Memories In The Heart

205 18 7
                                    

Nagulat ako nang makita siyang nakaupo sa sopa na nasa living room. Sa tindi nang kabang nararamdaman ko para akong aatakehin sa puso. Akala ko ay babae lang ang nakakaramdam nang ganito.

Napuno agad ng tanong ang isip ko. Bakit siya nandito? Siya ba talaga 'to?

Nakita ko siyang tumayo at lumapit kay mama na naroon din pala. Pinakita niya ang isang magazine at masaya silang nagkuwentuhan.

Naisip ko agad na buti pa siya ay nagawang normal na kausapin si mama 'di gaya nang ibang mga naging girlfriend ko. Pero teka, unang beses pa lang nilang nagkita, saka hindi ko naman siya ipinakilala. Ni hindi ko nga siya dinala rito.

Nang biglang mabilis na lumipas ang oras sa harap ko mismo. Natagpuan ko na lang ang sarili sa tabi niya at nasa labas na ng aming bahay. Wala siyang tigil sa pagkukuwento habang ang puso ko ay hindi mapakali.

Alam ko na kung ano'ng nangyayari. Pero kahit alam ko na, gusto ko siyang tanungin. Gusto ko paring malaman. Gusto ko kahit hindi ako sigurado kung totoo ang makukuha kong mga sagot.

Nang magsasalita na 'ko para magtanong ay bigla na lang akong nagising.

Natulala ako sa kisame. Oo, isa lamang 'yong panaginip. Pero bakit kahit sa panaginip ay hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataon na malaman ang mga sagot niya.

Bakit mo 'ko biglang iniwan? Bakit ka biglang nawala? May nagawa ba 'kong mali? Bakit may naging kapalit agad ako?

Bakit, Brianna?

May kung anong kirot akong naramdaman bago sa huli ay kumilos na lang para buksan ang facebook ko at napangiti nang may pait nang makitang marami ang results ng pangalan at apelyido ni Brianna. Kahit isa sa kanila ay hindi ko mamukhaan.

Papaano ko nga ba siya mamumukhaan? Kolehiyo pa lang ako nang naging girlfriend ko siya. Teenager pa lang ako nang mahalin ko ang babae sa loob ng cellphone na dalawang beses ko lang nakita sa loob ng anim na buwan.

Paano ko nga ba maaalala ang detalye nang mukha niya ngayong bente otso anyos na ako?

Compilation of Hearts (Flash Fiction Anthology)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon