"PARE, TAMA na 'yan. Ikaw na lang ang tao rito," awat ni Wryle kay Denim. Huling set na iyon ng mga singsing at maaari na niya iyong i-deliver. Alas nuwebe na ng gabi pero walang kaso sa kanya iyon. Kapag natapos iyon ay sisimulan niya ang panibagong order. Kahit ano basta huwag muna siyang umuwi sa bahay nila.
Halos magiisang buwan na siyang ganoon. Hangga't maaari ay iniiwasan niya ang lolo niya. Lalo nitong pinagdidiinan na tama lang na naghiwalay sila ni Ethel. Marami siyang hindi nagustuhan na ginawa nitong pakikialam sa lahat.
Naiintindihan niya ang punto nito pero dahil mahal talaga niya si Ethel ay pinaglaban niya, kesehodang magalit ang lolo niya. Asang-asa siya na matatanggap din nito ang lahat pero nanlumo siya na pagkatapos niyang ipaglaban si Ethel ay nakipaghiwalay ito sa kanya at nalaman niyang hindi naman talaga siya nito minahal. Hindi niya iyon magawang mapaniwalaan pero ng makita niya ang disgusto at kaseryosohan nito'y tuluyang nawasak ang puso niya.
Hindi siya maaaring sisihin ng kahit na sino kung bakit galit siya sa lahat ng iyon. At ang nakasasakit lalo ng kalooban niya, kahit nagagalit siya ay hindi pa rin niya magawang hindi magalala rito. Hindi pa rin humuhupa ang labis na antisipasyon niya sa tuwing mapapadaan sa unit nito. Umaasa pa rin siyang lalabas ito doon para salubungin siya mula sa trabaho. Gayunman, matagal na rin iyon hindi nangyayari.
Isang buwan na itong hindi umuuwi. Ilang beses niyang pinigilan ang sariling tawagan ito para alamin ang kalagayan. Aminado siyang mahal pa rin ito at doon niya napatunayan na hindi mabubura iyon. Marahil, sadyang ganoon kalalim iyon kaya ganoon din ang sakit sa puso niya sa ginawa nito.
"Kailangan pare," mahina niyang sagot at napakurapkurap siya. Hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siya. Hindi niya alam kung saan magsisimula. Napakahirap gawin iyon; ang bumangon tuwing umaga at maalalang wala na sila. Ang pait-pait noon sa puso niya.
Napabuntong hininga na lamang siya hanggang sa sumuko na siya sa lahat ng iyon. "Gusto ko ng makita si Ethel... nasaan na kaya siya..." nanghihinang anas niya. Kahit sandali lang basta masiguro niya ang kalagayan nito. Hindi na niya makakayanan iyon at nasisiguro niya, malapit na siyang mawala sa sarili kapag hindi pa niya ito makikita.
Tinapik ni Xavier ang balikat niya at kinuha ang huling singsing na hindi na niya magawang ilapit pa sa makinang panglinis. Kahit anong pilit niyang pagpapakatatag ay nauuwi siya sa labis na pagaalala at sakit ng dibdib.
"Pare, sasamahan kita sa biyenan ko," ani Xavier at kahit lulong siya sa sariling isipin ay nabigla pa rin siya sa narinig. Nagkandasamid-samid din si Wryle dahil sa pinasabog nito.
"Biyenan?" biglang napahalakhak si Wryle ng makabawi at pabirong binatukan si Xavier. "Putsa, hindi ka nagimbita sa kasal mo? Kelan naman 'yan? Kahapon?"
Tinitigan niya si Xavier. Namumula ang tainga nito at hindi makatingin. Tila pinipilit lang nitong magpaka-cool pero halatadong hindi ito kumportable.
"Matagal na akong may asawa," mahinang amin nito at tumikhim. "Retired NBI agent ang biyenan ko at maraming kilala 'yon. Puntahan natin sa Maynila at siguradong tutulungan niya tayong mahanap si Ethel,"
Napahalakhak si Wryle. "Pare, joke ba 'yan? Nakakatawa talaga!" anito saka hinawakan pa ang tiyan at totoong tawang-tawa ito samantalang siya ay hindi magawang pagtawanan ang ginawang pagamin ni Xavier. "Ikaw? Ikakasal? Paano mangyayari iyon? Sabi mo, hindi ka na magpapakasal kahit kailan."
"Hindi na talaga ako p'wedeng ikasal dahil kasal kami ni Lotus six years ago..." anito saka huminga ng malalim. Bigla niyang naunawaan ang personalidad nito. Ni minsan ay hindi ito nanligaw ng ibang babae. Hanggang flirt lang. Iyon pala at talagang wala na itong planong pumasok sa isang relasyon dahil nakatali na ito. "Wryle, si Denim ang kailangan nating tulungan dito at huwag mong problemahin ang love life ko,"
BINABASA MO ANG
THE PLATERO TRILOGY 1: HUNDRED RINGS OF SILVER (UNEDITED VERSION)
RomanceTHIS STORY IS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. Maraming sakit ng kalooban ang pinagdaanan ni Ethel, isang sikat na fantasy writer, kaya pinili niyang maglagay ng matayog na pader upang protektahan ang sarili. Lumayo rin siya upang makapagsi...