Chapter 8: A Joke That Hid It All (Isang Biro na Nagtago sa Lahat)

7.4K 177 84
                                    

"The price of a memory, is the memory of the sorrow it brings."

-Pittacus Lore, I Am Number Four


"Sundan niyo ang limousine. Bilis!" wika ni Helena.

Sa pagkakataong iyon ay masama ang tingin niya sa tatlo pang natitirang heli ship mula sa The Blood of One. Mabilis ang takbo nito at palayo na animo'y binabagtas ang dinadaanan ng tren ng NMRT.

"Helena, huminahon ka. Baka hindi magustuhan ng publiko ang gagawin mo," pigil naman ni Maria nang mapansing susugurin niya ang mga heli ship. Kinapitan niya agad ang kanyang braso upang pigilan ang kaibigan sa pagtakbo.

"Hindi ko pwedeng patakasin ang mga 'yan! Marami rin ang nadamay sa ginawa nila, 'di ba? Maraming nasira. Anong gusto mo manood na lang ako dito?" tanong ni Helena.

"Pero Helena! Isipin mo naman ang publiko! Ang media! Ano ang gusto mo? Batikusin na naman nila ang mga kilos mo?" Hindi na napigil sa paglabas ng emosyon si Maria. Sa pagkakataong iyon ay naiinis na siya sa kaibigan dahil sa ura-urada nitong pagdedesisyon. Natahimik naman si Helena at sinubukang maging mahinahon.

"Ang gagawin mo lang ay mag-utos, Helena. Kami ang bahala sa lahat. Sa pagkakataong ito ay hindi ka isang sundalo o armas. Ikaw ang pinuno namin, ng buong bansang ito. Iyon ang gustong makita ng lahat ng nasasakupan mo," paliwanag naman ni Albert. Napangiti naman ang dalaga at napabuntonghininga.

"Sige. Maria, ang sniper. Gusto kong paputukan mo ang mga iyan. Ayokong may makalayo ni isa sa kanila. Albert, ang lahat ng sundalo ay dapat harangan ang mga dadaanan ng subway papuntang North. Maliwanag?" utos ng dalaga.

"'Yan ang gusto ko!" sambit naman ni Maria. Agad naman siyang sumampa sa isang hover truck at kinuha ang isang sniper mula sa isa pang sundalo. Sinimulan niyang tutukan ng mahabang baril ang engine ng mga heli ship.

"Masusunod po," sagot naman ni Albert.

"Ihanda ang lahat ng sundalo! Harangan ang bawat estasyon ng subway.Bilis!" bulyaw ni Helena.

"OPO!" sagot naman ng mga sundalo ng New Order. Napansin naman ni Albert ang pagsakay ng dalaga sa itim na hover bike na dala nilang dalawa ni Maria. Akma nitong susuotin ang helmet nang tanungin niya ang dalaga.

"Anong gagawin mo?" pagtataka ni Albert.

"Dadaan ako sa subway. Pasensiya na pero hindi kaya ng konsensiya kong pabayaan ang mga batang iyon."

Naisuot na ng dalaga ang helmet habang kausap niya ang pinuno ng New Order. Naluha pa siya nang kaunti ngunit isinara niya ang carbon fiber na glass ng helmet at pinaandar na ang hover bike.

"HELENA!" sigaw ni Albert ngunit hindi naman tumigil ang dalaga sa pagpapatakbo nang mabilis dito. "Mag-iingat ka."

*****

Sa isang madilim na tunnel ng subway itinigil ni Edward Vitore ang hover limousine. Sinusubukan niya pa rin itong paandarin ngunit said na said na ang liquified petroleum gas na nagpapatakbo dito. Pumupugak-pugak na lamang ang engine ng naturang sasakyan at tila naiinis naman ang binata dahil sa nabiting kasiyahan.

"KAINIS BAKIT NGAYON PA!" sigaw niya. Nakita naman niya sa mamatay-matay na hologram screen sa gitna ng dashboard ang mga batang magkakayakap at tila takot na takot. Ang dalawa sa mga ito ay parang nahihilo naman dahil sa pagmamaneho na kanyang ginawa.

"Anong nangyari?" tanong naman ng boses mula sa kanyang communicator.

"Namatay na ang engine. Wala nang gas. Bwisit. Bakit dito pa?" wika naman ni Edward habang dahan-dahang lumalabas ng hover limousine. Sumabit pa ang paa niya sa nakausling bakal ng sasakyan. Tinadyakan naman niya ito dahil sa sobrang inis.

Philippines: Year 2302 - Helena's DownfallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon