DUMIRETSO sina Clay at Ariana sa parking lot. Hindi na muling nagtanong si Ariana kung saan siya dadalhin nito. May tiwala siya kay Clay. At sa totoo lang ay sasama siya dito kahit saang lupalop ng mundo. Pero nang mapansin niyang pauwi sa kanilang condo ang tinatahak na daan ng kotse ay nagtaka na siya.
"Uuwi na tayo?" hindi napigilang itanong ni Ariana.
"Sabi mo meron pang meatball cupcake sa bahay," parang batang sagot nito.
Natawa na si Ariana. "Meron pa nga. Marami pa actually."
"Good."
Biglang nakaramdam ng excitement si Ariana. Hindi na siya makapaghintay na ipatikim dito ang kanyang bagong recipe. Kaya pagkapasok na pagkapasok nila sa kanilang condo ay dumiretso agad siya sa kusina. Nakasunod naman agad si Clay.
"Maupo ka lang diyan, Clay," utos ni Ariana habang inilalabas ang mga meatball cupcakes. Kumuha siya ng isa at maingat na inalis ang cupcake liner.
Lumapit si Ariana kay Clay at iniumang ang cupcake sa bibig nito. Tinitigan muna siya nito bago dahan-dahang ibinuka ang bibig para kumagat sa meatball cupcake. Sa pangalawang kagat ay hinawakan na ni Clay ang kamay ni Ariana. Ang mga labi nito ay bahagyang dumampi sa kanyang mga daliri. Sa pangatlong kagat ay isinubo na ni Clay ang lahat ng natitirang meatball kasama ang dalawang daliri ni Ariana.
Napalunok si Ariana nang maramdaman ang mabining pagkagat ni Clay sa kanyang daliri. Pagkatapos ay dinilaan pa nito ang mashed potato na naiwan sa kanyang daliri.
"Masarap."
"Ahm, g-gusto mo pa ba?" halos pabulong na tanong ni Ariana.
"Hmm," tanging sagot ni Clay saka hinila pababa ang kanyang kamay para mapayuko siya at magkapantay ang kanilang mga mukha.
Hindi malaman ni Ariana kung ano ang dapat isipin o maramdaman. Pakiramdam niya ay hindi na niya kilala ang sarili niya. "Clay?"
"You're beautiful, Ariana," masuyong wika nito.
Parang nanuyo ang mga labi ni Ariana kaya dinilaan niya iyon. Napansin niyang agad na lumipad sa kanyang mga labi ang mga mata ni Clay. Tumikhim siya. "T-thank you."
"Hindi ko pinagsisisihang blinackmail kita para magpakasal sa akin."
"Hindi mo ako blinackmail." Nang tumaas ang isang kilay ni Clay ay idinugtong niya.
"Kung talagang ayaw kong magpakasal sa'yo, iisip at iisip ako ng paraan para hindi iyon matuloy."
"'Yan ba ang paraan mo ng pagsasabing ginusto mong magpakasal sa akin?" nananantyang tanong ni Clay.
Tipid na napangiti si Ariana. "Let's just say I wasn't completely against marrying you."
BINABASA MO ANG
The Bouquet Ladies 2: Conquering Ariana's Taste (COMPLETE) - Published under PHR
RomanceBuong buhay ni Ariana ay pinaghahandaan niya ang araw na ipapasa na sa kanya ng papa niya ang pamamahala sa Ariana's Taste. Kaya naman napakasaya niya nang sa wakas ay mangyari din iyon kahit pa temporary lang. Ngunit dahil sa isang maling business...