CHAPTER EIGHT

6.6K 112 0
                                    

MARIING nakatitig si Gideon sa cell phone niya. Kani-kanina lang ay kausap niya ang babaeng pinakamamahal niya.

Ipinatong niya ang cell phone sa bedside table at mula sa drawer ay kinuha ang isang maliit na kahita.

"This is it. I've been waiting for so long for this moment. Bukas na bukas, sa opening ng Casey Café, mapapasakanya ka na. At mapapasakin na siya," pagkausap ni Gideon sa kahitang hawak.

Napangiti siya nang maalala ang hitsura ni Casey. After ten years, wala pa rin itong ipinagbago. She was as charming as ever. Parang hindi lumipas ang mahabang taon na hindi sila nagkikita. Ang mahabang taon na hinintay niya ang dalaga.

Napatingin siya sa trophy sa estante. Iyon iyong naging MVP siya noong unang laro niya sa Carolus. At ang laro ding iyon ang unang beses na nakita niya si Casey.

Pumito ang referee. Score na naman para sa team nila. Nag-high five ang teammates niya.

"Nice one, Gids!" bati na sa kanya ni Erol, forward ng team. Hinampas pa nito ang likod niya.

Kanya-kanyang bati ang teammates niya.

Tabla na ang score. At kaunti na lang din ang nalalabing oras. Kailangan nilang makalamang. Iyon na ang final game. Do or die na. First year lang ang kalaban nila. Malaking kahihiyan kung matatalo sila.

Lalong lumakas ang hiyawan nang muling maka-score si Gideon.

Narinig pa niya ang cheer ng tinatawag ng team niyang "Gideon cheering squad." Napapailing na lang siya. Lagi siyang inaasar ng teammates niya dahil sa kanilang lahat daw, siya lang ang may cheering squad. Natutuwa siya dahil kahit paano ay may naniniwala sa galing niya. Pero minsan gusto na niyang sabihan ang mga babae na kung puwede ay hinaan ang pagsigaw sa pangalan niya. Nahihiya kasi siya na parang nasa kanya na lahat ng atensiyon.

Pero may isang tao na nakakuha naman ng atensiyon ni Gideon.

Sa gitna ng maraming tao na naghihiyawan at nagtsi-cheer, isang babae ang nakapukaw sa kanya. Nakatayo ito sa bleachers hindi nalalayo sa cheering squad. Katabi ng kapitbahay niya na girlfriend ni Robert, isa rin sa teammates niya.

Maganda ang babae. Maamo ang mukha. Mukhang inosente. At mukhang wala rin sa sarili. Nakatulala lang ito. Kung sa kanya nakatingin ay hindi niya alam. Pero hindi niya napigilan ang sarili na titigan ang dalaga. Hindi niya pagsasawaan. Kung hindi lang siya tinapik ni Robert, hindi pa siya maalis sa pagkakalulong sa babaeng nasa bleachers. Nginitian niya ang dalaga. At muling ibinalik ang atensiyon sa laro. Nanalo sila. Salamat sa babae. Kahit paano nabuhayan siya ng dugo. Nawala iyong pagod niya.

Napangiti si Gideon. Napukaw ang pagninilay-nilay niya nang marinig ang mommy niya na nagsalita sa garden. Kinakausap na naman marahil ang mga halaman habang dinidiligan ang mga iyon.

Natatawang napailing siya nang maalala kung kailan niya unang narinig ang boses ni Casey.

Tuwing weekend ay laging inaabangan ni Gideon ang paglabas ni Cassandra mula sa bahay ng mga Laurencia. Nalaman niya mula sa kanyang ina na Cassandra ang pangalan ng bagong myembro ng pamilya ng mga ito. Pamangkin daw ni Mr. Laurencia na nakikitira doon dahil nasa Canada ang mga magulang.

Mula nang makita niya si Cassandra sa basketball court at malaman na doon din sa tapat ng bahay nila nakatira ay lagi na niya itong sinusubaybayan. At naobserbahan nga niya na kahit weekend at walang pasok ay maaga pa ring gumigising ang dalaga. Natutuwa siya dahil tulad ng kanyang ina ay kinakausap din nito ang lahat ng bagay na makita nito, maliban sa kanya.

CASEY'S SECRET RECIPE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon