Sinabi sa akin ng aking inay, manahimik ako. Nanatiling sarado ang aking bibig dala ng pagiging masunurin ko.
Ang sabi sa akin ni inay, huwag akong magmumura. Pinitik niya ang labi ko dahil masyado daw akong matabil. Sumunod ako at nagsisi sa nagawa ko.
Ang sabi sa akin ni inay, maging masipag ako. Daig ng masipag ang matalino, aniya. Ang karunungan na makukuha ko, ay ang tanging kayamanan na dadalhin ko hanggang pagtanda ko. Sumunod ako at nag-tiyagang mag-aral kahit mahirap.
Ang sabi sa akin ni inay, huwag ako liliban sa klase ko. Kahit ba hindi ka matalino, basta't matiyaga kang matuto, mas lalamang pa ako sa may pinakamataas na IQ. Gayahin ko daw ang pinsan ko na kahit hindi matalino, basta't pumapasok ay nakakaraos. Sumunod ako sa kanya. Kung minsan ay napapaliban, nang magsisi ako, lagi na akong nasa klase.
Ang sabi sa akin ni inay, alagaan ko ang kalusugan ko. Huwag ko daw gayahin ang ginawa niya noon. Baka raw matulad ako sa kanya at ayaw niyang mangyari iyon.
Ang sabi sa akin ni inay, masaya daw ang makakuha ng parangal. Kaya't dapat ay lagi kong gawin ang aking makakaya upang makamit ito. Itinatak ko iyon sa puso at isip ko kahit tingin niya ay hindi naman ko nakikinig.
Lagi lang bukas ang tainga ko. Kung minsan, kahit ayaw kong pakinggan, ay hindi parin ito numinintis sa pandinig ko. Minsan, nagtetengang kawali nalang ako dahil gusto ko ring maging normal na kung minsan ay di nakaririnig. Pero bukas ang tenga ko, at nagpapasalamat ako sa biyayang binigay sa akin na iyon. Bukas ang pandinig ko kahit na may ginagawa ako. Busog ako sa magagandang salita at masarap na pangaral kaya't ilalaan ko ang oras ko sa pagsunod sa mga iyon.
Binaon ko ang alaala mo, huwag kang mag-alala. Alam kong alam mo na nakikinig lang ako sa iyo. Hindi mo man nakikita, pero alam kong naramdaman mo. At hindi ka nagkamali sa taong pinangaralan mo. Gagawin ko ang buong makakaya ko na gawin ang mga sinabi mo. Bubuo ako ng bagong alaala sa pamamagitan ng mga salita mo.
BINABASA MO ANG
Como Imprenta
General FictionKoleksyon ng iba't ibang uri ng panitikan sa aking utak.