Kaliwa, kanan. Kaliwa, kanan. Pinagmamasdan ko ang mga paa ko habang naglalakad pauwi sa apartment ko. Hatinggabi na at wala nang tao sa daan. Tanging ang ilaw ng napupunding poste ang nagbibigay ng liwanag sa daang tinatahak ko. Mabuti at hindi ako nabibingi sa katahimikan dahil sa tunog ng yabag ko.
Malapit na ang araw ng mga patay. Binibigyan nanaman ako ng kakaibang pakiramdam dahil sa paglapit ng araw na iyon. Naaalala ko pa nang isang beses na magisa akong umuwi galing sa sementeryo papunta sa aking ina na nasa tindahan niya. Nakita ko ang isang lalaki malapit sa aminh eskinita. Nakaluhod siya at tila may kinakain na kung ano. Sa kuryosidad, lumapit ako at nang makita kung ano ang pinagpipyestahan ng lalaki ay napaatras ako. Isang tao! Kumakain siya ng tao!
Magmula noon, natakot na akong lumabas ng gabi. Nagtaka si nanay. Bago kasi magdilim, umuuwi na ako ng bahay. Hindi sanay si nanay na makita akong ganoon kaya tinanong niya ako. Sinabi ko sa kanya ang dahilan pero tinawanan niya lang ako. Aniya, kakapanuod ko lang daw iyon ng horror na pelikula kaya kung anu-ano ang naiisip ko. Hindi na daw totoo iyon. Wala nang naniniwala na may aswang pa o kung ano mang klase ng nilalang ang tawag sa nakita ko.
Inisip ko nalang na baka nagkamali lang ako ng nakita. Na baka nadala nga ako ng kapapanuod ko ng horror kaya nagiimahina na ako ng mga bagay bagay o kaya ay masyado akong nag-panic.
Tumahol ang aso na nasa bahay ng kapit-bahay ko. Nagulat ako at handa na sanang tumakbo pero nakita ko na may tali ito kaya napanatag ako.
Malaki ang aso nila Aling Tessa. Ang pangalan niya ay Rombu. Naaalala ko nung bata ako, tinatahulan din ako nito. Akala ko pa nga noong una, galit ito sakin pero nung makita ko na ang tinatahulan niya ay isang motor na palapit na sa akin, nakita ko agad kaya nakailag ako. Kaya itinuring ko na itong mabait na kaibigan ko.
"Magandang gabi, Rombu," sabi ko at inilagay ang mga kamay sa bulsa ko.
Lalakad na sana muli ako nang tumahol ulit. Nilingon ko siya, pinipigilan niya ba ako?
"Anong problema, Rombu?"
Asa. Para namang sasagutin ka niyan. Tatahol lang iyan, eh.
Bumuntong hininga ako. Makaalis na nga.
Nag-hum ako sa tono ng paborito kong nursery rhyme. Palagi itong kinakanta sa akin ni nanay noong bata ako. Twinkle, twinkle.
Nakikita ko na ang pundidong poste malapit sa bahay ko. Bumukas nanaman ito nakita ko ang maliit na parteng naiilawan nito. Kasama na doon ang bahay ko.
Namatay muli ang ilaw. Binalewala ko nalang iyon dahil sa pundido na ang poste. Sana nga ay ayusin na ito ng mga gumagawa. Blind spot ito ng mga taong dadaan kung gabi.
Nang bumukas ang ilaw, nakita ko ang anino ng isang lalaki. Maskulado ang katawan nito at tila mahaba ang buhok. Pamilyar ito sa paningin ko ngunit hindi ko na matandaan kung kailan ko siya nakita.
Binalewala ko siya at nagtungo sa pinto ng bahay ko. Ngunit nang mamatay ang ilaw, hindi ko na makita pa ang susi na gagamitin ko. Sinubukan kong kapain ngunit hindi ko talaga mahulaan kung alin. Nang bumukas ang ilaw, agad kong nabitawan ang mga susi sa kamay ko nang makita ang lalaki sa tabi ko!
"Nakakagulat naman po kayo..."
Kinuha ko ang mga susi sa sahig. Suminghap ako nang makita sa sahig ang pagtuli ng dugo. Tumulo pa ang ilan. Nanggaling sa mga mata ko. Sinapo ko ang mata ko at tama nga ang hinala ko. Sa mata ko nanggaling ang dugo.
Hagikhik ang narinig ko sa lalaki. Tumayo ako. Doon ko nakita ang buong mukha niya. Singkit ang mata nito at may kaunting tila tato sa may kilay. May tahi ang ilong nito at may bandage malapit sa mapula niyang labi.
At hindi natural ang pagkapula ng labi niya. Mapula ito dahil sa dugong tumutulo pa sa labi niya.
Natakot ako para sa buhay ko. Aswang na ba talaga ito? Siya ba ang lalaking mula noon ay kinakatakutan ko?
"Nakita rin kita, sa wakas," aniya. Malalim ang boses, "Matagal kong hinanap ang amoy na ito."
Lumapit siya sa akin at hinawakan ang pisngi ko. Hindi ako makagalaw. Naninigas ang buo kong katawan at tila may hanging pumipigil sa akin para umiwas. Naluluha na ang mga mata ko pero hinala ko ay dugo ang lumalabas sa mata ko.
"Nakabibighani ang aroma na naaamoy ko mula sa iyo," suminghap siya. "Masarap siguro ang mga parte mo. Ang malambot mong balat ang umaakit sa akin."
Nais kong sumigaw, humingi ng tulong, makiusap na huwag niya akong kainin pero walang lumalabas sa bibig ko. Ibuka ko man ang bibig ko, walang lumalabas na tinig.
Lumayo siya. Nakita kong nagbago ang kulay ng mga mata niya. Naging pula ang mga ito at nagngingit sa galit. Mayroon siyang ngiti na kailanman ay hindi ko malilimutan.
"Hindi ba, ito rin naman ang ginusto mo, Natalie? Bakit ka umiiyak?"
Lumuhod ako. Nakita ko ang mga dugo sa sahig. Umiyak ako ng umiyak. Ayoko na. Gusto ko na itong matapos.
"Mamamatay din tayo pare-pareho kaya tatapusin ko na ang paghihirap na ito."
Tinignan ko siya. Ngunit ang tanging nakita ko ay ang bangkay sa harap ko. Ang bangkay ng kuya ko.
May tumulo galing sa bibig ko. Dugo. Naliligo ako sa dugo. Nakaluhod ako sa dugo. Puro dugo ang bangkay ng kapatid ko. Inamoy ko ito at kumalam muli ang tiyan ko.
Kinuha ko ang kamay niya. Ito ang paborito kong parte. Marami kasi itong buto. Samahan pa ng sariwang dugo. Kay sarap lasapin!
Ah, oo nga pala. Hindi nga pala naniwala ang nanay ko noon sa aswang. Ayaw niya na maniwala kaya pinakita ko sa kanya. Kung hindi siya maniniwala, papaniwalain ko ko siya.
Pinatay ko na rin si Rombu. Tinatahulan nanaman niya ang kapitbahay namin na nasa may bakuran. Sagabal siya lagi. Lahat ng taong mapapahamak, binibigyan niya ng alerto. Isang linggo akong hindi nakakain nang dahil sa kanya.
Hindi sumagi sa isipan ng mga tao na may aswang sa lugar namin. Mabuti na rin para hindi sila mabahala sa kilos ko. Huwag silang mag-alala, malalaman din nilang totoo ang aswang. Iisa isahin ko silang lahat.
Hah! Malapit nanaman ang araw ng mga patay. Sa gabi, marami nanamang mga tao sa labas. Nakakatakot ang lumabas ng bahay para maghanap ng kakainin, maraming makakakita. Dalawang araw nanaman akong hindi makakakain ng maayos.
Nang mabusog ako, tumayo na ako at hinila ang natirang pagkain. Pinasok ko ito sa bahay. Kumuha ako mula sa ref ng soda at kinuha ang isang lagyanan. Binuksan ko ito. Masarap itong kainin kapag nagliliwaliw kaya itatabi ko muna. Kinuha ko rin ang kay kuya at isinama sa lagyanan.
"Nakakatuwa talaga ang ganyang tingin mo sa akin, nanay. 'Wag kang mag-alala, makakasama mo na si kuya. Magsasama-sama tayo, hanggang sa huli. Sayang lang, hindi kayo naniwala sa akin..."
BINABASA MO ANG
Como Imprenta
General FictionKoleksyon ng iba't ibang uri ng panitikan sa aking utak.