Nagpapanggap

675 24 8
                                    

Bob

"Chief may sugat ka!" Sigaw ni Rachel kay Bob habang naglalakad sila palabas ng warehouse.

Ramdam niya ang hapdi sa braso kanina pa pagakatapos ng engkwentro. Katatapos lang ng meeting ni Director Sarmienta at dispersed na sila.

"Wala 'to. Galos lang." Inangat niya ang kanang braso at nakita nga ang sugat na dumurugo. "Ang asikasuhin mo iyang si Jay," pang-aalaska niya sa bagong mag-dyowa. Aksidenteng nalaman niya kina Bart noong isang araw sa kwentuhan ng mga ito habang nagpapahinga.

Tagumpay naman ang operasyon. Medyo natagalan lang. Kaya nga ang ngiti ni Director Sarmienta sa meeting kanina ay klarong-klaro. Nag-iimbita rin ito ng lunch sa buong team na pwedeng makarating. Iyong iba kasi nasugatan at may ilan ding tinamaan ng bala. Mabuti na lang at sa mga empleyado niya ay galos at sugat lang ang tinamo.

"Chief naman! Anong pakialam ko sa pangit na iyon!" Naningkit pa ang mata ni Rachel nang huminto ito para magreklamo.

Kunwari pa si Rachel! Ang mga babae talaga, oo na pero ide-deny pa rin. Bakit ba ganoon sila? Gustong-gusto nilang nililito ang mga utak naming mga lalaki.

"Chief! Pwede na bang umuwi?" Nakahabol na pala si Jay sa paglalakad nila. Pasimpleng inakbayan nito si Rachel.

Lalo tuloy niyang nami-miss si Gaize. Pinutol ang lahat ng kanilang komunikasyon nang kainitan ng man-hunt operation. Siguradong alalang-alala na ito. Di na siya magtataka kung male-lectur-an siya sa mga dangerous effects ng kanyang trabaho.

"Oo naman! Gusto mo pa yatang tumambay dito Bart?" Pabiro niyang sagot.

"Chief, miss na miss ko na ang misis ko. Kaya mauna na ako sa inyo." Patakbo ng umalis si Bart.

"Baka makakabuo na rin si Bart sa wakas!" Si Peter na bestfriend ni Bart ang nagkomento.

Sa isang liblib na lugar sa Tanay Rizal ang naging ending ng operation. Nagsimula sila sa Tanza at ilang araw silang naghintay sa Tanay hanggang mahuli ang mga salarin. Mula sa kanilang headquarter ay sumakay si Bob ng tricycle papuntang police station sa barangay Mabolo. Doon niya iniwan ang kanyang sasakyan.

Nagpasalamat siya sa police na naka-duty at umalis na rin. Pagod at antok na antok na si Bob. Sa dalawang-araw ba namang wala silang tulog ay lutang na ang diwa niya na at inaagaw na ng pagtulog.

Huling tulog pa yata niya ay iyong biyahe sa bus mula Baguio pa-Maynila.

Laking pasasalamat niya at ligtas siyang nakabalik sa kanyang condo. May ilang insidenteng napapa-pikit na siya sa pagmamaneho. Itutulog na muna niya iyon bago puntahan si Gaize. Sa pagkakaalam niya ay nakabalik na ito ng Maynila.

Pagka-park niya sa basement ay naramdaman niya ang matinding paghapdi ng sugat sa braso. Dumudugo pa rin iyon pero hindi naman malakas. Sa pagkakatanda niya ay nahagip iyon ng isang pakong nakausli sa pinagkukublihan niya kanina. Kumuha siya ng tissue paper, nilagyan niya iyon ng alcohol at ipinahid sa braso. Iyong gamit niyang panyo na ilang araw ng walang labahan ay itinali niya muna roon. Sa itaas na lang niya lalagyan ng gamot. Ini-lock niya ang kotse at sumakay ng elevator. Malapit na siya sa kanyang unit nang makaramdam ng pagkahilo. Saglit siyang huminto sa paglalakad at napakapit doon sa pader. Ang akala niya ay mabubuwal siya. Nakakaramdam rin siya ng pananakit ng batok. Nangawit yata sa pagmamaneho.

Nang makabawi at medyo umayos ang pakiramdam ay ipinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa matagumpay na marating ang kanyang unit.

Ipinasok niya ang passcode. Excited na siyang makatulog. Sa kakamadali niya pagbukas ng pinto ay di napansing may tsinelas palang nakahara sa daraanan niya. Naapakan niya iyon at dire-diretsong na-slide sa sahig. Ang masama ay napatama ang katawan niya sa kalapit na utility rack na pinaglalagyan ng mga vases na bigay ng mama niya. Rinig pa niya ang pagkahulog at pagkabasag nang mga iyon bago siya nawalan ng malay.

The Great SeductionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon