Kubyertos ng Kahirapan

17 2 0
                                    

Lungkot ang namumutawi sa mga mata ng batang si Boyet habang nakatayo sa gilid ng kalsada. Akay niya ang batang si Rowena na tatlong taong gulang pa lamang. Sa kanyang gusot gusot na damit at sa maluwag na pang-itaas na napulot lamang sa bangketa, namamawis at nangangamoy pa. Sininghot ni Boyet ang natitirang uhog na lumabas sa ilong niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, nasisilip ang plato ng hinagpis.

Kay dami ng taong nagdadaan pero wala ni isa ang nagnais na magbigay ng tulong. Iilan ang napatingin ngunit walang pumansin. Sa halip, kinutya pa sa pamamagitan ng pagtawa at palahaw na pagngiti. Ang tingin ng nakababatang kapatid sa kanyang kuya ang nagbigay ng kalungkutan sa senaryo ng pagkain.

Kumakalam na sikmura, walang sapat na edukasyon, walang tirahan, walang ligo, damit, at ano pa mang kinakailangan ng mga batang katulad nila. Iyon ang inihahain nila sa harap ng madla, naghahangad na mapansin pa sila at mabigyan ng tulong upang makaahon. Kailan kaya sila makikita ng madla?

Sa malayo, nakatayo ang isang babae. Sa itsura ay siguradong salat din sa yaman. Gayunpaman, maayos ang kanyang pananamit at tila nakakaraos naman. Umiikot ang paningin niya sa mga taong nagdadaan at sa mga batang lansangan na makita ng mata niya. Pinagmamasdan niya lang ang nangyayari sa paligid niya.

Sa paglubog ni haring araw, naglakad na ang magkapatid dala ang isang lata na may kakarampot na limos galing sa mga may buting nagbigay. Akay ng batang si Boyet si Rowena habang pinupunasan ang uhog na kanina pa niya pinipigilan. Nagtungo sila sa ilalim ng hagdan sa lumang gusali upang doon, makita ang isang ina na nakakain na.

"Ang bagal ninyo kumuha ng pera, naghanap nalang ako ng pagnanakawan!" Asik nito, "Mga inutil, walang kwenta!"

Hinampas nito ang batang si Boyet upang makadaan sa kaunting espasyo. Naiyak si Rowena dahil sa pagdaplis ng mga malulupit na kamay sa balat niya na araw-araw nalang na nangyayari. Nang masiyahan sa pamamalo at pagbubuhos ng sama ng loob at galit, lumisan ito habang nasa kamay ang sigarilyong sinindihan niya.

Tinahan ni Boyet ang kapatid na umiiyak. Nang mapatahan, nagpaalam siyang bumili sa tindahan ng isang kilong bigas. Nagsaing, hinugasan ang nagiisang pinggan na pinagsasaluhan nilang mag-iina tuwing nagkakaroon ng pagkain. Isa ito sa mga araw na masuwerte sila dahil may maihahanda siya na kakainin ulam ang asin na araw araw nang laman ng tiyan nilang magkapatid. Nagdiwang sila at nagpasalamat sa pagkain na kakainin nila sa araw na iyon. Sa unang pagkakataon, nalaman ang kubyertos ng kahirapan sa pamamagitan ng kamay na ginamit.

Hangin ang nagtulak sa akin upang makita ito. Ang senaryo ng isang ina na hinahayaang makita ang mga anak na manlimos sa kalsada habang siya ay naghihintay lang sa aanihin nila. Maging sa salat na mga tao ay nangyayari ito, hindi lang sa lipunan. Ang paggamit ng ibang tao para sa ikaaangat at ikabubuti nila.

Sa mga mata ng iba ipinakita nila ang plato ng kahirapan na inihain sa kanila ng kanilang ina. Sa araw-araw nalang na nagdaan, inilulunok nila ang pagkaing puno ng hirap at hinagpis sa kahirapan. Bakit kailangang sa sariling ina nila ito maranasan? Bakit kailangang pagdaanan nila ito? Hanggang kailan nila mararanasan ito? Hanggang kailan tayo patuloy na magwawalang kibo at magbubulag-bulagan?

Como ImprentaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon