Hindi maipaliwanag ni Josef ang nararamdaman. Sa lobby pa lang ng hotel, naninindig na ang mga balahibo niya. Iniisip niya kung gawa ba ng air conditioning system, o kaba. At kung kaba man, para saan?
Tahimik sa hallway ng fifteenth floor. Walang ingay ang lakad niya gawa ng carpet ng mahabang pasilyo.
Kampante niyang binuksan ang pinto ng suite nila ng asawa at hindi pa man siya nakakatatlong hakbang mula sa pintong pinanggalingan, trumiple agad ang tibok ng puso niya nang masilip ang loob.
Ang kalat ng buong suite, halatang hinalughog ang buong lugar. Nakataob ang halos lahat ng gamit at kasangkapan. Basag ang ilang display. Papatay-patay pa ang isang ilaw sa ibabaw ng malaking salaming mesa dahil nakalaylay na at halatang sapilitang hinatak mula sa pinagkakabitang ceiling. Pinulot pa ni Josef ang nakakalat na phone na mukhang ibinato at doon lang napunta sa bandang pintuan—o marahil ibinato sa pinto at bumagsak lang doon.
Ngunit ang lalong nagpakilabot sa kanya ay ang nakakrus na mga braso at naka-de-kuwatrong si Armida na naroon sa dulo ng kama at mukhang hinihintay talaga ang pagdating niya.
Agad ang hugot niya ng hininga at pinilit tumindig nang diretso kahit dinadaga na siya.
Alam niyang walang sumugod na kalaban sa kanila. At kung ano man ang dahilan ng gulo sa loob ng suite, alam niyang asawa lang niya ang may gawa.
"Saang impyerno ka naman nanggaling?" mahinahon ngunit nakakatakot na tanong ni Armida.
Napalunok si Josef bago nagsalita. "Sa labas."
Unti-unting tumaas ang kaliwang kilay ni Armida.
"At sino'ng may sabing umalis kang mag-isa."
Napalunok na naman si Josef sa takot. Napahugot na naman siya ng hininga habang malakas na tinatambol ng takot ang dibdib. Mabilis niyang pinasadahan ng dila ang nanunuyong labi. "We need to give the Summons."
"We?" Sarkastikong napangiti si Armida at tumango-tango. "Am I belong to that 'we,' hmm?"
"Armida, kailangan nating matapos 'to nang maayos. Hindi ka nagpapakita ng interes gawin ang trabaho kaya hindi na kita pinilit."
Sarkastikong natawa si Armida at naghalo na ang inis o galit sa mukha. "Hanggang ngayon, iniisip mo pa ring magaling ka, hmm? Na ikaw ang nangunguna? Na kaya mo lahat nang mag-isa? Gano'n ba, ha, Shadow? Kasi ikaw ang alamat. Kasi ikaw ang pinakamagaling!"
Doon na napatayo nang diretso si Josef dahil mukhang alam na niya ang ikinagagalit nito. "It's not about who did the job best. It's about how we get the job done."
"Fuck that job! You're siding with the enemies!" nanggagalaiting sigaw ni Armida at napatayo agad na halos ikaatras ni Josef. Nanlilisik ang mga mata nito at kitang-kita niyang ganoon ang tinging hindi niya gugustuhing makita, lalo na sa Slayer. Mga tinging alam niyang handang pumatay anumang oras.
"N-naibigay ko na ang invitation sa target." Umatras nang isang hakbang si Josef. Nagkalat sa sistema niya ang malalakas na tibok dahil sa kaba. "Wala ka nang magagawa dahil tapos na ang misyon natin dito."
Tinitigan ni Josef ang humigpit na pagkuyom ng kamao ni Armida. Bumilis at bumibigat ang paghinga nito. Pulang-pula na rin ang mukha nitong likas na maputla gawa ng matinding galit.
"Walang magagawa . . . ? WALA AKONG NAGAWA SA TRABAHONG 'TO!"
"Ayoko lang na magkaproblema ka na naman," mahinahong sinabi ni Josef, umaasang pakikinggan siya. "Gaya ng nangyari kagabi. Tingin mo, may nagawa ako?"
"Ayaw mong magkaproblema? Ayaw mo, ha!"
Napapikit na lang si Josef at huminga nang malalim. Kailangan niyang magtiis. May kasalanan siya sa asawa at alam naman niya iyon. Ngunit hindi siya nagsisisi sa ginawa dahil alam niyang iyon ang tama.
BINABASA MO ANG
The Superiors: Assassins (Book 4)
ActionMuling nagbabalik ang mag-asawa para sa misyong sila lang ang kayang makagawa. Matapos kaya nila ang misyon bago pa mahuli ang lahat? Book 1 of The Superiors Trilogy. ANG FOURTH SEQUEL NG THE NEWLY WEIRD SERIES. ___________________ Book1: The Newlyw...