Gaize
Walang nagawa si Danny kundi ang ipag-drive si Gaize papunta sa venue. Mabuti na lang at kasalubong na nila ang mga kasama nito kaya legal na ang kanilang pag-alis matapos ang ilang katanungan.
After two hours nakasunod rin sina Gaize sa dinner party. Nakakahiyang sobrang late siya sa sariling birthday party. Bundat na bundat na ang mga staff n'ya nang dumating sila ni Danny. Tinawagan niya kanina si Joonie na pakainin na ang mga kasamahan para naman di mainip ang mga ito.
"Ano bang nangyari Attorney? Bakit ngayon ka lang?" Salubong ni Irma. "Happy Birthday!" Bumeso pa ito sa kanya. Iiwas sana siya dahil di naman niya gawain ang maki-beso pero naunahan na siya nito.
"May emergency lang." Nakangiting sabi niya.
"Sigurado akong trabaho na naman iyan Attorney. Ang sipag-sipag mo kasi." Pa-cute pang sabi nito.
Binati siya isa-isa ng mga katrabaho pati na rin iyong mga abogado at interns.
Natuloy ang program. Kinantahan siya ng mga kasamahan. Tuloy pa rin ang kainan at inuman.
Isang room ang pina-reserve niya para sa dinner. Sa labas ay naroon ang mga local customers ng restaurant kaya di sila nakahalo sa mga ito.
Si Danny ay nakamasid pa rin sa kanya kahit na mukhang iritado. Malamang dahil sa pangangahas niyang takasan ang mga imbestigador kanina. Hindi na lang niya pinansin. Ayaw ngang kumain. Bahala siya kung iyon ang gusto niya. Hindi naman siya ang magugutom.
Nang matapos ang program ay nag-CR muna si Gaize. Nakasunod pa rin si Danny. Matiyaga pa rin itong naghintay malapit sa may pintuan ng ladies restroom. Nakalabas na siya ng pinto nang makasalubong ang di inaasahang makikita sa araw na iyon.
"Gaize!" Namutla si Reese nang makilala siya.
"Hi." Simpleng bati niya. "Wala kang trabaho?"
Sa dami ng maitatanong, iyon pa ang naisip niya. Isang linggo na rin silang hindi nagkita. Nang magtama ang kanilang paningin ay kumalabog pa rin ang dibdib niya. Nami-miss pa rin pala niya si Reese. Pinilit niyang magpaka-normal sa harap nito kahit pa may nagtutulak sa isang bahagi ng isip niya na yakapin na ito. Tutal naman ay birthday niya ngayon. Aminin man niya o patuloy pa ring itanggi ay di naman ganon kadaling maka-move on. Espesyal at may sariling puwang pa rin ito sa kanyang puso.
Ilang sandali rin silang nagtitigan hanggang sa may dumaang papasok sa CR at nag-excuse para makaraan.
"Ahm... wala. Off ko ngayon. Si Philippe kasi gustong mag-food trip." Ibinaling nito sa ibang dako ang paningin.
Naiilang si Reese na makaharap siya. Alam naman niya iyon. Totoong napaka-awkward nga naman ng pakiramdam sa pagitan nila. Matapos itong iwan siya at sumama sa tatay ng anak nito ay naroon pa rin ang sugat. Pinipilit niyang makalimot sa pamamagitan ng pagsubsob pa sa sarili sa mas maraming trabaho pero nakakalusot pa rin ito sa kanyang isipan.
Naalala man lang kaya nito na birthday niya? Buong maghapon ay hindi ito bumati. Kahit text lang sana masaya na siya. Pero wala talaga. Siguro nga ay gusto na nitong kalimutan ang pinagsamahan nila.
Last year ay magkakasama sila nina Reese at Joshua sa Subic. Ang saya-saya niya noong nakaraang taon. Nakalimutan na ba agad ni Reese iyon?
Sa lahat ng isinakripisyo at pagmamahal niya kay Reese ay isang Philippe lang ang katapat niya.
"Sige, nawiwiwi na ko. Pasensiya na." Nagmamadaling umalis ito sa harapan niya.
Napatingala na lang siya sabay buntong-hininga. Hindi na niya ito dapat pang lingunin dahil tapos na sila.
BINABASA MO ANG
The Great Seduction
AdventureSuntok ba sa buwan ang magmahal ng babae na babae rin ang gusto? Si Bob, guwapo, successful chief inspector, mapagmahal, ladies drool over him pero malungkot. Very much willing na mag-travel back and forth kahit pa sa Mars kung ang kapalit nam...