"PARE, KANINA pa tumitingin dito si Ethel. Bakit hindi mo pinapansin?" untag ni Wryle kay Denim. Lumukso ang puso niya ng marining ang pangalan ng babae at lihim na napasulyap sa terrace nito. Nagbabasa ito ng libro at maya't maya nga itong tumitingin sa shop. Ilang araw niya itong hindi inistorbo. Naisip niya, marahil ay nakukulitan na ito sa kanya kaya binigyan niya ito ng sapat na panahon para makapagisip. Gayunman, sa kabila ng nangyari ay tao pa rin siyang marunong magdamdam.
Pero handa pa rin siyang suyuin ito. Hahanap na lang siya ng magandang pagkakataon. Kahit ilang beses siguro siyang ma-basted, sa huli'y babalikan pa rin niya ito dahil ito pa rin ang babaeng gugustuhin niya. Doon niya napatunayan na malalim ang naging pagtingin niya rito dahil hayun siya, nababaliw pa rin kakaisip ng paraan paano mapapalapit dito.
"Lapitan mo na kaya? Magkaka-stiff neck 'yan, sige ka," panakot ni Xavier sa kanya.
"Pare, noong isang araw, tuwing dadaan ako, tinatanong ka niya. Baka naman may gustong sabihin? Hindi ko lang masabi dahil mukhang bad trip ka. Ilang araw ka ng hindi nakikipagbiruan sa amin," ani Wryle.
"Sigurado ka?" pasimpleng tanong niya pero lihim siyang natuwa. Mukhang hinahanap-hanap din siya ng babae. Sa isang simpleng aksyon nito ay gayun na lamang ang ligaya niya. Ewan niya ba kung bakit pagdating kay Ethel ay nagiging mababaw siya.
"Oo. Siguro nami-miss ka na rin niya. Naks!" biro ni Wryle.
Napailing na lamang siya sa mga ito at hindi nagpahalatang sumikdo ang puso niya sa ideyang iyon. Nasabik siya at para naman hindi siya magmukhang atat sa mga ito'y nagpalipas muna siya ng sandali bago inayos ang sarili. Ilang sandali pa ay lumabas na siya.
Nagbabasa pa rin si Ethel pero halatado ang pagkainip sa mukha. Kunot na ang noo nito at nang mapatingin ito sa kanya ay lumiwanag ang mukha nito saka napatayo. Ah... ilang gabi niya bang pinangarap ang sandaling iyon? Na siya ang magiging dahilan ng pagaliwalas ng mukha nito? Gayunman, hindi siya nagpahalatang may dating iyon sa puso niya.
"Ahm... Den's..."
Wow... Den's?Ang sarap pakinggan noon! Parang matagal na sila nitong magkakilala at sanay na ito sa kanya. Labis siyang natuwa doon.
"Bakit?" seryosong tanong niya saka lumapit dito. Nayakap nito sa dibdib ang libro at tila naging alumpihit. Halatadong naapektuhan ito sa presensya niya. Bahagya na itong namumula at hindi kumportable. Hindi tuloy niya maiwasang mamangha na may kakayahan din pala siyang maapektuhan si Ethel ng ganoon. "Sabi ni Wryle, hinahanap mo raw ako. May kailangan ka ba?"
Mukhang nalito ito at pinag-ti-tripan ang libro hanggang sa marahan niyang kinuha iyon at hinagilap ang mga mata nito. Kumibot-kibot ang labi nito, dumagundong naman ang puso niya sa pananabik hanggang sa kinagat nito ang ibabang labi.
"Huwag mong kagatin 'yan sa harapan ko at iba ang tumatakbo sa isip ko." Mahinang amin niya rito dahil hindi nito alam kung gaano siya naapektuhan. Naiisip pa naman niyang siya sana ang kumakagat doon... naipilig niya ang ulo sa naisip at muling itinuon ang atensyon dito. Nilubayan nito ang labi at lalong tumindi ang pamumula nito. "Bakit mo ako hinahanap..." ulit niya sa tila napiping babae. Sa kauna-unahang pagkakataon, tila nawala ang pagiging Gabriela Silang na tapang nito at naging kimi.
"G-galit ka pa rin ba sa akin?" alanganing tanong nito.
"Tao lang naman akong nasasaktan, Ethel," amin niya rito.
"P-pasensya ka na sa nasabi ko..." nahihiyang hingi nito ng paumanhin at napayuko. Ilang beses itong huminga ng malalim na tila nagiipon ng lakas ng loob hanggang sa tinitigan siya. "Ginawan kita ng salad kaya huwag ka ng magalit..."
BINABASA MO ANG
THE PLATERO TRILOGY 1: HUNDRED RINGS OF SILVER (UNEDITED VERSION)
RomanceTHIS STORY IS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. Maraming sakit ng kalooban ang pinagdaanan ni Ethel, isang sikat na fantasy writer, kaya pinili niyang maglagay ng matayog na pader upang protektahan ang sarili. Lumayo rin siya upang makapagsi...