Nine years ago...
"Bakit pati gitara ko, sinira niyo? Ito na nga lang ang nagpapasaya sa akin dito, ganito pa ang ginawa niyo!"
Hindi na hinintay ni Lotus ang sasabihin ng ama, bitbit ang wasak na gitara ay tumakbo siya palabas ng bahay. Wala siyang pakialam kung naka-uniporme pa siya, basta ang importante ay makapaglabas siya ng sama ng loob. Hindi na niya namalayang nakarating na siya sa burol ng subdibisyon nila. Hindi pa nade-develop ang bahaging iyon. Doon ang tambayan niya kapag nagiinit ang ulo niya sa kinilalang ina.
Madalas siya nitong pagalitan kahit alam naman niyang wala siyang ginagawang kasalanan. Mainit ang dugo nito sa kanya at kapag nagrason siya, nakakatikim siya rito. Wala daw siyang galang kapag sumasagot siya. Kung tahimik lamang niyang tinatanggap ang galit nito ay nagagalit din ito. Para daw itong walang kausap. Madalas din siya nitong maliitin at insultuhin dahil sa mga nakukuha niyang grado. At bilang isang batang nasasaktan ang damdamin, minsan ay nahihirapan na siyang manahimik kaya nagrarason siyang nahihirapan sa eskwela at hindi naman siya nito natuturuan. At sa tuwing nasasabi niya iyon ay nakakatikim siya ng singhal, kurot at palo rito.
At nauunawaan niya ang lahat ng tumuntong siya sa edad na trese. Narinig niya iyon isang araw na nagtatalo ang mga magulang niya. Lagi kasi wala ang ama niya at sa tuwing wala ito ay hindi man lang ito tumatawag. Iyon ang madalas na ikagalit ng ina niya bagaman lagi naman niyang naririnig mula sa ama na dala iyon sa higpit ng trabaho nito.
Marahil, dahil sa galit ng ina ay nasabi nito ang mabigat na kasalanan ng ama niya rito; na nag-kaanak ito sa ibang babae at siya ang bunga. Mukhang ang pagsulpot niya sa mundong iyon ang naging sanhi ng lamat ng pagsasama ng mga ito. Doon niya napagtanto ang lahat ng dahilan kung bakit mabigat ang dugo sa kanya ni Lucrecia—ang kanyang kinilalang ina.
Woman-in-every-destination daw ang ama niya at isa siya sa mga naging bunga. Isa itong Deep Penetration Agent ng NBI at sa kung saan-saan ito nadedestino. May nabutis itong isang Canadian nang madestino ito sa ibang bansa. Isa daw na magaling na mangaawit ang kanyang tunay na ina sa isang tanyag na bar doon—na mukhang namana niya dahil likas din siyang mahilig sa musika—at nang matapos ang kaso ay inuwi daw siya nito.
Ang mukha niya ay may kaliitan. Mapupungay ang kanya mga mata na nateternuhan ng 'hazel eyes' na tinatawag. Maliit at matangos ang kanyang ilong. Ang kanyang labi ay may kanipisan ngunit makorte iyon. Malaking bulas din siya. At ang lahat ng katangiang iyon ay kabaligtaran sa kinilala niyang ina. Sa ama naman ay kulay lang nito ang nakuha niya kaya magpagka-tan siya.
Ayon sa kanilang mga kawaksi, yumao daw ang tunay niyang ina sa panganganak at wala itong nagawa kundi iuwi siya. Ang pagdating daw nito noong panahon iuwi siya ang matinding pagwawala ni Lucrecia. Marahil ay labis talaga nitong ikinagalit ang ginawa ng ama niya.
Kilala ng mga kaklase niya ang mga magulang niya at madalas siyang tuksuhin ampon at madalas mapa-away dahil halatadong malayo ang kanyang itsura sa mga ito. Alangan naman hayaan na lang niyang tuksuhin siya? Lumalaban talaga siya at magmula noon ay wala ng umaapi sa kanya. Inaapi na nga siya sa sariling pamamahay, papaya pa ba siyang apihin ng iba? Wala siyang ibang tagapagtanggol kundi ang sarili. Maging ang ama niya ay walang amor sa kanya bagaman ibinibigay nito ang lahat ng pangangailangan niya.
At ngayon, uuwi ito para lang sirain ang gitara niya? Ikinagalit nito ng malaman nito iyon dahil mapapabayaan daw niya ang kanyang pag-aaral. Iyon na lamang ang kakampi niya. Lalo siyang napaiyak ng makitang hindi na niya iyon maayos. Inipon niya pa ang pambili doon. Natuto siyang maggitara dahil sa driver nilang si Mang Jose. Magaling itong maggitara at nagpaturo siya rito. Marahil, dahil nasa puso niya ang musika—dahil bata pa lang ay mahilig na siyang makinig noon—ay mabilis siyang natuto.
BINABASA MO ANG
THE PLATERO TRILOGY BOOK 2: LOTUS' CHAIN BROOCH(UNEDITED VERSION)
RomanceTHIS STORY IS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. "Wala, eh, naririnig ko lang ang pangalan mo, natuturete na ako. Hindi ko alam kung ano'ng meron ka para mapasunod mo ako." Tanging si Xavier ang inaasahang kakampi at sandalan ni Lotu...