Pigil ang luha ko habang isa-isang inaalis sa pagkakadikit sa pader ang mga pictures niya. Puro 'yon mga stolen shot.Stolen gaya ng puso kong ninakaw niya na lang bigla.
Inilagay ko ang halos nasa isang daang litrato sa isang kahon.
Mula sa drawer ko ay kinuha ko rin ang mga love letters na hindi ko maibigay-bigay sa kanya, kahit pa hindi ko naman totoong pangalan ang inilagay ko sa mga 'yon. Sa kahon din ang naging bagsak nila.
Bumaba ako sa hagdan at tinungo ang likod bahay namin. Tumayo ako sa tapat ng siga na ginawa ni inang para magsunog ng mga winalis niyang dahon.
Doon ko na hindi napigilang maluha. Habang inaalala at binubura ang mga bagay na nagustuhan ko sa kanya isa-isa ko ring inihahagis ang mga larawan niya sa apoy. Gaya ng papel na hawak ko ay pinupunit ko rin sa puso ko ang mga sandaling minahal ko siya. Ang mga sandaling pinangarap ko na maging sa 'kin siya. Ang mga sandaling sana hindi na lang nangyari.
"Ano'ng iniiyakan mo d'yan?"
Hindi ko pinansin ang lalaking lumapit at nagpatuloy lang sa ginagawa ko.
Nakapamulsa na siyang nakatayo sa tabi ko habang sa siga nakatuon ang mga mata. "Sinusunog mo pero iniiyakan mo naman. That's crazy," Ilang saglit siyang tumahimik bago nagsalita na naman. "Ano ba 'yang mga sinusunog mo?"
Saka ko lang napiling sumagot. "Mga bagay na may kinalaman sa isang taong minahal ko mula sa malayo."
"Crush?" matatawa-tawa niyang tanong.
"Crush ko na manhid."
Crush pa nga bang matatawag kung nasa taon na ang nararamdaman ko sa kanya?
"Kaya kinukulam mo na lang siya?" biro pa niya.
"Hindi. Kinakalimutan."
Umiling siya. "Marami pang iba d'yan. 'Di mo kailangang iyakan kung sino man 'to." Bahagya siyang umupo at mula sa gilid ay dinampot ang isang larawan na hindi pa masyadong nasusunog. Ilang segundo niyang tinitigan ang hawak bago takang lumingon sa 'kin. "Picture ko 'to ha?"
"Picture mo nga."
BINABASA MO ANG
Compilation of Hearts (Flash Fiction Anthology)
Historia CortaShort, sweet, bitter and sorrowful encounters Thanks to @mareialigaia for the cover :)