may pinto. Wag kang lalayo. Pero wag kang lalabas. Naiitindihan mo?"
Tango. Tango. Tango. 'Yan lang naman ang alam kong gawin sa tuwing magsasalita si Lima dahil naniniwala ako sa lahat ng sasabihin niya. Matalino siya kaya alam niya ang dapat gawin.
Paulit-ulit lang iyon tuwing umaga. Aalis si Lima, tapos babalik kapag madilim na. Laging napapasukan ng alikabok sa mata at may nagbabago sa kanila ng ibang mga bata pero hindi ko alam kung ano.
Hanggang isang gabi, umuwi si Lima. Niyakap ko siya at nginitian katulad ng lagi kong ginagawa pero hindi siya nagsasalita. Hindi rin siya tumitingin sa'kin. Natakot ako. Sabi kasi ni Boss kapag daw hindi kami natulog tuwing madilim na, kakainin kami ng multo, bagay na hindi raw nakikita. Hindi ko alam kung ano iyon pero nakakatakot ito pakinggan.
BINABASA MO ANG
Wave's Short Stories
Short StoryWattpad writing contests entries I've written from 2014 up to the present time...