3: Hopeless Romantic Story

10.8K 321 17
                                    

Nasa isang private room ng Citadel si Josef. Kasama niya si Cas, isa sa mga Superior ng guild, ang ina ng asawa niya. Iniwan muna ni No. 99 si Josef sa pangangalaga ni Cas dahil sa kahilingan niyang makita ang ama.

Walang buhay ang itim na mga mata ni Josef. Blangko ang nararamdaman niya habang nakikita ang sariling ama. Wala na ang matipunong katawan nito gaya ng naaalala niya. Sa dami ng mga tubong nakakabit dito, kahit siya ay hindi na masasabing kakayanin pa nitong mabuhay. Humpak na ang pisngi nito ngunit kapuna-puna ang malaking pagkakahawig nilang dalawa. Respirator na lang ang nagsisilbi nitong suporta, na kung siya ang tatanungin, sana ay matagal nang binunot at itinigil dahil lalo lang nilang pinatatagal ang paghihirap ng ama niya.

"Kaya pa ba niyang magsalita?" seryosong tanong ni Josef.

"Hindi na," sagot ni Cas.

Humugot ng hininga si Josef. Lumapit pang lalo sa malambot na higaan para tingnang maigi ang amang nakaratay at binubuhay na lang ng mga makina. Hindi iyon ang gusto niyang makita. Hindi iyon ang gugustuhing makita ng ina niya. Hindi iyon ang taong inasam niyang talunin noong kabataan niya. Hindi na iyon ang taong isinusumpa niya buong buhay niya.

"Lung cancer," sabi ni Cas habang lumalapit kay Josef. "Kahit na siya pa ang sinasabi nilang pinakamagaling na magnanakaw noon, hindi pa rin magbabago ang katotohanang tao pa rin siya."

Tiningnan ni Josef si Cas na katabi na niya. Pinilit silipin ang mukha nitong katapat lang halos ng balikat niya.

"You know what, nagagalit siya sa sarili niya." Humalukipkip si Cas, dinig sa tono nito ang bigat ng sitwasyong pinanonood nila sa mga sandaling iyon. "Sa dami ng labang naranasan niya, ito ang pinakamahirap mapagtagumpayan." Ipinatong niya ang kamay sa balikat ni Josef. "Pumunta rito ang mama mo last month. Tinawagan ko siya para pumunta rito . . . para makita siya."

"S-Si Mama?" Tinandaan ni Josef ang mga naganap noong nakaraang buwan. Natatandaan niyang umalis ang mama niya pagkarating nila noon sa bahay ng mga Thompson at nagpaalam itong magbabakasyon lang sa France. Hindi na siya nagtanong pa ng detalye kaya hindi niya inaasahan na sa Citadel pala ito pumunta.

"Malakas pa siya no'ng pumunta rito si Anjanette. Alam kong bawal ang ginawa ko dahil kasama 'yon sa kontrata bilang Superior pero kailangan. At iyon ang dapat."

Alam ni Josef kung gaano kalaki ang galit ng mama niya kay Cas. Kung tutuusin, halos ito na ang bumuo ng kabataan niya, bagay na pinagselosan nang matindi ng sariling ina. Kalaban si Cas. Ito ang kumuha sa ama niya mula sa kanilang mag-ina, ngunit hindi naman iyon ang nakikita niya.

"Why are you doing this?" tanong ni Josef.

"He's my partner after all. I don't want to watch him die without seeing those important people in his life. That's all I could do for him."

Tinungo ni Cas ang direksyon ng bintana at sumilip sa labas. Lumalim ang paghinga niya nang makita ang dalawang taong nasa ibaba at magkasamang naglalakad. Nagpatuloy na lang siya sa sinasabi kay Josef. "Alam din ng mama mo ang tungkol sa pagtanggap mo sa posisyon. You don't have to worry about her."

Kumunot ang noo ni Josef at napalingon kay Cas. Pumayag ang ina niya? Imposible.

"Galit ka pa rin ba sa papa mo?" tanong ni Cas nang lingunin si Josef na hindi maipinta ang mukha.

"Iniwan niya si Mama. Iniwan niya ang mama ko para lang dito!" May galit na sa boses ni Josef at itinuro ang sahig. "Kinuha niya 'ko nang sapilitan para lang ituloy ang kung ano'ng nasimulan niya! Hindi ko gusto 'yon! Hindi ko pinili 'yon!"

Umiling si Cas. "Alam kong hindi mo maiintindihan ang mga ginawa niyang desisyon. Alam niyang hindi mo siya maiintindihan."

"Ano'ng kailangang intindihin do'n? Masakit para sa 'king makita ang mama ko na umiiyak gabi-gabi dahil lang sa kanya." Nakagat ni Josef ang labi at itinuro ang ama. "Namili siya! Namili siya at hindi kami ang pinili niya!"

The Superiors: Assassins (Book 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon