"Ako dapat ang nasa puwesto mo ngayon," sabi ng batang babaeng nasa salamin. Kamukha ko siya, pero alam kong hindi siya ako.
Kilala ko naman siya sa pangalan pati sa itsura. Ang kababata kong sa mga ligaw na litrato ko lang nakita—Si Leilyn Razhnea. Hango sa pangalan niya ang pangalan ko—Kyleen Ylkivia. Pero di ko sigurado kung gusto ko pang balikan ang mga alaalang magkasama kami . . . kung iyon ang makagugulo ng daloy ng tahimik kong buhay.
Nagising akong masikip ang dibdib. Dreams are the product of our brain, sabi nila. Produkto ng parte ng utak na di kayang kontrolin ang subconscious ng isang tao. Ibig ba sabihin, nando'n pa rin sa kailailaliman ng utak ko ang mga pangyayaring di ko na gustong maalala?
Ewan. Madalang ko naman mapanaginipan 'yon, pero napapanaginipan ko pa rin. 'Buti na lang at napalitan kaagad ang masamang pakiramdam ng ginhawa. Masarap na agahan na gawa ni Mama, malaking allowance para sa first day of school na bigay ni Papa, at tawanan at lokohan ng mga kapatid kong nagmamadali na rin papunta sa trabaho o school—sina Kuya Ken, Ate Karylle, Keisha, at Koko. Pare-pareho kaming K.
Literal na we're one big happy family.
Perpekto na talaga sana—may magandang langit, gumaganang bike papuntang school, at walang mga kamote na isisiksik ako sa gilid ng daan. Pero nang narinig kong nagtititili sina Geanne at Nica, mga kaibigan ko since nakapasok ako sa school, nakaramdam ako ng kaba.
Oo, kabado talaga ako kada may nagbabago. I don't like change.
"First day na first day, mga bruha. Ba't kayo sigaw nang sigaw? Ano'ng meron?" tanong ko habang nilalapag ang bag ko sa corridor kung saan kami madalas na tumambay na magkakabarkada.
"Di ko alam kung magpapasalamat ako dahil sa hirap ng research last year. May nalipat, may umalis. Thank God umalis na 'yung nanlalandi kay babe sa kabilang section. Walang lugar ang malalandi sa circle natin. Ako na ang nagmamay-ari ng spot na 'yon," sagot ni Geanne, nakangiti, sabay wagay-way ng mga kamay sa ere—true to her personality na madaling ma-excite sa mga bagong bagay . . . unlike me. Kung may pagkakatulad man kami sa ugali, pareho kaming walang takot na mang-away kung tungkol sa mga mahal namin sa buhay ang pinag-uusapan. Pero sa level ng kasungitan "in words"—kung may gano'n man—lamang siya. "In actions," masasabi kong mas ready akong ma-guidance kaysa sa kanya.
"Pero at least hindi tayo nagkawatak-watak," dagdag naman ni Nica, best friend ni Geanne, sabay angat ng salamin. Magkaklase na 'yang sila since kinder. Sa aming tatlo, siya ang pinaka-"tamed." Kumbaga siya ang dahilan kung bakit wala pa kaming three strikes sa guidance na magkakabarkada. Pero biro nga namin, kaya naman niya bayaran ang guidance counselor, ang principal, at ang school kung saka-sakali dahil sa yaman nila. Siyempre, joke lang 'yon.
"Pa'no ba naman," dahilan ko, "lagi na lang tayo nagtutulungan sa mga assignment kaya pare-pareho din tayo ng mga scores. Sa tests lang tayo nagkakaiba."
"Wala kami sa section one kung hindi dahil sa inyo ni Jake, 'yan ang sure ako," dagdag ni Geanne. "Pero thrilling kasi kaklase natin si Aiden!"
Aiden? Ah, 'yung bagong salpak last year.
"Bes, may I remind you na may Migs ka na. Sumbong kita, e," paalala ni Nica.
"Sino bang nagsabi na para sa akin? Para kasi sa 'yo! Puwede ring dito sa babaeng 'to"—'tapos tumingin sa 'kin ni Geanne—"na walang bahid ng kalandian sa katawan. Puwede mo bang pakasalan ang studies, ha? Ganda-gandang babae, walang kaamor-amor."
Inikot ko na lang ang mga mata ko. Hindi talaga ako naniniwala kapag tsinitsismis nilang may nagkakagusto sa 'kin kasi whenever I look at the mirror, I just see myself as plain. Absolutely plain. Nasa akin na nga raw ang lahat, e. Kung alam lang nila. Kung may hihilingin man ako, sana magkaro'n ako ng kaunting sensitivity sa feelings ng iba. Kaya thankful na rin ako sa barkada ko na tinutulungan akong maintindihan ang feelings ng iba na di ko alam kung paano i-process.
BINABASA MO ANG
Siya at Ako (Siya Book 1) (Published)
Teen FictionNaniniwala si Kyleen Ylkivia Tuazon, o Kai, na magulo na ang buhay niya gawa ng mga pangyayaring nakapagpawala ng kanyang mga alaala at ng buhay ng isang kaibigan. Dahil dito, isinasabuhay niya ang isang tahimik na buhay-estudyante, malayo sa madala...