"Tama ba itong ginagawa ko?" ani Ethel at pilit na inaayos ang maong na tela sa isang thumb ring. Gusto niyang masubukang maglinis. Kahit mahirap iyon at masakit sa kamay ay hindi siya nagpapigil. Aba'y gusto rin naman niyang makatulong sa hanap buhay ni Denim.
Naupo ito sa tabi niya at sa pangatlong pagkakataon ay muli siya nitong tinuruan. "Ang kulit mo talaga. Hindi ka pa naman sanay, baka magpaltos ang daliri mo. At bakit mo inalis ang mask mo? Proteksyon mo 'yan sa silver dust, eh." Angal nito sa kanya.
Natawa siya sa nakitang pagaalala nito. "Hindi kasi ako makahinga. Den's... Gusto ko lang naman matuto. Sige na, please?"
Napabuntong hininga ito. "Okay. Pero huwag mong aalisin 'yan, ha?"
"Okay," malambing niyang sagot para alisin ang pagaalala nito at nagtagumpay siya. Nawala na ang gatla nito sa noo. Ito na mismo ang nagayos ng mask at kilig lang siyang nakatitig sa mga mata nito. Aba'y nakakakilig ang pagaalaga nito. Hindi rin siya nito kayang tikisin.
"Alalay lang," bilin nito sa kanya.
Tumango siya at nag-concentrate hanggang sa nagawa niya ng tama iyon. Hindi siya nito iniwanan bagkus, tinulungan na rin siya nitong naglinis. Ginamit nito ang katabi niyang makina at maya't maya rin siya nitong inaalalayan.
"Mukhang magiging expert ka na rin niyan,"
Lumobo ang puso niya sa puri nito. Nagtagumpay din siyang magpa-impress. Naks! "Expert kasi ang nagtuturo sa akin,"
"Binobola mo pa ang boyfriend mo,"
"'Humble naman ng boyfriend ko..." Kantyaw niya rito at natawa na lamang siya ng makitang bahagyang namula ang tainga nito. Halatadong nailang! Ano ba 'yan! Ang pogi talaga nito lalo. Kinikilig tuloy siya sa ka-pogian nito. "Ang swerte ko naman. Pogi ka na, humble pa." dagdag pa niya.
Tuluyan na siyang napahalakhak ng makitang kinikilig din ito. Ayaw pang pahalata pero kumikinang ang mga mata nito sa saya. Panay ang tikhim nito na tila kinokontrol din ang sarili hanggang sa tuluyan na rin itong natawa. Napapailing na lamang itong inayos ang mga natapos at dalhin iyon sa polishing room. Tinulungan niya ito at maya't maya itong tumitingin sa kanya hanggang sa natawa na siya rito.
"Ang ganda ko rin ba kahit nasa shop lang?" biro niya rito.
Napahalakhak ito at nahawa na rin siya rito. Panay lang ang makakahulugang tinginan ng mga trabahador doon pero hindi na nangahas na makialam sa lambingan nila ni Denim.
"Kahit nakasimangot ka, maganda ka pa rin... ako nga, maputi lang. Hindi naman talaga ako guwapo,"
Aysows! Ang kanyang one and only, mukhang hindi aware na super guwapo ito. Natutuwang pinagmasdan niya ito. "Bakit ka nai-insecure? Sino bang nagsabi niyan at pinaniniwalaan mo? At hindi kita nagustuhan dahil maputi ka." namamanghang saad niya.
Nagkibit-balikat lang ito. Natawa na siya sa nakikitang panliit nito at tinabihan niya ito. May side din pala itong ganoon. "Baby, para sa akin, guwapo ka at nagiisang lalaki ka lang sa paningin ko," lambing niya rito.
Sumilay ang ngiti nito sa labi hanggang sa napahalakhak ito. Lalong nahalatang kinikilig din ito sa sinabi niya. Ang saya-saya na ng awra nito. Gayunman, aminado siya sa bagay na iyon at hindi na siya nahihiyang isatinig pa.
"Hindi pa rin ako kumbinsido," anito saka napatingin sa malayo, patango-tango pa. "Parang kulang pa,"
Natawa siya sa ungot nito at dahil malakas ito sa kanya, pagbibigyan niya ito. "Ano ba ang gusto mong patunay?"
BINABASA MO ANG
THE PLATERO TRILOGY 1: HUNDRED RINGS OF SILVER (UNEDITED VERSION)
RomanceTHIS STORY IS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. Maraming sakit ng kalooban ang pinagdaanan ni Ethel, isang sikat na fantasy writer, kaya pinili niyang maglagay ng matayog na pader upang protektahan ang sarili. Lumayo rin siya upang makapagsi...