Ah, ilang gabi bang pinangarap ni Ethel na muling marinig iyon? Dahan-dahan siyang nag-angat ng paningin at tumindi pa ang kabog ng puso niya ng magtama ang mga paningin nila ni Denim. Hindi ito mukhang galit pero hindi rin ito mukhang natutuwa. Seryoso itong nakatitig sa kanya habang marahang inilapag ang isang basket ng meryenda at isang malaking bungkos ng bulaklak! Halos matakpan na siya sa buong mesa!
Basket na naglalaman ng sandwich, prutas, inumin, kukutkutin! Parang picnic! Biglang-bigla, gusto na niyang lumubog sa kinaupuan! Lahat ng mga co-writers niya ay napalingon sa puwesto niya, dama niya iyon sa pheripheral vision niya. Maging ang halos lahat ng tao doon ay tila natahimik, tila nakikiramdam sa lahat ng mangyayari. Bigla siyang natensyon. Halos ikamatay na niya ang matinding presensya ni Denim.
"Mukhang pagod na pagod ka na," marahang saad nito at tulad noon, dama niya sa tono nito ang damdamin nito sa kanya. Hindi rin nito alintana kung naririnig man iyon ng mga kasamahan niya at nang mga nakapila.
"Ano bang ginagawa mo rito?" hindi makapagtimping tanong niya rito at napahagod sa noo. Natuturete na talaga siya!
"Nagpapapirma." Painosenteng sagot nito. "Hindi pa ako uuwi dahil imamasahe pa kita,"
Umugong ang tudyuhan! Pulang-pula ang mukha niya! Gusto niyang mulagatan si Denim pero hindi niya magawa! Letsugas talagang damdamin, ni hindi rin niya kayang sikmuraing ipahiya ito! "Umuwi ka na lang. Bantayan mo ang lolo mo," mahinang asik niya rito saka iniabot ang libro ng taong nasa likuran nito. Gusto niyang mapaungol sa inis dahil nagkakada-letse-letse na ang penmanship niya!
"Hihintayin kita," anas nito at inirapan niya ito. "Isang irap pa, isisigaw ko rito kung gaano kita kamahal." Seryosong saad nito.
Impit na napatili ang mga nakarinig samantalang siya ay hindi magawang makairap! Alam niyang tototohanin nito iyon kaya wala siyang ibang nagawa kundi tumango ng wala sa oras.
"Astig mo, ah. Pahingi nga n'yan," biro ni Lenon. Nakakaloko pa ang ngisi nito na tila sinasabi ng mga mata nito na alam nito kung bakit siya nagkakaganoon! Inis na ibinaba niya ang basket sa tabi at minulagatan niya ito.
"Ibabalik ko 'to,"
Natawa ito. "Astig talaga. Huwag mo ng ibalik... ikaw naman, tingin mo ba tatanggapin niya? Baka ipagsigawan niya pa rito kung gaano ka niya kamahal!" anito saka marahanag natawa. "Mukhang siya ang rason sa mga eyebags mo,"
Inis na inis na naman siya gayunman, aaminin niya kahit nakakainis ang sitwasyon ay hindi niya mapigilang sumaya dahil nakita niya si Denim. Bagaman pumayat ito ay makikita niyang maayos pa rin ito. Iyon pa rin ang mahalaga sa kanya: ang maging maayos ito sa kabila ng lahat.
Nang matapos ang lahat ay agad na lumapit si Denim sa kanya at sa kanyang pagkabigla ay bigla itong lumuhod sa harapan niya! Nataranta na naman siya! Ni wala itong busina sa nais gawin kaya ang puso niya, windang na windang! "Ano ba? Tumayo ka nga!" asik niya rito dahil hindi na rin niya maawat ang pusong natataranta sa gawi nito. Ang dami pa rin tao, hindi ito nahihiyang gawin iyon!
"Isang tanong, isang sagot, mahal mo ba ako?" seryosong tanong nito. "Ngayon pa lang, magsabi ka na ng totoo dahil kundi, ako mismo ang gagawa ng paraan para umamin ka at maniwala ka, maraming paraan para magawa ko 'yon," matatag nitong saad.
Biglang namasa ang mga mata niya at nanlata siya. Mukhang hindi niya ito mapipigilan at matatakasan kaya nanghihinang napapunas siya sa mga mata. "Denim, tama na... huwag mo ng gawing komplikado ito,"
"Basta sagutin mo ang tanong ko," seryosong saad nito at hindi pinansin ang pakiusap niya. "Tumingin ka sa mga mata ko habang sinasabi mo 'yan,"
BINABASA MO ANG
THE PLATERO TRILOGY 1: HUNDRED RINGS OF SILVER (UNEDITED VERSION)
RomanceTHIS STORY IS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. Maraming sakit ng kalooban ang pinagdaanan ni Ethel, isang sikat na fantasy writer, kaya pinili niyang maglagay ng matayog na pader upang protektahan ang sarili. Lumayo rin siya upang makapagsi...