Part 12

22 2 0
                                    

Ewan, pero parang nakita ko na siya, hindi ko lang alam kung saan at kailan. Pero sigurado akong minsan na kaming nagkita.

Matagal na siyang nakalabas ng office namin, pero hanggang ngayon hindi pa rin siya mawala-wala sa isip ko...may sa mangkukulam ata ang Lhei na 'yon.

"Anton, maiwan na kita at may klase na ako." Akala ko kanina pa nakaalis ang lalaking ito. Isang tipid na ngiti at tango lamang ang itinugon ko sa kaniya habang siya naman ay isang nakalolokong ngiti ang isinukli sa akin.

"Huwag mong isipin 'yon, mahal ka niya," ani pa ni Miko bago tuluyang lumabas.

Pagkalabas niya ay siya namang pag-ring ng cellphone ko. "Ba't napatawag ka, ate?"

"Huwag kang male-late ng uwi, dito magdi-dinner sa bahay ang mang kuya mo." Ang weird, pero ramdam ko sa mga boses ni ate ang saya nang ibalita niya sa akin ang bagay na iyon. At tulad niya, pakiramdam ko ay tila tumalon ang puso ko sa galak dahil sa kaniyang ibinalita. Parang ngayon pa lang ay gusto ko nang umuwi kaagad para maghanda. Ewan, naguguluhan ako sa pagbabagong nararamdaman ko sa sarili ko, siguro masaya lang ako para kay ate...

"Gusto mo, umuwi na ako agad?"

"Baliw ka ba? Hindi ka na nga naka-attend sa isang klase mo kanina dahil na-late ka ng gising, tapos gusto mo naman ngayon na umuwi nang maaga. Huwag ka na lang kayang mag-aral?"

Hay...ang dami na namang sinabi ni ate.

"Sabi ko nga po."

"Asahan kita mamaya. Siya nga pala, may pinapakisuyo si kuya Ken mo. Baka p'wede na isabay mo na raw sa pag-uwi si Kaely para hindi na raw niya daanan ito sa bahay nila tutal ay sa iisang school lang naman daw kayo nag-aaral.

Woah! Parang gusto kong magdiwang sa sinabi ni ate; ako at si Kaely, sabay uuwi sa bahay namin? With that idea, pakiramdam ko ay magpapakilala ako ng girlfriend sa bahay.

"Karl, nandiyan ka pa ba?"

Bigla akong nagising mula sa panaginip...wrong timing din si ate. "Opo!"

"Inform kita mamaya kung saan mo susunduin si Kaely."

Hindi ba p'wedeng ngayon na? Gusto ko sanang isatinig, pero alam kong 'di maaari.

"Okay po," tipid kong sagot upang 'di mahalata ni ate na tila may sirkus sa buong sistema ko.

"Bye Karl, see you later." And she ended our conversation.

Hindi ko alam, pero pakiramdam ko ay lumaklak ako ng isang-katerbang energy drink dahil sa labis na galak na naghahari ngayon sa puso ko. Excited na talaga ako para mamaya.

Isang oras ang matulin na lumipas, pero pakiramdam ko ay isang linggo na ang nagdaan. Naiinip na talaga ako, ewan, pero 'di na talaga ako mapakali. Bakit ang tagal namang mag-text ni ate. Saka isa pa, gusto ko na ring makita si Kaely.

Tutal ay vacant ko naman, at mamaya pa ang klase ko ay mag-iikot muna ako sa campus, baka sakaling makasalubong ko si Kaely sa daan. Alam kong medyo imposible, pero umaasa ako na magkakasalubong kami sa labas.

Tutal ang CoEd building ang pinakamalapit sa kinaroroonan ko ngayon ay dito muna ako mag-iikot. Habang naglalakad ako papasok sa loob ng building ay naulinlingan kong nag-uusap ang isang grupo ng kababaihan na nauuna sa akin.

"Kailan ka ba susunduin ni kuya Kenshin?" Narinig kong wika ng isa sa kanila. Ewan, pero bigla akong kinabahan.

"Oo nga, miss na namin ang kuya mo...para naman ma-inspire kaming mag-aral," wika pa ng isa sa kanila.

"Naku, busy siya ngayon sa project niya kaya malamang sa matatagalan pa bago ninyo masilayan ang mahal kong kapatid," tugon nito sa winika ng mga kasama.

Dala ng kuryosidad ay binilisan ko ang lakad ko upang masilayan ko ang itsura ng mga ito, pakiramdam ko kasi, isa sa kanila si Kealy. 'Yon nga lang hindi ko inaasahan ang paghinto nang isa sa kanila kaya hindi sinasadyang mabangga ko siya.

"Pasensiya na."

"Okay lang. Pasensiya na rin." Nakayuko niyang tugon.

"Sigurado ka ba?" Nag-aalilangan kong tanong. Pero 'di pa rin siya nagtataas ng tingin. Hindi ko alam kung may mali ba sa akin at hindi siya makatingin.

"'Di ba, ikaw si Anton?" Mayamaya'y tanong ng isa sa kanila.

Ayoko man sanang sagutin ang tanong niya ay napilitan na rin akong tugunin iyo. "Ako nga."

Kita ko sa kaniyang mukha ang bahagyang pamumula. Mga babae nga naman.

"Lhei, tinatanong ka ni Anton..." Sabay hila nito sa blouse nang tinawag na Lhei.

"Ang kulit sabi nang okay lang ako." At nagmartsa na siya palayo dahil sa inis sa kaniyang mga kasama. Takot ba sa tao ang isang iyon? Teka, parang pamilyar 'yong suot niya--siya rin ba 'yong Lhei kanina?

"Pasensiya ka na Anton, aloof talaga sa tao ang isang iyon. Siya mauna na kami sa klase namin."

Gusto ko sanang habulin siya dahil may nais akong malaman, pero para saan pa? Hindi ko alam pero iba ang kutob ko.

Imbis na ituloy ko ang unang plano ay mas pinili ko na lamang na bumalik sa quarters namin, hindi ko alam, pero pakiramdam ko tapos na ang paghahanap ko kahit 'di ko naman talaga nakita ang hinahanap ko.

Not a Typical StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon