"Ang saya-saya ng mga nangyayari... hehehe."
Pilyang bulong ni Elaira sa kaniyang sarili. Wala siyang pakialam nung una sa lahat ng mga pangyayari hanggang sa dumating si Frollo. May kaunting saya siyang naramdaman dahil may bagong pumasok sa problema ng klase nila.
Naiinis nga lang siya dahil masyadong pumapapel si Mira; hindi tuloy siya makalapit kay Frollo. Gusto sana niyang siya ang gumabay dito dahil nakita na niya ang ilang demonyo sa kanilang eskuwelahan.
Alas otso na ng gabi noon. Nasa rooftop si Elaira at pinanunuod ang bilog na buwan. Maliwanag na maliwanag ito na para bang tinatawag siya.
"Hindi ka ba sasama sa amin?" Nagulat siya nang marinig niya ang boses ni Lei.
Nasa likod niya lamang pala ito at hindi umiimik. Nakaramdam siya ng kaba sapagkat alam pala nito na may balak siyang manuod sa ritwal.
Nakabawi din ng lakas ng loob si Elaira at hinarap na din niya si Lei. Malaki ang galit niya sa taong kaharap niya dahil iniisip niya na tuta ito ni Mira.
"Pwede naman akong manuod mamaya kahit walang imbitasyon mo... Lei."
"Sige ikaw ang bahala. Baka kailanganin kasi namin ang tulong mo."
"Ganyan naman kayo e, kilala lang ninyo ako kung may kailangan kayo sa akin! Nung kailangan kita nasaan ka? Nasa tabi ni Mira?"
"Hindi mo pa din ako napapatawad? Kailangan niya ako..."
"Kaya ba kinalimutan mo na din ako?" Nangingilid ang luha ni Elaira sa pag-uusap nila ni Lei.
Malaki ang naging bahagi nila sa nakaraan ng isa't-isa. Noon ay may namamagitan sa kanilang dalawa ngunit nasira lang nang maitalagang class president si Mira.
Hiningi ni Mira ang tulong ni Lei dahil sa magkababata silang dalawa. Masakit kay Elaira na mas pinili ni Lei ang kababata kaysa sa kaniya.
"Wala na akong panahon sa pagpapaliwanag sa'yo... paulit- ulit na lang. Pupunta na ako sa class room natin. Maghahanda na kami para sa ritwal." Paalam ni Lei.
"Sige! Dyan ka naman magaling e." Tuluyan nang napaiyak si Elaira ngunit agad din naman niya itong pinigilan.
Sa mga panahong ganoon ay ayaw na niyang maging mahina. Ayaw na niyang iyakan ang taong ibinasura na siya ng tuluyan.
Naghanda na din siyang pumunta sa kanilang silid aralan. Nang makarating siya sa tapat nito ay nakita niya si Mira, Lei at Frollo na gumuguhit ng isang malaking bilog na may apat na bituin sa gitna. Ang marka na iginuguhit nila sa sahig ay iginuhit gamit ang dugo.
"Saan niyo nakuha ang dugo na ginamit ninyo?" tanong ni Elaira sa mga kaklase.
"Kumuha kami ng buhay na manok sa mini farm ng school." Sagot sa kaniya ni Mira. Saglit na tumigil si Frollo sa kaniyang ginagawa at tumayo.
"Ayaw ko na... parang kalokohan lang ang lahat ng ito."
Nabigla ang lahat sa mga binitawang salita ni Frollo at ang bawat isa ay nakaramdam ng takot. Namatay ang lahat ng ilaw sa silid at lumamig ang hangin. Wala ni isa man ang nagtangkang gumalaw o humiyaw.
Mga ilang minuto pa ang nakalipas ay agad ding bumalik ang mga ilaw; ngunit iba na ang pakiramdam ng mga estudyanteng nasa loob ng silid. "Nababaliw ka na ba? Kung gusto mong mamatay, papatayin na kita ngayon palang!" Galit na bulyaw ni Mira kay Frollo.
"Hi... Hindi ko- Hindi na natapos pa ang sasabihin ni Frollo nang magsimulang magsalita si Elaira.
"Masyado pang maaga para magpakita ang ikalima... Dapat mauna kayong magritwal kung ayaw niyong mamatay."
Nagtulong tulong na ang magkakaklase na isulat sa malaking papel ang mga pangalan ng buong klase ng III-A; dapat maisulat nila ang pangalan ni Frollo sa dulo at maging pamilyar siya sa ikalimang demonyo bago pa man sumapit ang hatinggabi.
"Pwede bang magtanong?" Basag ni Frollo sa katahimikan.
"Ano 'yun?" Sabay sabay ang tatlo.
"May pangalan ba 'yung panglimang demonyo?"
"Meron, kaso hindi pwedeng banggitin ngayon. Mamaya pa natin pwedeng banggitin kapag alas dose na." Sagot ni Lei.
"Bakit?"
"Magigising siya. Papatayin niya tayo. Mamayang hatinggabi ang oras ng pakikinig niya sa atin."
Matapos ng usapang iyon ay nagpatuloy na sila sa kanilang ginagawa. Mag aalas onse na sila natapos. Bumilog na sila sa marking iginuhit nila sa sahig at naghawak-hawak na sila ng mga kamay.
Ang bawat isa ay tumapat sa bawat bituin na nakabaloob sa bilog. Ito ang paraan upang ang bawat taong nagsasagawa ng ritwal ay maging ligtas at hindi galawin ng demonyo.
Pumikit silang lahat kahit na may kaba sa dibdib. Isa isa silang tumawag sa pangalan ng ikalimang demonyo ng ganito:
"Mahal na Edeman... dinggin mo kami. Ang iyong mga anak, ito kami at magpapasakop sa iyong kadakilaan." Kasabay nito ang paghangin ng malakas.
Nabasag ang mga salamin sa bintana at nagsitumba ang mga lamesa. Hindi nangpapatinag ang mga magkakaklase; hindi sila maaaring tumigil sapagkat mamamatay sila sa sandaling maputol ang pagtawag nila sa demoyo.
Nakapangingilabot ang hangin na humahalik sa kanilang mga balat. Tila may kasamang mga patalim na parang nakakasugat. Idinilat nila ang kanilang mga mata at nakita nilang unti-unting umaaangat ang papel na sinulatan nila ng mga pangalan. Nilingon nila ang gitna ng bilog na marka sa sahig.
Nakita nila na unti-unti itong nabibitak at mula sa mga bitak ay lumabas ang napakaraming insekto at mga uod. Kasunod ng mga insekto ay pulang pulang dugo naman ang lumabas.
Mula sa mga bitak ay unti-unting umahon ang isang katawan. Hubad ito at nababalutan ng dugo. Animo'y tao ngunit hindi makita ang mukha dahil sa mahabang buhok.
Bawal sumigaw... lahat sila ay parang masusuka sa mga nasaksihan. Tumigil ang hangin at nasa harapan na nila si Edeman; ang ikalimang demonyong naninirahan sa silid aralan nila.
"Ako si Edeman... ang ikalima."
Masakit sa tainga ang boses ng nilalang at nagbibigay ito ng matinding takot sa apat na estudyante.
"Ma... mahal na Edeman, may nadagdag po sa aming klase. I...Ito po si Frollo Maidaz. Idenedeklara po naming siyang anak na din ninyo." Nagmamatapang na paliwanag ni Mira sa nilalang.
"Mayroon akong dalawampu't anim na anak... ngayon ay dalawampu't pito na."
"Mahal na Edeman, Isa lamang po ang nadagdag sa amin. Dalawampu't pito lamang po kaming mga anak mo." Pahabol ni Lei
"MALI! MALI! Mali ang bilang ninyo mga mangmang! Sa umpisa pa lang ay mali na. Bukas, uunti-untiin ko kayo. Pupunitin ko ang laman ng bawat isa sa inyo at mararamdaman ninyo ang sakit bago kayo mawala sa miserableng mundong 'to. Pagsisisihan ninyo ang minsang pagkakamali na ito!" Nayanig ang lupa at nawala na si Edeman sa kanilang harapan.
Matapos ito ay isa isa silang nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
High School of The Demon (Editing)
TerrorAre you ready to play the game made by a demon? Sa paghahanap ng panibagong simula, napadpad si Frollo Maidaz sa isang misteryosong paaralan. Ang akala niyang magandang umpisa ay mababalot ng takot at pangamba nang malaman niya na ang napasukan niy...