Eleventh Chat

32 3 5
                                    

ELEVENTH CHAT

Jamie's POV

Mabilis na umandar ang oras habang magkasama kami ni Justin. Hindi namin namalayan na gabi na. Nakalimutan ko lahat ng sakit na idinulot niya sa'kin nitong mga nakaraang araw. Ang tanging alam ko lang ay napakasaya ko dahil kasama ko siya.

Habang naglalakad ay huminto siya sa isang tindahan. "Ate, may manila paper kayo?"

Tumango ang tindera.

"Magkano, Ate?"

"Lima."

"Isa nga po." Iniabot ni Justin ang bayad niya nang iabot ng tindera ang manila paper.

"Para san naman yan?" agad na usisa ko nang maglakad-lakad kami ulit.

Ngumiti lang siya at hindi sinagot ang tanong ko.

"San tayo pupunta?"

Naglakad pa kami ng ilang mga hakbang bago siya sumagot. "Dito."

Inilibot ko ang paningin ko. May mangilan-ngilang mga tao roon at karamihan ay magjojowa. Damuhan iyon malapit sa gilid ng ilog ngunit hindi naman maalinsangan at mabaho ang simoy ng hangin. Hindi rin makalat sa paligid. Parang regular talagang nililinis iyon dahil madalas ngang puntahan ng mga tao.

"Anong ginagawa natin rito?" clueless na tanong ko.

"Magrerelax," sabi niya at inilatag ang manila paper na binili niya. "Sorry ah? Di ako nakapagdala ng blanket. Bigla ko lang kasing naisipang pumunta rito habang magkasama tayo e."

Tumango ako. Sa totoo lang ay nilalamon na ng kilig at saya ang buong pagkatao ko. "Okay lang."

Umupo na siya sa manila paper at sinenyasan akong umupo na rin sa tabi niya.

Umupo naman ako. Oo, alam kong hindi kami. Pero masama ba kung kahit ngayon lang—kahit ngayong gabi lang talaga—ay iisipin ko na mahal ko siya at mahal niya rin ako? Na may romantic relationship na namumuo sa pagitan namin. Tutal ay bihira lang itong mangyari, mabuti na siguro kung sulitin ko diba?

"Alam mo kung anong the best sa lugar na 'to?" tanong niya habang nakatingin sa'kin nang diretso.

"Ano?" balik-tanong ko naman.

Humiga siya at diretso lang ang tingin niya sa buong kalangitan. "Eto..." Nilingon niya ako, "Subukan mong humiga."

Nag-atubili man ay humiga na rin ako. Eto pala ang tinutukoy niya.

Punong-puno ng makikinang na bituin ang madilim na kalangitan. Tila ba nakikisaya sa mga taong nagmamahalan na nandoon ngayon.

"Sabi ng Mama ko dati, ito ang best way para tingnan ang mga bituin—ang humiga sa damuhan habang tinatanaw ang mga 'yan," iminuwestra niya ang buong kalangitan. "Sa ganitong puwesto mo raw kasi pinakamakikita at masisipat ang ganda ng mga bituin. Totoo naman diba?"

Napangiti ako at tumango. Pumikit ako at dinama ang masuyong haplos ng hangin na tumatama sa balat ko.

"Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo? Past 9 na pala oh," maya-maya ay sabi niya pagkatapos ng mahabang katahimikan sa pagitan namin.

"Konti pa," sabi ko naman. Ayoko pang matapos ang gabing 'to dahil simula bukas ay paniguradong balik na naman kami sa realidad—na mahal ko siya at iba ang gusto niya.

"Jamie."

"Hmm?"

Parehas kaming nakatingala pa rin sa mabituing kalangitan.

Chatmate Ko Si Crush!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon