Pabalik-balik ako sa paglalakad sa pasilyo habang pabuga-buga ng hangin. Ikinukundisyon ko kasi ang katawan at isip.
Kailangang ihanda ko talaga ang katawan ko dahil baka bumigay ako sa gagawin ko. Baka bigla na lang akong humandusay sa lupa pagkatapos, mas lalong nakakahiya.
Ipinaling-paling ko ang leeg kasabay nang pag-uunat ng mga daliri ko sa hangin.
It's now or never. Buo ang loob na nagsimula akong maglakad. Ang ilang taong pagsunod-sunod ng tingin ko sa kanya ay matatapos na. Talagang it's now or never, kasi malapit na ang graduation niya.
Muntik ko nang sampalin ang sarili para hindi mapaatras nang makita siyang nakikipagtawanan kasama ang mga kaibigan.
"It's a perfect day to die, Claudine," bulong ko sa hangin bago nagpatuloy sa paglapit sa kanya.
Agad naman niya akong nilingon pagkatapos akong inguso ng kaibigan niya.
"Yes?" 'Yon pa lang ang sinabi niya ay parang gusto ko nang mag-collapse. Saluhin niya kaya ako kung mangyari 'yon?
"P-pwede ba kitang makausap?"
"Sure," nakangiti niyang tugon. Nagpaalam naman ang mga kaibigan niya pagkatapos marinig ang kanyang sinabi.
Magkaklase kami sa isang subject. Pero irregular ako kaya hindi kami magkasabay na magtatapos.
"This may sound weird or out of the ordinary." Nakangiti siya pero halata ang pangungunot ng kanyang noo. "Hindi dapat pero, gusto.... kita."
Napaawang ang mga labi niyang mapula pa sa labi ko habang nagtatanong ang mga matang nakatitig sa 'kin. Wala nang lumabas sa bibig ko, 'yon lang talaga ang pinaghandaan kong sabihin. Speech na hindi tapos at ngayon nga ay nilalamon na 'ko ng dead air!
Pagkatapos ng ilang saglit na pagkabigla ay marahan niya kong niyakap. Bahagya niya pang tinapik-tapik ang likod ko bago ako binulungan. "Salamat. You're one brave lady."
Sa sinabi niyang 'yon ay alam ko na ang sagot niya. Kahit nga wala siyang sabihin ay alam ko naman na talaga ang kahihitnan.
Nakatalikod na siya at naglalakad palayo nang tumulo ang mga luha sa mata ko. Hayun na ang unrequited love na inalagaan ko ng matagal na panahon. Hayun na at mas sexy pang naglalakad kaysa sa 'kin.
Naalala ko tuloy bigla kung paano niya ako inakay noong patirin ako ng walang kwenta kong ex, ilang taon na ang nakakalipas. Ganyang-ganyan siya lumakad no'n. Nadala ako ng lakad niyang mala-modelo. Naagaw ng dating niyang mala-beauty queen ang atensyon ng mga pinagtatawanan ako.
Imbes na knight in shining armor lang, ang mismong reyna ang nagligtas sa 'kin.
Bakit gano'n? Bakla siya pero mas lalaki pa siya sa ex ko. Napahawak ako sa naninikip na dibdib, habang hindi ko mapigil ang pagragasa ng aking mga luha.
'Yon nga lang bakla talaga siya at hindi ko na mababago 'yon. Kahit pa ibigay ko sa kanya ang puso ko sa loob ng isang Louis Vuitton na bag.
BINABASA MO ANG
Compilation of Hearts (Flash Fiction Anthology)
Storie breviShort, sweet, bitter and sorrowful encounters Thanks to @mareialigaia for the cover :)