Title: Huli na“Mahal pagkatapos nating manood kakain tayo sa paborito mong fastfood,” nakangiti kong sabi sa asawa kong walang imik habang kandong ang anak naming tatlong taong gulang pa lang.
Namatay na ang ilaw sa loob ng sinehan kaya sa malaking screen ko na itinuon ang paningin ko. Ilang taon na rin nang huli ko siyang inilabas.
Dalawang oras lang ay natapos na ang pelikula. Buhat ang anak namin ay iginiya ko ang aking asawa palabas. Nagyeyelo sa lamig ang kamay niyang marami nang kalyo, malayong-malayo sa kamay niya noong nililigawan ko pa lang siya.
Gaya ng pangako ko ay dinala ko siya sa paborito niyang fastfood resto. Dahil buhat ko ang anak namin ay siya na ang pumila at bumili ng pagkain. Hindi ko na sinabi kung ano ang gusto ko dahil sigurado akong alam niya na ang dapat bilhin, matagal na kaming nagsasama alam niya na ang mga ayaw at gusto ko.
Tahimik niyang inilapag ang tray sa lamesa pagkatapos ay kinuha sakin ang aming anak at pinakain. Nakangiti ko silang pinagmasdan habang kumakain na rin.
Pagkatapos kumain ay naglakad kami papunta sa barandilya ng ika apat na palapag kung saan tanaw ang mataas na fountain. Tuwang-tuwa ang anak ko na pinagmamasdan ang pagtaas baba ng tubig. Nang mga sandaling 'yon akala ko ay makakabawi na ko sa aking asawa, sa mga oras na napabayaan ko siya, sa mga oras na hindi ko pinahid ang kanyang mga luha. Pero kagaya ng madalas na nangyayari ay nagkamali ako, nagkamali na naman ako.
Natulala ako nang marahan niyang pisilin ang aking kamay bago niya sadyang inihulog ang sarili. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan, niyakap ko na lang ang anak namin.
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Huli na ako, nahuli na ko.
————
Never be too late, act now!
BINABASA MO ANG
Compilation of Hearts (Flash Fiction Anthology)
Short StoryShort, sweet, bitter and sorrowful encounters Thanks to @mareialigaia for the cover :)