HABANG pinapakinggan ni Kate ang pumuputok na popcorn sa microwave ay tumunog ang cell phone niya. Wala siyang taping nang araw na iyon. Binasa niya ang text message. Hindi naka-register ang numero niyon sa Phonebook niya.
Hello, beautiful princess! I'm coming right over in your house. Wala kang pasok ngayon, right? Wait for me. 'Got your number from Flynn. –Chris Drew
Natutop niya ang bibig. Pagkatapos niyang i-save ang number nito at mag-reply dito ng "Okay. Ingat." ay dali-dali siyang pumanhik sa kuwarto. Nagpalit siya nang mas presentableng damit pero pambahay. Tinitigan niya ang mukha sa salamin. Napangiwi siya. Medyo malaki ang taghiyawat niya sa ilong! Nainis siya. Para tuloy siyang si Rudolph, The Red-Nosed Reindeer. Baka pagtawanan siya ni Chris Drew. Kaya nagpulbo siya at naglagay ng lip gloss sa mga labi. Itinali rin niya ang kanyang buhok. Maayos na ang hitsura niya. Mukha na siyang tao.
Napakunot ang noo niya. Teka, kailan pa ako na-conscious sa harap ni Chris Drew?
Ayos lang 'yan, Kate. Gusto mo kasi siya kaya normal lang na magpaganda ka. Hindi por que nagagandahan siya sa 'yo ay hindi ka na magpapaganda, right? katwiran ng maliit na tinig sa isip niya. Sinang-ayunan niya iyon. Napangiti siya. Bumaba na siya sa kuwarto at pinatay ang microwave nang tumigil na sa pagputok ang popcorn.
Eksaktong tumunog ang doorbell. Bumilis ang tibok niya. Ah, Chris Drew's effect on her. Hindi pa man niya ito nakikita ay ganoon na ang reaksiyon ng katawan niya. Pinagbuksan niya ito ng pinto. Nagulat siya nang tumambad sa mukha niya ang dalawang malaking bag na bumulaga sa kanya.
Bahagyang ibinaba ni Chris Drew ang pagkakahawak sa dalawang bag kaya nasilayan na niya ang magandang ngiti nito. Ang guwapo talaga nito. Mula nang aminin niya sa sarili na may gusto na siya rito ay palagi na niya itong nami-miss. Palagi niyang hinahanap-hanap ang ngiti at tawa nito. Nakokompleto ang araw niya tuwing nakikita ito. Ito rin ang laman ng kanyang panaginip. Oras na malaman ni Morisette, Hinata, at ng parents niya na may gusto na siya kay Chris Drew ay matutuwa nang husto ang mga ito, lalung-lalo na ang kanyang ina na botong-boto sa binata.
"Hi!" magiliw na bati nito. "Kompleto na naman ang araw ko dahil nakita na kita, Kate."
Kinilig siya pero hindi niya ipinahalata. Minsan ay naisip niya na baka may gusto rin ito sa kanya dahil hindi ito nahihiyang magsabi nang ganoon sa kanya. Subalit pinigil niya ang sarili. Baka sweet, malambing, at mabait lang talaga ito sa kahit sino. Sa ngayon ay e-enjoy-in muna niya iyon. Ako rin. "Hello. Ano'ng mga 'yan?" tanong niya at inginuso ang dalawang bag.
"Before I answer that, puwede bang papasukin mo muna ako? Nabibigatan na kasi ako."
"Sorry." Hay naku, Kate! Nakita mo lang si Chris Drew, natutuliro ka na. Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto at pinapasok ito. Dere-deretso ito sa kusina at inilapag sa mesa ang dalawang bag. Sinundan niya ito.
"Whew!" hingal na hingal na saad nito. He looked at her. "Aba, aba! Ang laki ng pimple mo sa ilong, ah. Ganyan ba kalaki ang pagmamahal mo sa akin?"
Napasimangot siya. Sinasabi na nga ba niya. "Tse!"
Tumawa ito. "Sandali at may kukunin uli ako sa kotse." Lumabas ito. Pagbalik nito ay may dala-dala na itong bungkos ng pulang rosas at isang box ng assorted cupcakes. "Red roses and cupcakes for you."
She smiled. Inabot niya iyon. "Thank you." Hindi iyon ang unang beses na binigyan siya nito ng bulaklak. Palagi itong may regalo sa kanya. Para nga siyang nililigawan nito. Inamoy niya ang mga rosas. Napakabango niyon.
"Ano'ng laman ng dalawang bag na 'yan?" muling tanong niya nang mailagay niya sa plorera ang mga bulaklak.
"Groceries 'yan. Ipinag-grocery kita. Special delivery." He winked at her. "Para hindi naman pulos instant ang kinakain mo."
BINABASA MO ANG
LOVING CHRIS DREW ✔
RomanceKate's ultimate dream is to become a VJ in My Music Channel or MMC, ang pinakasikat at pinakamalaking music channel sa Pilipinas. At nang mabigyan ng pagkakataon ay sinunggaban na niya. Pero may isang malaking catch. Kailangan niya munang interview...