"GOOD MORNING breakfast is ready," nakangiting bati ni Almond kay Peedy nang magtungo ito sa kusina. Hotdog, ham, omelette, fried rice at coffee ang nakahanda sa hapag ng umagang iyon. Ngunit gaya ng araw-araw na pakikitungo nito sa kanya sa loob ng isang buwan ay parang balewala lang siya rito.
Umupo ito sa silya at binuksan kaagad nito ang laptop tulad ng kinagawian tuwing umaga. Ganoon rin ang ginawa niya. Umupo siya sa silyang katapat nito.
"Malapit nang matapos 'yong shop. Hinihintay ko na lang 'yong mga flowers na ma-deliver from Tagaytay. Within this week ang opening namin kapag nagkataon," masayang balita niya rito habang nagsasandok ng pagkain sa plato nito.
"E, 'di, maganda. Para naman may pagkakaabalahan ka na hindi 'yong maghapon ka lang na nandito sa bahay." pagkuwa'y sagot nito nang hindi man lang tumitingin sa kanya. Busy ito sa pagatingin ng kung ano sa laptop nito.
Tinitigan niya lang ito. Iyon na yata ang pinakamahabang sinabi nito sa kanya sa buong pagsasama nila ng isang buwan bilang mag-asawa. Kalimitan kasi ay panay "ok" lang ang sinasabi nito sa kanya. Iyon na yata ang karma niya sa ginawa niya rito. Pinaparamdam nito sa kanya na parang wala lang siya pero kahit ganoon ay iniintindi niya ito. Iyon siguro ang parusa nito sa pamimikot niya kay Peedy pero hindi siya susuko. Alam niyang darating rin ang panahon na matututunan siyang mahalin nito.
"Are you okay? Para kang nakakita ng multo." kunot-noong tanong nito sa kanya.
Ilang beses siyang napailing. "D-don't mind me. Ayos lang ako." aniya nang makabawi.
"I have to go. May early meeting pa 'ko." anito saka tumayo na. Tuloy-tuloy na itong lumabas ng kusina. Sinundan naman niya ito. Paglabas niya ng bahay ay nakasakay na ito ng kotse. Siya naman ay nagtungo sa gate at binuksan iyon. Pinaandar na nito ang kotse palabas ng bahay pero bago pa tuluyang makalabas ito ng gate ay kinawayan niya ito. Isang tango lang sinagot nito sa kanya bago tuluyan nitong pinaharurot ang kotse. Nang tuluyan nang mawala sa paningin niya ang sasakyan ng asawa ay saka niya isinara muli ang gate.
Iyon ang araw-araw niyang gingawa. Kung ibang tao lang siguro ang nasa sitwasyon niya ay ikakaburyong nito ang daily routine niya. Para siyang isang katulong na nagsisilbi sa guwapo at masungit na amo.
Pagpasok niya sa loob ng bahay ay dumiretso siya sa dining area. Nalungkot siya dahil nasayang na naman ang effort niya sa paghahanda ng breakfast sa asawa niya. Alas-singko y medya pa lang ng umaga ay gumigising na siya para maghanda ng pagkain para kay Peedy dahil alas-siyete ang pasok nito sa umaga kaso kapag humarap naman ito sa dining table ay humihigop lang ito ng kape pagkatapos niyon ay aalis na rin kaagad ito. Hindi niya alam kung hindi ba nito gusto ang luto niya o nayayamot lang ito makita siya sa umaga. Isa-isa niyang iniligpit ang mga nakahain roon. Mamaya na lang niya pagtitiyagaan na ubusin ang mga 'yon.
Nahagip ng paningin niya ang isang maliit na bag. Nakalimutan niyang ibigay ang lunch ni Peedy! Kung bakit ba naman kasi parang na-fascinate siya rito nang kausapin siya kanina nito, tuloy ay parang nawala siya sa sarili at nakalimutan niyang ibigay ang baon nitong pagkain para sa pananghalian. Hindi man siya sigurado kung kinakain nga ni Peedy ang mga pinapabaon niya rito ay nag-e-effort pa rin siyang pagbaunan ito. Naniniwala kasi siya sa kasabihang: A way to a man's heart is through the stomach. Baka dahil doon ay sakaling ma-inlove na ito sa kanya.
Naisip niyang ihatid na lang iyon sa opisina ng asawa tutal alam naman niya kung saan iyon. Maliligo muna siya bago siya gumora.
PAGPASOK ni Peedy sa opisina ay isa-isa siyang binati ng mga kasamahan niya like the usual "Good morning". Tinatanguan niya lang ang mga empleyado roon. Pagpasok niya sa opisina ay tinawagan kaagad niya ang sekretarya niyang si Dana para tanungin kung ano ang mga nakalatag na schedule sa kanya ng araw na iyon. Pagkatapos noon ay isa-isa niyang nilatag ang mga blue print ng mga kailangan niyang trabahuhin. Naagaw lang ang atensiyon niya nang may kumatok sa pintuan ng opisina niya. Nagtaka siya dahil bakit hindi man lang tumawag si Dana sa intercom niya para sabihan siya nito na may bisita siya o anuman.
BINABASA MO ANG
One And Only
Romansa"Wagas" ang pinakatamang salita para ilarawan ni Almond ang pagsinta, pagmamahal, at "pagnanasa" niya kay Peedy. Bata pa lang ay ito na ang nakikita niyang lalaki na nararapat para sa kanya. Pero taliwas iyon sa nararamdaman sa kanya ng binata. Lalo...