HALOS maputol ni Yumi ang hawak na lapis dahil sa pagngingitngit. Hindi kasi niya naabutan sa faculty room ang prof niya nang nagdaang araw. Tuloy ay kinailangan niyang hintayin na lang ang oras ng klase nila para sabihin dito ang kagustuhan niyang makipagpalit ng partner.
Nakakainis talaga! Siguro kung sinabi ko kay Ma'am ang gusto kong mangyari habang wala ang Pete na iyon ay malamang na pumayag siya.
And speaking of Pete, naiinis talaga siya dito. Sa dinami-dami ng mga sinabi niya kanina ay mukhang wala man lang itong naintindihan kahit isa. Kapag bumagsak siya sa design ay ipapakulam talaga niya ito. Papapangitin niya ito. Mantakin ba naman niyang nagawa pa nitong magpa-cute sa kanya kanina? Ha! Akala naman nito ay basta-basta na lang siyang madadala ng mga pangiti-ngiti nitong ganoon.
"Yumi, relax ka lang. Baka masugat ka na o," itinuro ni Dessa ang kamay niyang mahigpit na nakahawak parin sa lapis. Naputol na nga niya iyon.
"Nakakainis!" nanggigigil na ibinato niya sa malapit na basurahan ang lapis.
Tinawanan lang siya nito. "Oo na, oo na. Tama na 'yan. Kanina ka pa tinitignan ni Pete o. Baka kung ano pa ang isipin nung tao."
Nakakunot ang noong tumingin siya sa direksyong itinuro nito. Nakita nga niya si Pete na nakatingin sa kanya. At tulad niya ay mukhang malalim din ang pagkakakunot ng noo nito. Pakialam ba niya kung gusto din nitong magkunot ng noo? Inirapan niya ito at saka inilagay na sa bag ang mga gamit na inilabas kanina.
"YUMI, I'm sorry," isang bungkos ng mga bulaklak ang bigla na lang lumitaw sa harap ni Yumi.
"Ano 'yan?"
"Bulaklak," nagpapacute na sagot ni Pete. "Para sa'yo." Pinagtaasan lang niya ito ng kilay.
"Peace offering ko. Gusto ko sanang magsorry."
"Magsorry saan?"
"Ha? Ahm, dun sa ano, sa..." napakamot ito sa batok. "Eh, Yumi, hindi ako sure eh." Bigla niya itong nilayasan pero mabilis na nakaagapay ito sa paglalakad niya. "Yumi, naman, sorry na."
"Bakit ka nagsosorry? Hindi mo nga alam kung para saan."
"Hindi kasi ako sure. All I know is that I somehow made you feel bad. Kaya ako nagsosorry sa'yo." Hindi parin niya ito pinansin. "Tanggapin mo na ito, please? Pinagtitinginan na tayo ng mga tao o."
"Bakit ba kasi may pabula-bulaklak ka pang nalalaman? Pwede namang magsorry kahit walang bulaklak," pagtataray niya.
"Sabi sa akin ng Papa ko 'wag na 'wag daw akong sasabak sa isang laban ng walang sandata."
Napatunganga si Yumi dito. Seryoso ba ito sa mga pinagsasabi nito? Lalo pa nitong inilapit sa kanyang mukha ang mga bulaklak. Wala na tuloy siyang choice kundi ang kunin iyon. "O ayan, nasa akin na ang bulaklak. Pwede ka ng umalis."
"Hindi pa pwede. Pag-uusapan pa natin ang project natin," bago pa man siya makasagot ay muli itong nagsalita. "'Wag kang mag-alala, magsisipag na ako. Sinabi sa akin ni Dessa na kaya daw ayaw mo akong kapartner ay dahil nagwo-worry ka na baka mababa ang grade na makuha natin. You don't have to worry anymore. Promise, gagawin ko talaga ang lahat para makakuha tayo ng mataas na grade. Sabihin mo lang sa akin ang gusto mo at gagawin ko."
BINABASA MO ANG
My Bright Star (COMPLETE) - Published under PHR
Storie d'amoreWhen they were in college, Yumi considers Pete as the pain in the neck that never goes away. Makulit ito at may kayabangan. Granted na may karapatan naman itong magyabang dahil guwapo talaga ito at charming. And he knew quite well how to use those c...