CHAPTER TWO

9.3K 152 1
                                    

ARAW ng quiz bee. Mas mabilis pa sa takbo ng tren ang tibok ng puso ni Cassandra habang nakatayo sa gilid ng stage. Apat silang contestants na galing sa iba't ibang year level na maglalaban-laban. Maingay na ang buong gym. Maraming estudyante ang nanonood. Iyon kasi ang pinakahihintay ng lahat.

Nakaupo si Fatima sa front row at kuntodo rin ang pagchi-cheer. Natutuwa si Cassandra sa moral support na ibinibigay ng pinsan dahil ito pa mismo ang nagbibigay ng pagkain sa kanya at halos dala na yata ang buong first year level para mag-cheer sa kanya.

Medyo nanlalamig siya dahil sa kaba, pero mainit ang kanyang pakiramdam dahil sa pagchi-cheer ng mga schoolmate niya. Ilang ulit siyang huminga nang malalim para kalmahin ang sarili. Sa ilang saglit, magsisimula na ang quiz bee.

Nang magsimula iyon, lalong umingay ang gym. Lamang si Cassandra nang fifty points sa mga kalaban. Ten points ang score kada tanong at limang sunod-sunod na tanong na ang nasasagot niya nang tama. Okay na sana siya, kalmado na kung hindi lang sana niya inilibot ang paningin at nakita si Gideon sa front row seat. Nanonood din pala ang binata. At kung tama ang hinala niya, sa kanya ito nakatitig. Imposibleng sa katabi niya dahil lalaki ang representative ng year level ni Gideon.

Ganoon na lang ang gulat ni Cassandra nang biglang ngumiti si Gideon sa kanya. Bigla siyang nawala sa huwisyo. Naalala niya noong napagtripan siya nito noong Sabado. Buwisit! Buwisit! Gusto niyang mainis sa sarili. Hindi pa rin kasi siya nakaka-recover sa kahihiyang kinasangkutan.

Sa sobrang kaba at panginginig, bigla na lang niyang nadiinan ang buzzer.

"Yes, Cassandra?" tanong ng host.

Biglang tumahimik ang buong paligid. Lahat ng mga mata ay nakatingin sa kanya, hinihintay siyang magsalita. Pero ano ang sasabihin niya?

Pakiramdam ni Cassandra, nawalan siya ng pandama. Pati ang dila niya, naumid. Ano ba ang nangyayari? May tanong ba ang host?

"Ahm... Err—"

Biglang tumunog ang timer.

"Oops, sorry Cassandra— Yes, Lenard?" sabi ng host.

"Germany," sagot ng representative ng second year.

"Germany is correct. Fifty points for second year," sabi ng host. "Pantay na ang scores ng first and second year. For the last question..."

Gusto nang lumubog ni Cassandra sa kinatatayuan. Napahiya siya sa harap ng ibang mga estudyante ng Carolus dahil sa pagiging absentminded. At iyon ay dahil sa isang lalaki.

She mentally shook her head. She had to be more focused. Tie-breaker na ang question. Kailangan niyang masagot iyon. Kung hindi, mangangamote ang year level nila sa Intramurals.

Nagsalita na uli ang host. "Question. Listen carefully, contestants. What do you call the ten-year war between the Greeks and Trojans that was brought on by the abduction of Helen by Paris—"

Mabilis niyang pinindot ang buzzer.

"Yes, Cassandra?"

"The Trojan War," puno ng kompiyansang sagot niya.

Nanaig saglit ang katahimikan.

"The Trojan War... is correct!" anunsiyo ng host. Marami pa itong sinabi, pero hindi na iyon masyadong naintindihan ni Cassandra dahil sa ingay ng audience. Nagtatalunan na ang ibang mga estudyante sa tuwa.

Ngiting-ngiti lang siya habang inililibot ang paningin sa paligid. Pero nawala ang kanyang ngiti nang magawi ang tingin sa puwesto ni Gideon. Wala na ang binata sa upuan.

CASEY'S SECRET RECIPE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon