Maganda ang bagsak ng araw sa loob ng lugar na iyon. Para bang walang masamang naganap sa isang buwan na lumipas.
"O, ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?" tanong ni Armida Zordick sa lalaking nakatitig sa kanya. Ang lalaking pinakasalan niya ilang oras pa lang ang nakalilipas.
"Wala. Bakit? Masama na bang tumingin?" tugon ni Richard Zach, na mas tanggap na tawagin siyang Josef dahil ipinangalan iyon sa kanya ng ina.
Nasa loob sila ng isang magarang kuwartong inilaan ng Citadel sa dalawang bagong Superior na itinalaga. Tama lang ang lamig na ibinubuga ng air-conditioning system mula sa mataas na kisame. Maaliwalas din sa loob dahil napakalawak. Walang ibang makikitang kulay kundi ginto, pula, at puti sa paligid. Katatapos lang ng kasal na nagsilbing kasunduan kapalit ng kalayaan nila at naghihintay na lang ng susunod na magaganap.
Nakalatag sa king-size bed ang dalawang ringer shirt na kulay pula at may tatak ng insigna ng guild, katabi ang dalawang denim jeans na sakto lang sa sukat nilang dalawa.
"Hoy, tulungan mo nga 'kong hubarin 'tong gown ko," naiinis na utos ni Armida kay Josef. Pilit inaabot ang zipper sa likuran niya na kanina pa hindi mahanap-hanap.
"Pinahirapan mo pa ang sarili mo." Iling na lang ang nagawa ni Josef at saka lumapit sa asawa. Pumuwesto siya sa likuran nito at inusisa ang wedding gown.
"Teka, paano mo ba 'to naisuot?" tanong ni Josef habang hinahanap ang kahit anong zipper sa long-sleeved, laced and beaded wedding gown na suot ni Armida. Madetalyado ang damit. Kung siya ang nasa kalagayan ng babae ay baka mairita rin siya kahahanap sa nagtatagong zipper nito.
Umikot ang mata ni Armida dahil sa dagdag na pagkainis. Sapilitan lang ang kasal, pinatulog muna siya at nagising na lang na nasa loob na ng sariling katedral ng Citadel. Hindi niya alam kung naninigurado ba muna ang mga tao roon sa kanya o gusto lang talaga siyang sorpresahin.
"Wala akong malay no'ng isinuot nila 'to sa 'kin. Tingnan mo rito." Hinawakan naman ni Armida ang gitnang parte sa bandang batok niya. "Baka may zipper diyan."
Tiningnan naman ni Josef ang gitna at sinundan ang isang hem. "A, eto." Nakita niya ang isang hook and eye sa loob ng gown. Pagtanggal niya sa hook ay saka lang bumungad ang zipper na nakatago sa mga tahi. Unti-unti niyang ibinaba ang zipper na umabot lagpas sa may baywang ni Armida.
"Nilalamig ka ba?" nakangiting tanong ni Josef nang makita ang maputla at makinis na balat ng asawa. Nananayo ang mga balahibo nito at imposibleng dala iyon ng kilabot. "Mukhang itong gown lang ang suot mo, a."
"O, big deal?" masungit na tanong ni Armida.
"Nah. I'm just wondering if itong gown lang ba ang suot mo ngayon."
Nilingon ni Armida si Josef at tiningnan ito na para bang nagtatanong kung ano ang gusto nitong palabasin.
"You don't know what happened, baka lang pati underwear, hindi ka sinuotan ng mga nagbihis sa 'yo," sabi ni Josef na may kaunting ngiti sa mga labi. "Malay ko ba. Saan ka nakakita ng ikinakasal tapos nakaposas?"
"Gusto mong silipin?" sarkastikong alok ni Armida sabay hubad ng ibabaw na bahagi ng gown.
Natawa si Josef. "Joke lang. Init ng ulo, a." Naupo na lang siya sa kama at tumalikod kay Armida bago hinubad ang suot na itim na leather shoes.
"Princess, huh." Hindi pa rin matanggal ang ngiti ni Josef. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, hindi niya inaasahang babagsak din silang dalawa sa isa't isa. Pagtingin niya kay Armida, hubad na ang gown nito at nagtatanggal na lang ng mga clip sa buhok.
"I guess I was wrong about the underwear," sabi ni Josef nang makitang nakasuot ang asawa ng puting boyleg. "Hindi naman pala maramot sa damit ang mga taga-Citadel." Nagpatuloy siya sa paghubad sa puting long sleeves bago muling magtanong. "Paano ka napunta rito? Don't tell me, hinuli ka nila."
"Mag-usap na lang kayo ni No. 99. Ooh, surprise," nangingiting sabi ni Armida. Napatingin tuloy si Josef sa kanya. Kagat-kagat niya ang ringer shirt na bahagyang tumatakip sa dibdib niya habang ipinakikita sa lalaki ang hawak. "Ito ba yung hinahanap mo sa 'kin kanina?" tanong niya habang pinaiikot-ikot sa daliri ang hawak na itim na bra.
Lalo lang tuloy lumaki ang ngiti ni Josef. Tumayo na siya para hubarin ang damit na suot. "Dapat na ba tayong mag-celebrate, hmm?" Kinuha niya ang pulang ringer shirt sa kama na para talaga sa sukat niya. May print ito ng symbol ng mga Superior sa likod. At mukhang alam ng mga nagbigay sa kanya ang size niya dahil sakto lang sa kanya ang damit.
"It's perfect. Buti naman. Akala ko, pati sa damit, paghihigpitan din tayo," ani Armida habang tinitingnan ang sarili sa salaming nasa sulok ng kuwarto. Humapit sa katawan niya ang medium size na pang-itaas. Sumakto rin ang jeans na hindi pa maayos ang pagkaka-zipper.
"Susubukan mo bang tumakas dito?" tanong ni Josef habang inaayos ang pantalon niya.
"Now?" Ibinaling ni Armida ang atensiyon sa lalaki. "I'm afraid not." Tinapos na niya ang pagbibihis at umupo sa upuang katapat lang ng kama kung saan nakapuwesto ang asawa. "Gusto kong malaman ang kalakaran dito sa loob." Kinuha niya ang pares ng medyas na nakapatong sa running shoes na nasa paanan ng kama.
"Hindi mo sinabi sa 'king may balak ka palang magpakasal sa iba nang di ko alam," sabi pa ni Armida nang maalala ang huling usapan nilang dalawa.
Natigilan si Josef at pinanood ang asawa niya. "Hindi mo rin naman sinabi sa 'king magpapakasal ka pala."
Tinapos na ni Armida ang pagsusuot ng sapatos at saka seryosong tiningnan si Josef.
"You can now start your mourning about the wedding. Sorry, wala kang ibang choice." Tinawanan na lang iyon ni Armida at saka bumalik sa salamin para mag-ayos ng buhok. "Anyway, two weeks before the wedding, nalaman kong siyam sa Superior position ang walang tumatao. And if I killed Diaz back in HQ, ibig sabihin, sampu na lang ang active ngayon sa puwesto."
Natigilan si Josef at pinanood ang asawa niyang mag-ayos. "Pero nakalagay sa status ng guild, dati ka nang may position. Ibig sabihin, siyam na lang silang nakaupo kasama ka. What's with that? May plano ka?"
Ipinusod ni Armida ang buhok at ipinangtali ang isang elastic band na ginamit pantali sa mga gamit nila at saka seryosong tiningnan si Josef.
"Aware ka bang Fuhrer ang nag-utos sa termination ng ibang Superiors? Hindi ko alam kung sakop 'yon ng Credo. May nangyari dito sa loob habang gumagawa ako ng gulo sa labas." Pumuwesto si Armida sa harapan ng lalaki. "Hulaan mo kung sino ang gumawa ng termination."
Napalingon sila sa direksyon ng pintuan nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at tumuloy ang isang lalaking nasa higit limampu ang edad at nakasuot ng damit na kamukha ng kanila, maliban sa kulay ng damit nitong kulay puti.
"How was the wedding, newlyweds?" bungad nito sa kanila.
"No. 99," magkasabay nabulong ng dalawa.
-----------
BINABASA MO ANG
The Superiors: Assassins (Book 4)
ActionMuling nagbabalik ang mag-asawa para sa misyong sila lang ang kayang makagawa. Matapos kaya nila ang misyon bago pa mahuli ang lahat? Book 1 of The Superiors Trilogy. ANG FOURTH SEQUEL NG THE NEWLY WEIRD SERIES. ___________________ Book1: The Newlyw...