14: Haunted Past

8.6K 249 12
                                    

Pasado ala-una na ng madaling-araw nang makabalik ang mag-asawa sa unit nila.

Ni hindi man lang mahawakan ni Josef si Armida dahil galit pa rin ito. Malaki ang daplis nito sa sentido at hindi niya alam kung gaano pa iyon kalaki dahil natatakpan ng buhok.

At dahil sa nangyaring pagsabog sa kalapit na building, pansamantalang nawalan ng koryente sa lugar habang inaapula ang apoy.

Maingay ang mga trak ng tubig, ang mga paroo't paritong ambulansya, maging ang mga pulis mobil. Nagsisigawan din ang mga tao sa paligid kahit pa malayo-layo sa kanila ang pinanggagalingan ng apoy.

Walang ibang ilaw sa lugar kundi ang apoy sa kabilang gusali at mga ilaw ng sasakyang dumadaan.

"Armida, kailangan mong magamot—"

"Tumahimik ka," mariin nitong sinabi.

"May sugat ka."

"Wala kang pakialam."

"Pero—"

"Isang salita mo pa, huli mo na 'yan. 'Wag mo 'kong sagarin."

Gusto pa mang magsalita ni Josef ngunit hindi na niya magawa. Si RYJO ang kasama niya sa iisang kuwarto . . . at galit ito. Hindi niya matantya kung ano ang kaya nitong gawin sa mga sandaling iyon.

Walang ibang laman ang maleta nila kundi mga tissue paper at wet wipes. Kung may magamit man siya para sa sugat ni Armida, malamang na alcohol lang iyon. Gusto sanang maghanap ni Josef ng pharmacy bago sila bumalik kaso hindi niya mapakiusapan ang asawa. Hindi rin naman niya ito puwedeng iwan mag-isa.

Halos ibalibag ni Armida ang maleta nito makuha lang ang ethyl alcohol at puting face towel na pabaon sa kanila ng Citadel.

Napapahilamos na lang ng mukha si Josef habang pinanonood ang asawa niyang mag-asikaso sa dilim at magtiyaga sa kaunting liwanag mula sa apoy sa labas.

"Pumunta na tayo ng ospital," mahinahong pakiusap ni Josef habang pinanonood ang asawa niyang ibuhos sa ulo ang laman ng alcohol. "Kailangan mong magpatingin sa doktor."

Hindi sumagot si Armida. Bigla na namang naalala ni Josef kung sino nga ba ang asawa niya.

Naalala niya na noong inaya niya itong pumunta sa doktor, halos ito na ang gumilit sa sarili nito. Dismayado na lang siyang naupo sa upuang katapat ng bintana kung saan sila nagbabantay.

Habang pinanonood itong magpunas ng duguang ulo, naalala na naman niya ang nangyari bago siya makarating sa lokasyon ng asawa niya at ng target nila.

Sinasalubong niya ang nagkakagulong mga tao sa kabilang direksyon. Imbis na sundin ang instruction ng virtual assistant, pinuntahan na lang niya ang harapan ng gusaling sumabog.

Napahinto lang siya nang makita ang pamilyar na mga mukha sa gitna ng nagkakagulong mga tao. Nakatayo lang ang mga ito at walang emosyong nakatingin sa nasusunog na building. Gaya ng kilos ng mga tipikal na arsonista—pinanonood ng mga ito ang obra maestra nilang pinagkakaguluhan ng mga tao.

Hindi niya alam kung ano ang nangyayari dahil halos isang buwan na rin siyang walang balita sa mga agent ng kahit anong association matapos siyang kunin ng Citadel.

Napalunok na lang siya at agad na nagtago nang makitang lumingon sa direksyon niya si Ranger. Delikado na sa lugar na iyon. Kapag may nakakilala sa kanilang mag-asawa, hahanapin na naman sila ng mga tao sa naiwang asosasyon. At mas lalong delikado kapag nangyari iyon dahil ang alam ng lahat ay patay na silang mag-asawa.

Hindi na tuloy niya alam kung ang Scheduler pa ba ang may kagagawan ng nangyaring pagsabog o ang dating grupo kung saan kabilang ang asawa niya.

Tumayo si Armida at bumalik sa maleta nitong nakabalagbag sa sahig. Kumuha ito ng tissue para ipampunas sa ulong basa. Kumuha rin ito ng damit pamalit sa basang suot.

The Superiors: Assassins (Book 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon