4: Good Night

8.9K 336 57
                                    

Nakabalik na ang mag-asawa sa kuwarto kung saan sila galing pagkatapos ng kasal. Alas-nuwebe pasado na ng gabi ayon sa grandfather clock na nasa haligi ng silid.

Naging mahaba ang araw para sa dalawa. Wala pang nasagap na importanteng balita si Armida sa nangyari sa asawa niya, ganoon din naman si Josef sa kanya. Hindi sila nakapag-usap habang kumakain ng hapunan dahil sa dami ng Guardian na nakabantay kahit sa dining area.

Sobra pa ang king size na kama para pagsaluhan nilang dalawa. Nakahilata lang si Josef, nakatitig sa kisameng binalot ng mural ng isang eksena sa makalumang krusada. May mga sinaksak ng espada, tinamaan ng palaso sa mata at katawan, mga pinugutan ng ulo at tinuhog sa isang patulis na kahoy. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa nakikita. Naka-indian seat naman sa kaliwa niya si Armida na iniikutan ng titig ang army tag na ibinigay ni No. 99 dito.

"Nakita mo si Nightshade?" tanong ni Armida pagkatapos sukuan ang tag.

Tumango lang si Josef bilang sagot. Pansin ni Armida na balisa ang asawa niya. Tulala lang ito sa itaas at halatang marami ang iniisip.

"Lungkot mo, a. Ayos ka lang?"

Tumango na naman si Josef, walang sinabing kahit ano.

At dahil mukhang malalim nga ang iniisip ng asawa . . .

"SHADOW!" Nag-dive na lang bigla sa dibdib ni Josef si Armida.

"Aray! Ano ba?!" Napaangat tuloy ang lalaki sa hinihigaan.

"Ano'ng nalaman mo? Dali! Kuwento!" ani Armida habang parang batang tinitingnan si Josef. Gusto niya ng impormasyon. Mga detalyeng hindi pa niya alam at magagamit niya sa mga susunod na plano.

"Puwede ba? Para kang langaw!" Iniwas-iwas naman ni Josef ang tingin sa asawa. Ayaw man lang siyang bigyan nito ng panahon para magmukmok dahil sa nalaman niya sa ama.

"Sabihin mo, uy! May top secret ka bang nalaman? Any important data? Mga last will and testament? Missions? Kahit anong mapakikinabangan?"

Inikutan lang ng mata ni Josef ang kakulitan ng asawa niya. Wala talaga itong pakundangan. Mukhang hindi marunong makaramdam. Nag-aamok na siya sa isipan niya dahil sa kakulitan ni Armida.

"Yung nanay mo at yung tatay ko ang dapat na makakatuluyan noon, ano masaya ka na?" inis na sinabi ni Josef.

"'Yon lang?" dismayadong tanong ni Armida. "Mapapabagsak ko ba ang Citadel sa ganiyang impormasyon? Hindi ko 'yan magagamit para palayasin sina Cas at 99 sa posisyon nila. Huwag ka ngang inutil! Ano pa?"

"Alam mo, bilib talaga ako sa takbo ng isip mo. Bahagian mo naman ako ng logic mo, Ineng," sarkastikong sinabi ni Josef sa asawa. "Ganiyan talaga kalaki ang galit mo sa kanila?"

"Ikaw ang lumugar sa posisyon ko, tapos sabihin mong after all those death threats, those battles, and those punishments, tanggap na tanggap mo pa rin sila. Mabait ka e, di ba?" Umayos na ng higa si Armida sa tabi ni Josef. Naging seryoso na rin ito habang nakatingin sa kisame.

Maganda ang mural. Magaling ang pintor. Tinitigan na naman nila ang nakapinta sa kisame. Mga sundalong lumalaban sa mga tumataliwas sa batas. Mga taong pinapatay ng giyera. Mga taong walang ibang trabaho kundi ang lumaban para mamatay.

Parang sila.

Napakagandang obra para ma-enjoy nila ang honeymoon.

"Nakausap mo ba nang maayos ang father mo?" tanong ni Armida na kanina pa sana niya gustong itanong kung hindi lang balisa ang lalaki.

Nagbago bigla ang ekspresyon ng bad trip na si Josef at naging kalmado na ang mukha.

"Mukhang kahit ang magsalita, mahihirapan na siya. Remember last month, yung umalis si Mama sa bahay? Dito pala siya pumunta." Tumagilid si Josef para tingnan ang asawa. "Bigla akong naawa kay Mama. Dati, si Papa ang kinuha sa kanya. Ngayon, ako naman." Binaling na ni Armida ang atensiyon sa kanya.

"Gusto mong bumalik sa labas?" tanong ni Armida. "Puwede mo naman akong iwan dito. May buhay ka sa labas na puwedeng balikan. Alam mong ako, wala. Hindi ako magagalit. Sanay na 'ko."

Nagkapalitan ng titig ang dalawa. Nababasa ni Josef na seryoso ang asawa.

May buhay sa labas . . . tama. May buhay siya roon. Naalala niya ang sinabi ni Cas.

"Tama ka na may choices ang lahat, pero bawat choice ay may consequences. At nagkamali siya noong pinili niya si Anjanette."

Nalulungkot siya dahil inagaw ng mga taga-Citadel ang lahat sa mama niya. Ang papa niya. Siya.

Gusto niyang piliin ang mama niya. Gustong-gusto niya. Pero namili na siya. May pinili na siya at paninindigan niya ang desisyong nagawa niya.

"Matutulog na 'ko," sabi ni Josef tapos ay kumuha ng puting unan sa ulunan. Humiga siya nang nakatalikod sa asawa.

"Piliin mo yung mahalaga," huling nasabi ni Armida dahil mukhang tapos na ang usapan nila.

"Mahalaga ka naman kahit hindi mo halata."

Tumaas ang magkabilang kilay ni Armida dahil doon. Bahagyang nagulat sa narinig. Magsasalita sana siya kaso hindi na itinuloy.

Patay ang hangin, walang nagsalita sa loob ng matagal na mga minuto. Nang-aagaw ng tunog ang patak ng segundo sa malaking orasan ng kuwarto. Nakabibingi ang katahimikan sa buong lugar. Hindi maiwasang isipin kung ano ang mga nangyayari sa labas ng isinumpang lugar na iyon.

Pinanindigan lang ni Josef ang fetal position niya habang nakayakap sa unan. Si Armida naman, higang-higa na talaga. Lapat na lapat ang likod sa kama at nakapatong pa ang mga kamay sa may tiyan.

"You know what," pagputol ni Armida sa katahimikan nila habang nakatulala sa kisame, "hindi ko naman tatanggapin ang titulo kung hindi dahil sa 'yo. I came here to take you back." Matipid siyang ngumiti sa kisame na parang nandoon ang kausap niya. "Unconsciously, pinipili naman natin kung ano talaga ang mahalaga. Na-appreciate ko na pinili mo ang asawa mo kahit na hindi siya deserving makasama."

Parang biglang nagising si Josef sa sinabi ni Armida kaya tumalikod ulit siya para harapin ito. Itinapon niya ang yakap na unan sa likuran at inangat ang ulo nito para isilid sa ilalim ang braso niya. Wala nang sabi-sabi pa, niyakap niya agad si Armida at saka pumikit.

"Good night," bulong ni Josef habang nakangiti.

Ngumiti na lang din si Armida at isinubsob ang mukha niya sa leeg ni Josef.

"Good night."

The Superiors: Assassins (Book 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon