LIMANG taon ang mabilis na lumipas. Pagkatapos makagraduate ay sabay-sabay na nagtake ng board exam ang klase nina Yumi. At sabay-sabay ding nakapasa. They've gotten real close through the years. Block sectioning kasi ang ipinapatupad sa UST. Kaya naman hanggang sa paghahanap ng trabaho ay magkakasama at magkakatulong parin sila.
Nang hapong iyon ay napag-usapan nilang magkita-kita sa isang restaurant sa Glorietta sa Makati. Ang ilan kasi sa kanila ay mayroong job interviews malapit doon. At ang iba naman ay nagwalk-in sa mga kompanya doon.
Excited na nagtungo si Yumi sa meeting place nilang magkakaklase. Gusto na niyang ibalita sa mga ito na natanggap na siya sa trabaho sa isang architectural firm.
"Congrats, Yumi!" agad na bati sa kanya ni Dessa. "Alam ko namang isa ka sa mga unang makakahanap ng trabaho. Siyempre, isampal mo ba naman sa kanila ang certificate mo ng pagiging cum laude."
Nagtawanan ang kanyang mga kaklase sa sinabi nito. Napangiti na lang siya. Ito kasi ang unang pumuna sa ginawa niyang pag-aattach ng photocopy ng certificate niya ng pagiging cum laude sa kanyang CV o curriculum vitae na ipinapasa niya sa mga kilalang architectural firms.
"Ganoon talaga, kanya-kanyang diskarte lang 'yan."
"Congrats, Yumi!" ngayon lang niya napansing kasama pala nila si Pete. Mukhang kanina pa ito tahimik sa isang tabi. "Teka, anong firm ba 'yan? Pwede ba diyan ang isang hamak na tulad ko?"
"Hamak? Ano'ng salita 'yan, Pete?" pang-aasar ni Ricky.
"Oo nga," pagsang-ayon naman ni Dessa. "Anong hamak? Ikaw nga diyan ang ginulat kaming lahat, akalain ba naming makakalusot ka pala sa top ten ng boards?"
Nagsipagsang-ayunan din ang iba pa nilang kaklase. Nagulat talaga sila nang makitang nasa top ten ito sa nakaraang board exam. Ngayon mas napatunayan ni Yumi na matalino talaga si Pete. Tamad lang ito.
"Top ten lang naman eh. Wala yun sa top four ni Yumi," Pete just answered good-naturedly.
"Lang? Nila-lang mo ang top ten? Batukan kaya kita diyan."
"Pumasa nga ang hirap ng gawin, yun pa kayang mapasama sa top ten?"
"Oo nga naman, isipin mo out of 1,954 board takers, nasa pang sampu ka. Samantalang halos magka-bagsak-bagsak ka nga sa iba nating subjects dati eh."
"Eh kasi naman nakakatamad 'yun iba nating subjects, lalo na ang mga nonmajor na feeling major. Yung sa board exam natin ay halos puro common sense lang ang kailangan dun. Saka limang taon na nating paulit-ulit na naririnig ang mga tinanong dun. Madali lang naman ang mga 'yon," pagkatapos ay nakangiting bumaling ito sa kanya. "Diba, Yumi? Ikaw ang nagturo sa akin ng mga 'yon eh."
"Dapat pala kay Yumi na lang din ako nagpaturo. Hindi na sana ako gumastos sa review center. Libre na nga, baka nasa top ten din ako," natatawang sambit ni Ricky.
"Hindi naman ako ang dahilan kung bakit nasama sa top ten si Pete 'no," tanggi ni Yumi. "Kahit na ano pa ang ituro ko diyan," itinuro niya si Pete na ngingiti-ngiti lang sa kinauupuan nito. "Kung talagang walang laman ang utak niyan ay wala paring mangyayari, diba?"
"Wow naman, pinagtatanggol mo na ako ngayon, babe," lumapit pa sa kanya ang walang-hiyang Pete na ito.
"Heh! Nagsisimula ka nanaman eh," inirapan niya ito pati na ang mga kaklaseng nagsisimula na ding mang-asar sa kanila. "Baka gusto mong bawiin ko ang sinabi ko?"
"Oo nga pala, ayaw mo sa babe. Sige, Bituin na lang. Salamat sa pagsasabing may utak din ako kahit paano," sa paraan ng pagkakangiti nito ay hindi niya mawari kung nang-aasar ba ito o hindi.
"Tigilan mo nga 'yang pagtawag sa akin ng Bituin at umiinit ang ulo ko. Maganda pa naman ang mood ko ngayon dahil may trabaho na ako."
"Oo na, congrats uli. Dahil diyan ililibre na lang kita, ano ba ang gusto mo, Star?" Tiningnan niya ito ng masama. "Ano nanaman? Ang ganda na nga ng Star eh, diba?" bumaling ito sa kanilang mga kaklase.
"Oo nga naman, Yumi. Maganda ang Star. Pete, ilibre mo din kami."
Sa gulat niya ay mabilis pa sa alas kuwatrong pumayag ito sa suhestiyon ni Ricky. Ang nangyari tuloy ay parang naging celebration niya ang araw na iyon. At si Pete ang nagbayad ng lahat ng kinain nila.
BINABASA MO ANG
My Bright Star (COMPLETE) - Published under PHR
Roman d'amourWhen they were in college, Yumi considers Pete as the pain in the neck that never goes away. Makulit ito at may kayabangan. Granted na may karapatan naman itong magyabang dahil guwapo talaga ito at charming. And he knew quite well how to use those c...