Itinuro ng bata ang isang pinto malapit sa hagdan na papunta sa ikalimang palapag.
“Gusto yata niya na sundan natin siya e.” Sabi ni Francis.
“Hala, baka kung ano nanaman ang gawin niyan sa atin e.” Bulong sa kaniya ni Devine.
Si Devine ang muse ng klase. Maraming humahanga sa kaniya dahil sa maganda niyang mukha. Siya ang nobya ni Francis.
“Baka may malaman tayong impormasyon kapag sinundan natin ang batang ‘yan.” Sabi ni Lei.
Tinanong niya ang mga kasama kung payag ba ang mga ito na sundan ang bata. Tumango lang ang mga ito.
“Seryoso ba kayo? Susundan natin ang batang ‘yan?” Nag-aalangang tanong ni Francis.
“Natatakot ka ba?” Tanong sa kaniya ni Devine.
“Hindi na medyo…” Sagot naman ng nobyo.
Sinundan nga ng grupo ang bata. Unti-Unting bumukas ang pinto at pumasok sila sa silid na iyon. Malawak ang silid ngunit mukha itong abandonado.
Nagkalat ang mga silya at mga lamesa sa sahig. Amoy na amoy din ang alikabok sa buong lugar.
“Sino ka ba? Bakit mo kami dinala rito?” Tanong ni Lei sa bata. ‘Di nila inaasahan na biglang lulutang sa ere ang katawan ng bata.
Bigla na lamang humangin ng malakas at nagliparan ang mga silya sa silid. Unti unting nahayag ang mukha ng bata. Ang buong mukha nito ay puro mata. Mga matang magkakaiba ang laki; nakatingin din sa magkakaibang direksyon.
Tumigil ang malakas na hangin at ang buong paligid ay umaliwalas. Parang nadala sila sa isang panaginip kung saan nakikita nila ang nakaraan.
Sa panaginip na iyon ay nakikita nila ang kanilang mga sarili na nakaupo sa silid na iyon. Lahat ng kanilang naririnig, nakikita at nararamdaman ay pawang nagmula sa nakaraan ng silid aralang iyon.
“Ako si Ariela. Sa akin ang silid na ito. Nakita na ba ninyo ang mga kaibigan ko? Nang sambitin ng bata ang mga salitang iyon ay muli nanamang nagbago ang hitsura ng silid; ngunit sa pagkakataong iyon ay nakabitin na silang lahat ng patiwarik.
“Maglaro tayo.” Sabi ni Ariela sa kanila. Nagsigawan silang lahat dahil sa sitwasyon na napasukan nila. “Sino nga ulit ang nagsabing sundan natin ‘yang batang yan?” Malakas na sigaw ni Francis.
“Bwisit!” Sabi naman ni Lei. Lahat sila sa silid ay nakatali maliban lamang kay Elaira.
Ito ay nakaupo sa isang silya na nakaharap sa kanilang lahat. Sampu silang nakatali.
Sina Lei, Frollo, Azisa, Roi, Chaila, Maia, Devine, Brea, Jin at Francis. Panay ang tili at sigaw ng mga babae na nakabitin habang wala namang malay si Elaira.
Sa diwa naman ng natutulog na si Elaira ay nakikita niya ang kaniyang sarili sa isang madilim na silid. Lumakad siya ng kaunti at nakita niya roon si Ariela. Para bang naipapakita sa kaniya ang nakaraan nito. Napapanuod at naririnig niya ang bawat pangyayari sa kaniyang harapan. Nakikita niya na nagsusulat si Ariela sa Diary nang bigla itong lapitan ng guro.
Ang kanilang pag-uusap ay nauwi sa sagutan at sigawan. Hinawakan ng guro ang braso ni Ariela na naging sanhi naman ng lalong pagkagalit nito.
Unti-unting lumabas sa likuran nito ang isang diyablo at kinain nito ang ulo ng guro. Napatakip ng bibig si Elaira sa kaniyang nasaksihan. Sa kwento sa kanilang paaralan ay namatay si Ariela dahil pinatay siya ng kanilang guro. Kaya naman nagtataka siya kung bakit taliwas ito sa kaniyang nakita.
“Kailangan kong gumising.” Sabi ni Elaira. Kasabay nito ang paglapit sa kaniya ni Ariela at bigla siyang sinakal nito. Matapos nito ay agad naman siyang nagising na hinahabol ang kaniyang hininga.
“Gising ka na pala.” Sabi sa kaniya ni Ariela. Malabo man ang nakikita ni Elaira ay naaaninag niya ang pangit na mukha ng kaharap.
Puro mata ang buo nitong mukha. Iba iba ang laki ng mga ito. Nakaramdam siya ng takot na nanunuot sa kaniyang buong kalamnan.
“Maglaro tayo. Piliin mo kung sino ang maliligtas sa mga kasama mo.” Masayang sabi ni Ariela.
“Anong gagawin?” Sigaw ni Francis.
“Tinatawag ko itong, bawasan ang timbang.” Kinakabahan ang lahat. Natatakot din si Lei dahil si Elaira ang napiling maglaro noon. Kilala sa pagiging makasarili si Elaira.
Hindi niya isasakripisyo ang buhay niya para lamang sa iba. Malimit din siyang mag-alala para sa kaniyang kapwa.
“Ano bang kailangang gawin?” Tanong muli ni Elaira.
“Ang bawat isang kasama mo ay katumbas ng isang palaisipan. Pero kahit na sampu ang kasama mong nakabitin… anim lang ang katanungan. Kapag nagkamali ka sa pagsagot ng mga tanong; ikaw mismo ang pipili kung ano ang mawawalang parte ng katawan sa mga kasama mo.” Napalunok ang mga kasamahan ni Elaira sa mga narinig mula kay Ariela.
Masaklap ang kahahantungan nila kung magkakamali sa pagpili si Elaira. Kabado ang lahat kung sino ang mga ililigtas ni Elaira pero ga’nun pa man ay hindi na nila kaya pang iwasan ang kanilang kapalaran. Para silang mga baboy na naghihintay katayin sa ganoong kalagayan.
“Sige, payag ako.” Matipid na sagot ni Elaira.
“Naloko na…” Bulong ni Lei sa sarili. Bumuntong hininga si Elaira at sinabing handa na siyang magsimula. Nagsisihikbi na ang mga babae sa grupo ni Francis ngunit matatag pa din ang mga nasa grupo ni Lei.
Para bang hinanda na nila ang kanilang mga sarili sa mga mangyayari. Ang unang tanong ay pinili ni Elaira para sagipin si Lei.
“Ang unang tanong: May pagkakataon na mayroon akong apat; mayroon akong wala. May pagkakataon na mayroon akong dalawa; mayroon akong kaunti. May pagkakataon na mayroon akong wala; mayroon na ako ng lahat. Ano ako?”
Lumipas ang isang minuto mula nang marinig ni Elaira ang katanungan at saka siya nagsalita.
Pawis na pawis na noon sa kaba si Lei sapagkat kung magkakamali ang kasama ay tiyak na mapapahamak siya.
“Ang sagot ay— Napalunok ang lahat nang marinig nila ang boses ni Elaira sa wakas.
“Ang sagot ay: Karanasan. Sa buhay ng tao, nagdadaan siya sa pagiging sanggol at gumagapang. Wala pa siyang karanasan sa buhay. Sa pagtanda naman niya ay gamit na niya ang dalawang paa upang lumakad. Habang tumatanda ay unti-unti na siyang nagkakaroon ng karanasan. At, sa sandaling mamatay siya ay baon na niya ang halos lahat ng kailangan niyang maranasan.”
Paliwanag ni Elaira. Matapos ng mahabang paliwanag ay sandaling natahimik ang lahat. Natatakot sila kung tama ba o mali ang sagot ng kasama. Halos hindi na huminga ang lahat.
“Tama ang sagot mo.” Inis na sabi ni Ariela.
BINABASA MO ANG
High School of The Demon (Editing)
HorrorAre you ready to play the game made by a demon? Sa paghahanap ng panibagong simula, napadpad si Frollo Maidaz sa isang misteryosong paaralan. Ang akala niyang magandang umpisa ay mababalot ng takot at pangamba nang malaman niya na ang napasukan niy...