16: The Executioner Awakens

8.9K 269 16
                                    

Hindi naging maganda ang nakaraang gabi ni Armida. Kakaibang sakit ng ulo ang gumising sa kanya. Sumikat na ang araw pagtingin niya sa bintana. Bumangon siya sa higaan at nakita si Josef na nakatulog na sa inuupuan nito sa tapat niyon.

Galit siya sa lalaki—noong nakaraang gabi. Mabuti na lang at nawala rin iyon kinaumagahan. Kinuha na lang niya ang kumot at ikinumot sa asawa. Dumiretso agad siya sa banyo para maghilamos dahil sobrang sakit ng ulo niya. Pakiramdam niya, may paulit-ulit na kumukurot sa bahagi ng sentido niyang nadaplisan ng bala.

Ibinabad niya ang mukha sa maliit na palanggana sa loob ng isang minuto pagkatapos ay tiningnan niya ang sarili sa malabong salamin ng banyo. Napahawak siya sa leeg niya. Unti-unti nang kinakain ng hiwa ang sarili nito. Numinipis na iyon at dahan-dahan nang kinakain ng balat. Sunod niyang tiningnan ang sentido niyang malalim pala ang pagkakadaplis ng bala dahil may maliit pang bukang naiwan hanggang sa bahagi ng buhok na kailangan pang iangat para makita. Hindi na iyon dumudugo ngunit nakikita pa rin ang kaunting laman.

"Wala 'kong dalang gamot. Hindi 'to maganda."

Alkohol lang ang naipanglinis niya sa sugat. Maliban doon, hindi na niya ginamot pa ang sarili dahil tuloy-tuloy siyang nakatulog. Naiinis siyang naglinis ng kamay.

"Natalo ka kagabi. Mahina ka talaga kahit kailan."

Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napatingin siya agad sa salamin.

Nakita niya ang sariling nakangisi.

Napaatras siya sa kinatatayuan habang pinandidilatan ang sarili sa salamin.

"Milady."

"A-a-ano ang . . ." Nautal si Armida. Hindi niya alam ang nangyayari. Nangako si No. 99 na aalisin na nito ang mga alter sa kanya.

"Dapat pinatay mo na siya agad! Hindi mo siya kailangan! Ikaw ang pinakamagaling! Ikaw lang!"

"Hindi. Hindi. Patay na kayo." Napahawak si Armida sa ulo niya dahil naririnig pa rin niya ang mga boses na iyon. "Patay na dapat kayo!"

"Mahina ka! Mahina ka! Mahina ka! Napakahina mo!"

"Aaaah!" Binato niya agad ng palanggana ang salamin hanggang mawala ang mga bangungot niyang naroon.

Agad siyang natumba dahil sa kawalan ng balanse. Mabilis siyang gumapang paatras hanggang sa wala na siyang maatrasan. Tinakpan niya agad ang mga tainga para hindi na marinig ang mga boses na iyon.

"Hindi sila nawala . . . hindi sila nawala. Hindi puwede. Hindi."

"Armida!"

Kahit si Josef ay naririnig din niya kasama ng mga boses. Gusto niyang humingi ng tulong dito.

"Hindi sila nawala," hinihingal niyang sinabi ni Armida habang pinandidilatan ang sahig. "Nangako siyang aalisin niya sila. Ang sabi niya, aalisin niya sila! Nangako siya!"

"Milady! Milady!"

"Mahina ka! Hahaha!"

Paulit-ulit niyang pinalo ang ulong hindi pa natatanggalan ng tuwalya.

"Armida, tama na! May sugat ka pa!"

Naririnig din niya si Josef. Hindi niya alam kung pati ba si Josef, pumasok na rin sa isipan niya.

"Hindi sila nawala . . ." Nanginginig ang boses niya. "Hindi sila nawala. Hindi sila nawala. Hindi sila nawala . . ."

"Hindi niya kami mapapaalis sa 'yo."

"Wala silang magagawa, Milady."

"Tahimik . . . Tumahimik kayo."

Lumalabo ang lahat sa paningin niya. Iba na ang nakikita niya sa mga sandaling iyon.

The Superiors: Assassins (Book 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon