CHAPTER NINE

6.1K 98 0
                                    

HINDI magawang alisin ni Gideon ang paningin kay Casey. It was their JS Prom. Si Casey ang date niya. Niyaya niya ang dalaga dahil iyon na ang pagkakataon niya para sabihin ang nararamdaman. Halos tatlong taon niyang itinago iyon kay Casey at tatlong taon din siyang nagpakatorpe. Pero ngayon, sisiguruhin niya na masasabi na niya ang nararamdaman. Masasabi na niyang—

"I love you, Cassandra!" bulalas ni Gideon. Hindi niya namalayan na nandoon na pala si Casey sa likuran niya. Laking gulat na lang niya nang tawagin siya ng dalaga.

"A-ano? A-anong sinabi mo? Pakiulit?" tila tulalang wika ni Casey sa kanya.

Natigilan siya. Paano na? Nasabi na niya. Dinig na dinig nito ang sinabi niya. Kailangan na lang niyang ulitin.

O, ano na, dude? Sabihin mo na. 'Ayan na! Go!

"W-wala. Ang sabi ko pumasok na tayo sa loob dahil malamok dito." Kunwari lang tinampal niya ang braso dahil kinagat siya ng lamok kahit na malabo iyon dahil naka-long sleeves siya.

Pinauna niyang maglakad si Casey para hindi nito makita kung gaano siya kadismayo sa sarili. Nandoon na, uulitin na lang niya iyong sinabi niya, hindi pa niya ginawa. Sinayang na naman niya iyong pagkakataon. Natampal na lang niya ang noo sa pagkadismaya.

Napatitig si Gideon kay Casey na nauuna sa paglalakad. Bakit tingin niya ay bumagsak ang balikat nito? At bakit pakiramdam niya, habang naglalakad si Casey, parang palayo na rin ito nang palayo sa kanya? Hindi niya inakalang ang magiging sagot pala ay noon din mismo pagpasok nila sa loob ng function room.

Naabutan nilang nagsasalita na ang emcee at idinedeklara na ang King and Queen of Hearts. Kinakabahan si Gideon. Gusto sana niyang si Casey ang maka-partner niya. Hindi pa niya isinasayaw si Casey. He wanted to be her last dance. Kaya iyong pina-practice niya sa labas ay iyong sasabihin niya kapag kasayaw na niya ito. Pero mukhang mapapaaga iyon dahil idineklara silang dalawa ni Casey na King and Queen of Hearts. Iyon na ang hudyat niya. Iyon na ang pagkakataon niya para sabihin ang nararamdaman. Do or die. Final game. His time was running out. Kung anuman ang kahinatnan n'on, kung matalo man siya sa laban, at least lumaban siya kahit sa last minute. Handa na siya. Sasabihin na niya ang tunay na nararamdaman. Uulitin lang niya ang sinabi niya kanina. Madali lang iyon. Gagawin na niya iyon.

Iginiya ni Gideon si Casey sa gitna ng dance floor at hinintay ang pagsisimula ng intro. Humugot siya ng malalim na hininga. At nang magsisimula na siyang magsalita ay bigla naman silang nakarinig ng feedback mula sa mic. Napalingon siya sa stage. Nakatayo doon si Kristine. Ano na naman ang eksena ng isang ito? Sinisira na naman nito ang diskarte niya tulad noong mga nakaraang taon.

"Ladies and gentlemen, may I have your attention please..." Natigil ang background music pati ang lahat ng tao ay tumahimik. "Iyang babaeng 'yan ay isang ipokrita!" Itinuro ni Kristine si Casey na kasalukuyan pa rin niyang hawak ang kamay.

Naglingunan ang mga tao kay Casey. Napalingon na rin siya. Ano ang naging atraso nito kay Kristine? Magsasalita sana siya para ipagtanggol ang dalaga pero nagpatuloy sa pagsasalita si Kristine.

"Nagpapanggap siyang best friend kay Gideon pero ang totoo ay matagal na siyang may gusto sa 'best friend' niya."

Ano daw?

"Gideon and everyone, you should see this!"

Isang pahina ng notebook ang naka-flash sa reflection ng projector sa white wall. Nakasulat doon ang pangalan niya, may animated image pa ng mukha niya. Halatang drawing ng isang babae. At kilala niya ang handwriting na iyon. Kay Casey!

Napasinghap na lang si Gideon sa nakita. Kung ganoon ay may gusto rin pala sa kanya si Casey? All along the feeling was mutual. Nagsasayang lang pala siya ng oras sa katorpehan niya. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Parang naninikip ang dibdib niya dahil parang may kung ano sa loob na gustong sumabog. Gustong sumabog ng dibdib niya sa sobrang kasiyahan. Gusto rin siya ni Casey. Mahal din siya ni Casey!

Pero teka, kailangan muna niya iyon kompirmahin sa dalaga.

"Totoo ba 'yon?" tanong niya kay Casey. Lihim niyang ipinagdarasal na sana ay totoo nga ang sinabi ni Kristine. Siya na ang magiging pinakamasayang lalaki at King of Hearts sa lahat ng JS Prom sa history.

Nag-angat ng tingin si Casey sa kanya. Medyo namumutla na. Bakit?

Kung alam lang ni Casey. Labis siyang natutuwa dahil mahal din pala siya ng babaeng mahal niya. Hindi na niya napigilan ang napangiti. Ganoon pala ang pakiramdam ng lalaking sasagutin ng nililigawan. Parang nasa alapaap.

Matipid lang na tumango si Casey. Pero sapat na iyong sagot para yakapin niya ang dalaga at sabihing mahal na mahal niya ito. Pero hindi siya binigyan ng pagkakataon. Dahil mabilis na itong tumalikod at sa isang iglap ay palabas na ng venue.

"Go ahead. Run, Cinderella. Run! The clock strikes twelve!" bulalas ni Kristine sa mic habang tumatawa.

Tama. Si Cinderella. Tapos na ang pagpapanggap nila. At hindi tulad ni Prince Charming, hindi niya hahayaang basta na lang itong umalis.

"Where are you going, Gideon? Susundan mo ang ipokritang iyon?" tanong ni Kristine sa kanya.

Natigilan siya at nilingon ang babae. "Tama ka, Kristine. Tapos na ang pagpapanggap ni Cinderella. Tapos na rin ang pagpapanggap ni Prince Charming. Dahil ang totoo, nagpanggap lang din akong best friend ni Casey dahil matagal na akong may gusto sa kanya." Pagkatapos ay malalaki ang mga hakbang na sinundan niya ang tinahak na daan ni Casey. Narinig pa niya ang pag-cheer ng teammates at iba niyang mga kaklase.

Napakagaan ng loob ni Gideon. Pakiramdam niya ay lumilipad siya. Lumulutang sa ere. Mahal din siya ni Casey.

Mahal din ako ni Casey! Mahal din niya 'ko!

Pero hindi niya inakalang iyon na pala ang huli nilang pagkikita. Dahil pagdating niya sa bahay nito, sinabi ng ama ni Fatima na tulog na raw ang dalaga.

Kinabukasan ay binalikan niya si Casey. Hindi na siya magpapalagpas ng kahit isang pagkakataon para masabi ang nararamdaman. Pero sabi ni Fatima ay hindi pa rin daw lumalabas ng kwarto si Casey. Wala rin daw itong kinakausap na kahit sino. Naghintay siya hanggang sa dumating ang Lunes. Tiyak na lalabas na ng kwarto si Casey dahil papasok ito sa school.

Pero bigo si Gideon. Hindi na pumasok pa si Casey. Nabalitaan na lang niya kay Fatima na umalis na si Casey patungong Canada. Hindi na nito tinapos ang school year na iyon.

Laking panghihinayang niya. Kung alam lang niya na iyon na ang huli nilang pagkikita, sana mas pinairal na niya ang kakapalan ng mukha.

Kaya mula nang malaman ni Gideon na bumalik na si Casey, palagi na siyang nakadikit sa dalaga. Madalas siyang mag-undertime sa opisina para lang mapuntahan si Casey sa café. Gusto niyang nakikita ito araw-araw. Gusto niyang nasisilayan palagi ang ngiti nito. Kung puwede nga lang ay huwag na siyang humiwalay rito. At isang paraan lang ang dapat gawin para mangyari iyon. Bukas na bukas ay sasabihin na niya rito ang nararamdaman niya at yayayain na itong magpakasal para hindi na ito makawala pa sa kanya.

Napangiti siya. Napatingin siya ng cell phone niya nang biglang mag-ring iyon. Sinagot niya ang tawag.

"Fatima?"

CASEY'S SECRET RECIPE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon