Chapter 20: Cold as Ice (Kasing Lamig ng Yelo)

5.1K 177 140
                                    

"Death comes to all, but great achievements build a monument which shall endure until the sun grows cold."

-Ralph Waldo Emerson


Ilang segundo ring nakatayo ang mga sundalong naiwan sa kalsada patungong Circle. Activated pa rin ang tila napakalaking dome ng shield ng The Blood of One sa paligid ng buong parke. Maski ang mga sundalong nasa loob ng shield ay nag-aabang din sa kung ano nga bang nangyari kay Helena at sa kanyang kasama. Pigil-hininga ang lahat habang unti-unting inaapula ng nyebe ang apoy sa paligid ng pinagsabugan ng missile. Ang apoy sa paligid ay unti-unting napapalitan ng maitim na usok.

Isang sundalo naman ang nagturo sa kinaroroonan ng pagsabog. Sa isang gilid ay naaninag niya ang dalawang babaeng nasabugan ng missile. Nakita na lamang nilang nakapatong si Helena sa kanyang kaibigan at paunti-unting naghihilom ang sugat at paso sa katawan.

"M-Maria? Maria..." wika naman ng dalaga na sa pagkakataong iyon ay nagising sa katotohanan.

Tinatapik niya ang mukha ng kaibigan na sa pagkakataong iyon ay nakadilat at tila nakatulala sa kawalan. Malalang paso ang natamo niya mula sa pagsabog. Kapansin-pansin ding sunog ang mga braso niya at kaliwang paa. Nakahiga siya sa malamig na nagyeyelong semento at lumilipad lamang sa paligid nila ang mga abong may kaunti pang apoy at namamatay na lamang dahil sa malamig na hangin.

"Maria...gumising ka. Huwag kang magbiro...MARIA!" patuloy na tinatapik ni Helena ang mukha ng kaibigan.

Tila hinihimas niya ang tattoo sa kanyang mukha at sinusundan ang bawat guhit ng kulay itim na marka ng pakpak na iyon. Hindi sumagot ang dalaga. Nakatingin lang siya sa kalangitan kahit na dumadampi na ang malamig na butil ng nyebe sa kanyang pisngi.

"MARIAAAA!" sigaw ni Helena. Agad nagtakbuhan patungo sa dalawa ang mga sundalo. Agad ding nilabas ng iba ang ilang medical kit at stretcher.

Napakapit na lamang sa kanyang ulo si Albert habang pinapanood ang mga pangyayari sa hologram screen at sa 3D image blueprint na nasa kanyang harapan. Walang tigil sa pagluha kaya't napapikit na lamang siya at napatalikod dahil sa labis na pagsisisi. Napailing naman ang propesor at gamit ang kanyang tungkod ay dahan-dahang lumapit sa kanya. Tinapik niya ang balikat ni Albert, animo'y siya'y kinakalma.

"Maria! Gumising ka!" bulyaw ni Helena.

Napuno na ng luha ang kanyang mga matang tumutulay naman sa kanyang pisngi at patungo sa kanyang bibig at baba. Napapikit na lamang siya at kinapitan ang ulo ng kaibigan. Niyakap niya ito nang mahigpit at tila isinasayaw sa pag-ugoy ng kanyang malamig na katawan.

"Maria...huwag mo akong iwan...huwag mong gawin sa akin 'to..." mahinang sambit ng dalaga habang patuloy na inuugoy ang katawan ng kaibigan.

Nang makalapit ang mga sundalo ay agad nilang kinabitan ng tila isang bracelet na heart rate monitor ang pulso ng dalaga. Matinis na tunog ang kanilang narinig. Wala siyang pulso, at nagkatinginan na lamang ang mga sundalo. Lumuhod naman ang ibang sundalo ng New Order sa walang malay na katawan ng kanilang kabaro. Napaluha rin ang mga ito habang hinahaplos ang kanyang braso.

"Maria..." wika ng dalaga.

Nakapikit pa rin siya at patuloy sa pagluha. Idinilat na lamang ni Helena ang kanyang mata at muling ihiniga ang katawan ng kaibigan. Ipinatong niya ang kanyang dalawang kamay sa dibdib ng dalaga at diniinan ito nang paulit-ulit.

"Maria, gumising ka!" bulyaw muli ni Helena.

Patuloy nyang diniinan ang dibdib ng kaibigan ngunit matinis pa rin ang tunog ng heart rate monitor na iyon sa kanyang pulso. Binugahan niya rin ito ng hangin sa bibig at muling diniinan ang kanyang dibdib. Napailing na lamang ang mga sundalo sa paligid at tumingin kay Helena habang malamlam ang mga mata.

Philippines: Year 2302 - Helena's DownfallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon