Hinanap ko sila para humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa ko sa kanila. Napuno ng paghihirap ang kanilang buhay dahil sa mga maling desisyong nagawa ko pero mukhang iba na ang takbo ng buhay nila ngayon. Halatang asensado na sila dahil nakapagpatayo na sila ng sariling bahay at nakabili na rin sila ng kotse. Tumayo ako ng ilang sandali sa harapan ng kanilang bagong tahanan habang nag-iipon pa ako ng lakas ng loob para sila'y harapin.Pipindutin ko na sana ang doorbell nang may lumabas na isang babae. Ibang-iba na siya. Mukha na siyang sosyal. Siya si Gina, ang aking pamangkin. Natulala siya nang makita niya aking nakatayo sa tapat ng kanilang bahay.
"Anong ginagawa mo dito?" pagalit niyang tanong sa akin.
Doon pa lamang ay alam ko nang hindi magiging maganda ang pagtanggap nila sa akin pero hindi pa rin ako pinanghinaan ng loob.
"Gusto ko lang sanang makausap ang mama at tita mo... pati na rin ang lola mo." sabi ko.
"Bakit pa? Mang-uutang ka na naman ng pera? Mang-uutang nga ba o manghihingi tulad ng ginagawa noon?" sabi ni Gina at naghalukipkip ng kanyang mga braso. Napayuko ako sa aking mga narinig. Halatang galit pa rin siya sa akin.
"Hindi naman sa ganun, Gina. Gusto ko lang namang--"
"Gusto mo kaming kumustahin? Heto, nakatira na kami sa isang malaking bahay dito sa exclusive village, may kotse na kami, masasarap ang aming pagkain, kumpleto sa gadgets, mapera... mga bagay na halatang wala sa buhay mo ngayon. Tignan mo nga ang itsura mo. Mas lalo kang nalosyang. Halatang nilaspag ka na ng ka-live in mong si Rey." sambulat ni Gina sa akin.
Nanliit ako dahil sa mga sinabi niya. Parang hindi ko na yata kakayanin marinig ang mga susunod pa niya sasabihin. Gusto ko nang umalis pero bago iyon, gusto sabihin ang gusto kong sabihin.
"Mukhang ayaw mo talagang makausap ko sila. Naiintindihan kita pero hayaan mo na lang muna akong magsalita."
Tumingin lang siya sa akin ng matalim kaya ipinagpatuloy ko na lang ang aking sasabihin.
"Alam kong labis na paghihirap ang naidulot sa inyo ng mga maling desisyon ko pero pinagbabayaran ko na iyon ngayon. Pagala-gala na lang ako sa lansangan at nanlilimos para makakain. Nilayasan ko si Rey dahil hindi ko na kinaya ang pambubugbog niya sa akin dahil wala akong maibigay na pera sa kanya. Sa kasamaang palad, hindi ko nakuha ang mga anak ko sa kanya. Ilang taon ko na silang hinahanap pero hindi ko pa rin sila nakikita. Yung panganay kong anak, nahanap ko na sana yung lugar na tinitirahan niya pero ang sabi nila... naglaho na lang daw bigla si Lester. Baka raw may nagpatumba na sa kanya dahil nalulong siya sa droga. Hindi ako naniniwala. Hindi magagawa ni Lester na magdroga at alam kong hindi pa siya patay." sabi ko tapoa tuluyan na akong naluha. Huminga ako ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita.
"Gina, narito ako para humingi ng tawad. Sorry kasi binenta ko yung ari-arian ni mama, lola mo, nang hindi ko pinapaalam sa inyo. Sorry dahil nalugi yung negosyong pinagkatiwala ng mama mo sa akin. Sorry kung nagpauto ako sa mga lalaki na ang habol lang pala sa akin ay yung pension ni mama. Sorry kung winaldas ko ang lahat ng perang ibinigay niyo sa akin para tulungan ako sa pagpapagamot kay mama. Sorry, sorry sa lahat ng malung desisyon ko na nagdulot ng paghihirap sa buhay niyo. Nagsisisi na ako, Gina. Sana mapatawad niyo ako sa lahat ng iyon. Kung hindi man ngayon, alam kong balang araw ay mahahanap niyo ang pagpapatawad sa nga puso niyo."
Nanatili pa ring matalim ang mga titig sa akin ni Gina. Mukhang hindi pa siya handang magpatawad. Hindi ko na yun alintana. Ang importante sa akin ay nasabi ko na ang matagal ko nang gustong sabihin. Nag-umpisa na akong maglakad palayo. Ang kakain ko naman ngayong araw ang susunod kong poproblemahin.
"Sandali."
Natigilan ako nang magsalita si Gina. Nilingon ko agad siya. Binuksang niya ang gate. "Tuloy ka."
BINABASA MO ANG
Hearing Damage (Psychopath Stories Collection)
Gizem / GerilimPsychopath Stories Collection