NAGPUPUYOS ang kalooban ni Cassandra habang naglalakad pauwi. Mabibilis ang hakbang niya. Alam niyang nasa bahay si Fatima. Nandoon ang pinsan bago siya umalis at alam niyang walang lakad. Kaya naman pala magiliw ang ngisi nito nang sabihin niyang willing siyang makipag-arrange ng appointment sa may-ari ng café. At kaya pala hindi rin binanggit sa kanya ni Fatima ang pangalan ng may-ari. Mr. Reyes lang ang sinabi. Hindi naman niya naisip na si Gideon iyon. For Pete's sake! Ang daming Mr. Reyes sa Maynila! If she only knew.
Ano? Aatras ka? Then what? Aaminin mo sa sarili mo na in love ka pa rin sa kanya?
Itinatanggi ko ba?
Bumuntong-hininga siya. Nababaliw na siya. Pati sa sarili, nakikipag-away na siya. Dapat yata nag-stay na lang siya sa Canada at doon nagpatayo ng café. Tahimik pa sana ang buhay niya.
Tahimik daw, eh, hindi ka nga mapakali dahil laging siya ang iniisip mo.
"Kailan ka ba tatahimik?!" malakas na sigaw ni Cassandra. Napansin niya ang mga taong huminto sa paglalakad at napatingin sa kanya. Ngumisi siya sa mga ito at nakayuko na naglakad nang mabilis.
Pagdating sa bahay, naabutan ni Cassandra ang pinsan na prenteng nakaupo sa couch habang nanonood ng TV.
"O, kumusta? Nandiyan ka na pala," bale-walang bati ni Fatima na saglit lang siyang sinulyapan, pagkatapos ay ibinalik uli ang atensiyon sa TV.
"Walanghiya ka!" Hindi na napigilan ni Cassandra ang galit at sinunggaban at sinabunutan ang pinsan.
"Ano ba, Casey!" Mabilis na tumayo si Fatima at naiwasan siya. Tumakbo ito sa likod ng couch.
"Walanghiya ka, Fatima. Hindi mo sinabi sa 'kin na si Gideon pala 'yon! Sinadya mo talagang magkita kami!"
Sinugod niya ito. Sumampa siya sa couch para sunggaban si Fatima, na mabilis pa ring nakaiwas at tumakbo palayo sa kanya.
"Gaga! Hindi ka naman kasi nagtatanong," katwiran nito habang tumatakbo.
"Maiisip ko ba 'yon? Ang daming Reyes sa mundo!" Sinundan ni Cassandra sa dining ang pinsan. Nasa magkabilang dulo sila ng mesa at sinasalubong niya ang bawat pagtatangka nitong humakbang.
"Saka ano naman kung siya 'yong may-ari n'on? Hindi ba, pabor iyon sa 'yo dahil malaki ang makukuha mong discount?"
"Wala akong pakialam sa discount. Ayoko siyang makita!"
Patuloy ang pagtatangka ni Fatima na tumakas. Patuloy rin ang pagtatangka ni Cassandra na salubungin ito.
"Kaya ba nandito ka sa Pilipinas?"
Natigilan siya. Ipinipilit na naman nito ang sinasabi sa kanya na si Gideon ang dahilan kung bakit siya bumalik sa Pilipinas.
Nakatakas si Fatima. Hinabol niya ito hanggang sa ma-corner sa sulok ng sala.
"Hindi siya ang dahilan kung bakit ako bumalik dito. Wala na 'kong pakialam sa kanya!"
"Eh, kung gano'n, bakit ka nagkakaganyan? Bakit apektado ka pa rin sa kanya?" takot na takot na tanong nito.
Binitiwan ni Cassandra ang mga balikat ni Fatima. Napayuko siya. "Naaalala ko 'yong kahihiyan ko. Nahihiya akong harapin siya dahil sa nangyari," sabi niya sa malungkot na boses. Hanggang maaari, ayaw na niyang maalala pa ang kahihiyan na kinasangkutan mahigit sampung taon na ang nakararaan.
Hinawakan siya ni Fatima sa balikat. Nag-angat siya ng tingin. "Hindi ka makaka-get over diyan kung hindi mo 'yan haharapin. Sampung taon na ang nakalipas. Bakit hindi na lang uli kayo magsimula ng panibago kahit bilang magkaibigan lang?"
BINABASA MO ANG
CASEY'S SECRET RECIPE (COMPLETED)
Romance"Stop begging me to let you go. Because that's the last thing I'd do." Pagkalipas ng sampung taon, bumalik si Casey sa Pilipinas sa pag-aakalang nalimutan na ng lahat ang kanyang madilim na nakaraan. Pero nagkamali siya. Dahil hindi pa man siya nagt...