CHAPTER 8

3.1K 96 3
                                    

APPROVE NA ang sixth novel ni Ethel. Muli silang nag-celebrate ni Denim. Ito pa mismo ang nagluto at nagpakain sa buong shop. Ang sabi pa nito'y sa book signing niya ay susuportahan siya nito. Taga-masahe daw ng kamay niya kapag pagod na siyang pumirma. Tawa siya ng tawa rito. Gayunman, labis din niyang ikinasiya na ayaw nitong lumuwas siya ng magisa. Importante daw na may makasama siya.

Sa ngayon ay sinisimulan na rin ni Denim ang paghahanap ng murang supplier ng gold. Nitong huli ay hindi sila nito madalas magkita dahil lagi itong nagbibiyahe. Gayunman, lagi pa rin ito tumatawag para alamin ang kalagayan niya. Pero iba pa rin kapag nasa shop lang ito. Nami-miss na tuloy niya ito dahil tatlong araw na itong wala.

Nasa kalagitnaan na siya ng ikapitong libro niya nang magulat na lamang siya ng makarinig ng katok. Masyado kasi siyang absorbed sa sinusulat. Agad niyang binuksan iyon at tumalon ang puso niya ng makita ni Denim. Kahit hapong-hapo ang itsura nito ay guwapo pa rin. Gayunman, nagtaka siya dahil alam niyang hindi pa ito dapat umuwi.

"Ethel," anito saka siya niyakap ng mahigpit. Agad niyang tinugon iyon at lalo siyang nakadama ng kakaiba ng maramdaman ang kakaibang yakap nito sa kanya.

"Den's, bakit?"

"Ang lolo... kailangan kong pumunta ng China. Tumawag siya sa akin kaya napauwi ako agad. Kukuha lang ako ng gamit. May... malubha siyang sakit,"

Niyakap niya ito ng mahigpit para iparamdam dito na nandoon lang siya para suportahan ito. Gumanti rin ito ng yakap. Ramdam niya ang bigat sa hininga nito. "Den's, sige na. Baka mahuli ka pa," anas niya at nang makita ang malungkot nitong mukha ay natunaw ang puso niya.

"Mami-miss kita ng sobra,"

Napangiti siya at hinaplos ito sa mukha. "Ako rin naman pero alam kong kailangan ka niya. Sige na,"

Bago sila nito lumabas ay siniil siya nito ng halik. Malalim, mapaghanap. Tumugon siya ng buong puso at kapwa sila kinakapos sa hininga ng maghiwalay sila. Ilang sandali ay tinitigan nito ang mukha niya at niyakap siya ng mahigpit. Ramdam niya na doon pa lang ay nangungulila na ito sa kanya.

Ilang sandali pa ay nagtulungan silang ayusin ang gamit nito. Nagboluntaryo sina Wryle na ihatid ito sa paliparan at habang tanaw ang papalayong sasakyan ay tila nakaramdam siya ng kakaibang pangungulila. Napabuntong hininga na lamang siya.

Matuling lumipas ang mga araw, madalas naman ang komunikasyon nila ni Denim. Ramdam niya ang labis na lungkot lalo na't kailangang mag-chemo ng lolo nito. May prostate cancer ito at stage four. Wala din daw nagaasikaso sa negosyo nito sa China kaya kailangan pa nitong magtagal doon.

Nangako itong uuwi agad kapag naging maayos ang kalagayan ng matanda. Maliit lang ang pamilya ni Denim at ito na lamang ang maaari nitong asahan. Kahit matinding kalungkutan ang nadama niya ay inunawa niya ang sitwasyon at sinuportahan ito.

Matapos niyang ipadala ang ikapitong libro sa email ay nakarinig siya ng katok. Laking pagkabigla niya ng tumambad sa kanya si Denim! Kahit bahagya itong pumayat ay guwapo pa rin ito. Ah, kailan ba sila nito huling nagkita? Mahigit isang buwan na rin kaya gayun na lamang ang pagtalon ng puso niya! Halos hindi siya makahinga sa saya!

"Denim!"

Natawa ito ng yakapin niya ito ng mahigpit. Agad siyang nangunyapit sa leeg nito at umangat siya sa ere. Agad siya nitong siniil ng halik. Ah, miss na miss niya talaga ito! "Nakakainis ka! Bakit hindi ka man lang nagpasabi?" agad niyang sita ng maghiwalay ang mga labi nila.

THE PLATERO TRILOGY 1: HUNDRED RINGS OF SILVER (UNEDITED VERSION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon