Preface:
Every individual has a place to fill in the world and is important, in some respect, whether he chooses to be so or not.
--Nathaniel Hawthorne
Para kay Sir Joen Chionglo, creative consultant ng PPC, ang responsable sa de-kalidad at magagandang bihis ng aming mga libro. Saludo po kaming mga manunulat sa iyo. Bayani kang tunay! :)
CHAPTER ONE
SANDALING huminto si Impy sa gilid ng kalsada. Itinama niya ang pagkakasuot ng Raider's baseball cap sa ulo - pabaligtad kasi ang pagkakalagay niyon a la-Robin Padilla - at in-assess kung nasaan na siya. Nakalimutan niyang magdala ng shades at ngayon ay nasisilaw na siya sa papataas na araw.
Kung hindi siya nagkakamali, dulo na ng kalye-Sto. Domingo ang hinahayon ng mga mata niya. Naliligaw na siya. Nakalampas na naman siya sa bagong opisina ng kanyang Kuya Evenur. Ganoon din ang nangyari nang una siyang magpunta roon. Kung bakit naman kasi bukod sa maliit ang signage ay medyo tago pa iyon sa mga mata ng titingin.
Minabuti ni Impy na balikan ang nilakaran bago pa siya matusta ng galit na araw. Mabuti na nga lamang at naisipan niya kaninang patungan ng jacket ang suot niyang manipis na cotton shirt.
Hindi niya matawagan ang kanyang kuya upang humingi ng direksiyon dahil balak niyang sorpresahin ito. Kailangan niyang gawin iyon upang hindi siya nito pagtaguan.
Silaw pa rin sa araw, iniharang ni Impy ang isang kamay sa kanyang mga mata upang takpan ang sinag niyon. Huli na nang makita niya ang mabilis na paglapit ng isang matangkad na lalaki pasalubong sa kanya. Maikling-maikli na ang distansiya nila.
Sa pag-aakalang masasagi nito, huling segundo ay nagawa niyang ilihis ang kanyang hakbang. Ngunit walang naapakan ang kanan niyang paa!
The next thing she knew, naramdaman niya ang pagsaklit ng isang kamay ng nakasalubong niya sa kanyang baywang, at ang pagsayad ng naka-rubber shoes niyang paa sa tubig-kanal!
Diring-diring napamura si Impy sabay nagpa-panic na kumapa ng makakapitan. Nahaltak niya ang damit ng taong umalalay sa kanya. Dahil doon ay nawalan ito ng panimbang. Napaluhod ito at ang isang paa ay dumulas at dumawdaw rin sa bahagi ng kanal na naalisan ng takip.
Napamura na naman siya.
"Cussing will get us nowhere," sabi ng lalaki, halatang galit na ngunit medyo malumanay pa rin ang boses. Well, sino nga ba ang hindi magagalit kung nadamay itong mahulog sa mabahong kanal? "Huwag kang pumiglas at susubukan kong iahon ang mga sarili natin dito."
Una ngang hinatak ng lalaki ang sariling binti habang ang kamay nito ay nalipat na sa kanyang braso, pinipigilan siyang tuluyang mahulog sa kanal. Nang makatayo na, walang anumang inialsa siya nito mula sa alanganing posisyon.
Hanggang hita ng kanan nitong paa ang nasawsaw sa kanal samantalang siya ay hanggang binti. Kapwa sila umaalingasaw sa nakasusulasok na amoy ng kanal.
Mangiyak-ngiyak si Impy sa helpless na kalagayan ngunit mas lamang ang inis niya sa nangyari. Kundangan naman kasi, para itong hinahabol ng sampung kabayo kung makapaglakad at halos walang pasintabi sa madaraanan. Palabas na mula sa kanyang bibig ang maaanghang na salita nang maunahan siya nito.
"We're such a mess. Ang mabuti pa sumama ka sa akin. Malapit lang ang bahay ko rito. Doon ka na magbanlaw at pahihiramin kita ng maipampapalit diyan sa sapatos mo at pantalon."
Hindi na nagawang magpawala ng ammunition ng bibig ni Impy sa malumanay na tono ng lalaki. She realized suddenly na mas kailangan niya ang tulong nito kaysa sa pagbigyan ang sarili at murahin pa ito. Lalo na nang mapansin niyang guwapo pala ito at mukha pang mabait.
Naka-shades ito at cream-colored long-sleeved polo na nakapaloob ang laylayan sa dark gray slacks. May bitbit itong briefcase at masasalaminan sa kintab ang suot nitong leather shoes, at least iyong isa sa suot nitong sapatos na hindi nadawdaw sa kanal.
Hmm, mukhang nag-improve na ngayon ang mga ahente ng encyclopedia. Sayang nga lamang at nasira ang porma nito sa pagkakalublob nila sa kanal.
Tiningnan ni Impy ang oras sa suot na wristwatch. Tiyak na after lunch na siya makakapunta sa opisina ng kanyang kapatid kung sasama siya sa mamang ito. Kung sabagay, hindi rin siya makapagpapakita sa opisina ng kuya niya sa ganoong hitsura.
"Well, kung ayaw mo naman, hindi kita pinipilit," sabi nitong nainip na yata sa hindi niya pagkibo. Humakbang na ito palayo.
Nilingon niya ito. Mabilis, tiyak at matatag ang hakbang ng mga paa ng lalaki, puno ng kompiyansa ang imbay ng katawan. Kilala niya ang mga ganoong tao. They were people who had never been near to failure, people who had befriended success the moment they saw light in the outside world. Kilala niya ito dahil ganoon din ang kuya niya.
"Wait, sandali!" nagkukumahog niyang tawag sa lalaki bago mabilis na sumunod dito.
Isang malaking bahay sa kalye ring iyon ang pinasukan nila. Dinala siya nito sa likod-bahay. Sa tabi ng laundry area ay may banyo. Doon siya nito iginiya. "Diyan ka na magsabon at magbanlaw. May towels sa cupboard. Ipadadala ko na lang sa maid ang puwede mong ipalit sa pantalon mong narumihan," anito bago siya iwan.
Mura nang mura si Impy matapos hubarin ang sapatos niyang nalublob sa kanal. Paanong paglalaba kaya ang gagawin niya roon para mawala ang mabahong amoy ng tubig-kanal?
Todo ang ginawa niyang paglilinis sa kaliwang binti. Parang hindi na kayang alisin ng mabangong sabon ang amoy roon ng mabahong kanal. Binanlawan din niya at sinabon ang pantalon niya at ang kabiyak na rubber shoes.
Paglabas ni Impy sa banyo, nakita niya ang isang silyang malapit doon, may nakapatong na isang drawstring shorts at isang plastic bag. Isang pares ng rubber sandals ang laman ng supot. Muli siyang bumalik sa banyo at isinuot ang mga iyon.
Medyo malaki sa kanya ang sandals kaya isinagad na lamang niya ang snap niyon. Mukha siyang trying hard na hip-hop sa suot niya, ngunit mabuti na ang ganoon kaysa lumakad siyang basa at nangangamoy-kanal.
Nang muli siyang lumabas ng banyo, nag-aabang na sa labas ng pinto ang lalaking nagdala sa kanya roon. "Maraming salamat," sabi niya rito kasama ang simpleng ngiti.
"You're welcome," sagot nito kasabay ng bahagyang paggalaw ng isang balikat. "Pasensiya ka na. Kung hindi sa pagmamadali ko kanina, hindi ka sana matatarantang umiwas. Kanal pa naman ang na-landing-an ng paa mo."
Talaga! Kung hindi sa kagagawan mo, maaga sana akong makakarating sa office ni Kuya! Sa huling sandali ay pinigil ni Impy na maibulalas ang pagmumura at maanghang na salitang nasa utak niya. Hindi na yata niya kayang murahin ito matapos siyang asikasuhin at tulungan. "K-kasalanan ko rin. Sa ibang direksiyon ako nakatingin." Shocks! Magpe-fade yata ang sungay ko sa harap ng lalaking ito.
"Ano nga pala ang ginagawa mo roon? May hinahanap ka ba?"
"Oo. Hinahanap ko ang office ng kuya ko. P-pasensiya ka na rin, hindi ka na makakaabot sa hinahabol mo." Mahirap palang humingi ng paumanhin kapag hindi nakasanayan.
Muli na naman nitong pinagalaw ang isang balikat. "It happens."
Guwapo nga pala talaga ang lalaki. Ngayong magkaharap na sila at hindi na sa paang nasawsaw sa kanal ang kanyang pansin, malaya na niyang napagmamasdan ang intelihente nitong mga mata sa loob ng suot nitong rimless eyeglasses.
Alun-alon ang buhok ng lalaki na bahagyang tumatakip sa malapad na noo. Katamtaman lang ang tangos ng ilong nito na bumagay sa katamtaman ding luwang ng bibig. His lips were red. Pinkish naman ang kutis nito kung kaya't halos nakasisiguro si Impy na kung magdo-donate lamang ito ng dugo sa Red Cross, kahit ilang bags siguro ang makuha rito ay hindi pa rin mamumutla.
"Tutuloy na ako. Maraming-maraming salamat uli."
"I'm glad to be of help." Inihatid siya nito hanggang sa tarangkahan. Pahakbang na si Impy sa pedestrian gate nang tanungin siya nito. "Eh, totoy, ano nga pala'ng pangalan mo?"
Grrr! Mukha bang totoy 'tong gandang 'to? Sa inis niya sa lalaki, ibang pangalan ang nasabi niya. "Teryo Dimagiba," sagot niya sabay talikod. Wala na siyang ganang makilala ang lalaki kahit pa guwapo ito.
Inis na naghanap na lang ng makakainan si Impy. After lunch na siya pupunta sa opisina ng kapatid.
Bago kumain, pumunta muna si Impy sa rest room ng fast-food restaurant na pinasukan niya at pinagmasdan ang mukha sa salamin. Ngayon lamang niya napagtanto na hindi nga imposibleng mapagkamalan siyang totoy ng lalaking tumulong sa kanya. Bukod sa walang bahid ng makeup o kahit lipstick lang ang kanyang mukha, sabog pa ang makakapal niyang kilay na minsan man ay hindi naahitan. May mangilan-ngilan pa siyang tagihawat sa magkabilang pisngi. Dagdag pang natatakpan ang may kaliitan niyang dibdib ng suot na jacket na maong. At hindi naman gawain ng isang pangkaraniwang babae na magsuot ng baseball cap paris ng suot niya. Naitatago tuloy niyon ang lampas-balikat niyang buhok.
Bago lumabas ng rest room, naalala ni Impy na hindi nga pala nakapagpakilala ang lalaki sa kanya. Tinanong nito ang kanyang pangalan ngunit hindi niya ito natanong. Alam ko naman na ang bahay niya. Isasauli ko na lang ang mga ipinahiram niya one of these days.
